Inday TrendingInday Trending
Pinagtaka ng Guro ang Biglaang Pagtaas ng Iskor ng Isang Binata, Lumabot ang Puso Niya nang Malaman ang Dahilan Nito

Pinagtaka ng Guro ang Biglaang Pagtaas ng Iskor ng Isang Binata, Lumabot ang Puso Niya nang Malaman ang Dahilan Nito

“Ma’am Gonzaga, hindi ba’t estudyante mo rin si Jonar sa isang subject?” tanong ni Jona sa kapwa niya guro, isang araw matapos niyang rebisahin ang exam ng kaniyang mga estudyante.

“Opo, ma’am, bakit po?” pagtatakang tanong nito.

“Nagtataka lang kasi ako, eh, limang sunod na siyang nangunguna sa mga exam na binibigay ko, eh, palagi nga siyang absent noong mga nakaraang buwan. Pakiramdaman ko, kung hindi nangongopya ‘tong batang ‘to, e nangongodigo. Gusto ko siyang mahuli,” sambit niya rito dahilan upang bahagya itong mapangiti.

“Naku, Ma’am Jona, matataas din ang iskor niyang batang ‘yan sa akin. Malay naman natin nagbago na siya. Madalas na rin siyang pumapasok sa klase ko, eh, hindi katulad dati na parang kabute,” malumanay nitong kwento.

“Hindi, malakas ang kutob ko may ibang ginagawa ‘to para tumaas ang marka niya,” giit niya sakto namang nagtungo sa kanilang opisina ang isang binata dahilan upang pakisuyuan niya ito, “Ay, hijo, kaklase mo si Jonar, hindi ba? Pakitawag naman siya, kailangan ko kamo siya makausap,” sambit niya rito, agad naman itong tumango-tango saka mabilis na lumabas ng opisina.

Isa sa mga istriktang guro sa mataas na paaralan ng Lucban ang ginang na si Jona dahilan upang katakutan siya ng halos lahat ng mga estudyante rito. Sa katunayan nga, malayo pa lang siya, natataranta na ang mga estudyanteng masipasok sa kani-kanilang mga silid upang huwag niyang mabungangaan.

Nagsimula siyang katakutan nang sampalin niya sa harap ng maraming estudyante ang isang mag-aaral na kilala sa pagiging maloko. Binastos kasi siya nito’t minura-mura dahilan upang hindi siya mag-aalinlangang pagbuhatan ito ng kamay kahit pa madadala sa bingit ng bangin ang kaniyang lisensya sa pagtuturo.

Ngunit kahit pa ganoon ang kaniyang ginawa, dahil sa takot na hindi makapagtapos ang naturang batang iyon, hindi siya sinampahan ng kaso ng mga magulang nito bagkus, humingi pa ang mga ito ng tawad sa kaniya.

Simula noon, hindi na niya muling hinayaang mabastos siya nang sino mang estudyante. Naging mahigpit din siya sa pagtuturo. Ayaw niyang hindi nakikinig ang kaniyang mga estudyante at lalo’t higit, ayaw na ayaw niyang nagkokopyaan o nangongodigo ang mga ito sa mga pagsusulit na kaniyang ibinibigay.

Ito ang dahilan upang labis na mag-init ang kaniyang ulo nang mapansing ilang beses nang nangunguna sa kaniyang klase ang isang estudyanteng madalas lumiliban.

Noong araw ding ‘yon, ilang minuto lang ang nakalipas simula nang pakisuyuan niya ang isang binata, dumating na ang hinahanap niyang estudyante, si Jonar.

Agad siya nitong binati at tahimik na naupo sa kaniyang harapan. Inilatag niya sa harapan nito ang mga test papers nito simula noong unang araw ng pasukan. Kitang-kitang ang laki ng pagbabago sa mga nakukuha nitong iskor. Mula sa sandamakmak na itlog, naging perpekto ang mga iskor ng naturang binata nitong mga nakaraang linggo.

“Hindi ba’t nakakapagtaka? Kung aamin ka sa ginawa mong pandaraya, bibigyan kita ng isa pang pagkakataon, kung ayaw mo namang umamin at nahuli kita sa akto, hindi kita papaakyatin sa entablado sa Marso,” banta niya sa nakatungong binata dahilan upang agad itong mapaluha.

“Hindi po ako nandaya, ma’am, sadyang nag-aral lang po ako nang mabuti ngayong semester. Pakiusap po, gusto ko magtapos ng may medalya,” hikbi nito saka hinawakan ang kaniyang kamay na agad naman niyang tinanggal.

“Tingin mo madadala mo ako sa pag-iyak mo?” masungit niyang sambit.

“Gusto ko lang naman po kasing masabitan ng medalya ang nanay ko bago siya mawala,” nakatungong tugon nito na labis niyang ikinagulat dahilan upang masinsinan niyang kausapin ang naturang binata.

Doon niya nalamang may taning na pala ang buhay ng nanay nito dahil sa sakit na kanser sa dibdib. Nais nitong maparamdam sa ina ang kasiyahang magkaroon ng isang anak na matalino’t ganado sa pag-aaral dahilan upang agad itong magbago. Mula sa pinakatamad na mag-aaral, naging pinakamasipag ito at bibo makakuha lang ng matataas na marka.

Tila lumambot ang puso niyang malabato sa kwento ng binata. Agad niya itong niyakap nang ipakita sa kaniya ang mga larawan ng ina nitong hirap na sa buhay at maraming aparatong sumusuporta.

Pinalakas niya ang loob ng binata saka sinabing, “Naniniwala ako sa’yo, magkakamedalya sa nalalapit na pagtatapos,” saka niya ito tinapik-tapik sa likuran dahilan upang maging ganado ito sa pag-aaral noong mga sumunod na araw. Hanggang sa dumating na nga ang araw ng pagtatapos.

Nagsitayuan silang lahat habang nagpapalakpakan nang tawagin ang pangalan ni Jonar, umakyat siya sa entablo kasama ang inang nasa wheelchair, kalbo na’t litis na litis. Mangiyakngiyak ang lahat ng nakasaksi sa eksenang ito.

Kitang-kita niya kung gaano kasaya ang estudyanteng dati’y pasaway ngayo’y isa sa mga magagaling nilang mag-aaral at ang nanay nitong anumang oras, papasalangit na.

Magkahalong lungkot at saya ang kaniyang nararamdaman dahilan upang ipangako niya sa sariling, “Imbis na maging istrikta ako sa lahat, uunawain ko ang mga estudyante ko. Pag-unawang kailangang-kailangan nino man.”

Advertisement