Natuwa ang Dalaga nang Makakilala ng Bagong Kaibigan sa Sinakyang Jeep; Balot Pala Ito ng Misteryo

Panay ang sipat ni Rosie sa kaniyang relong pambisig. Mag aalas diyes na kasi at hindi pa siya nakakauwi. 

Inabot pa kasi siya ng mabigat na trapiko sa bandang bayan. Biyernes kasi.

Malayo layo pa din ang lalakbayin niya. Sa palagay niya ang aabot pa ng trenta minutos bago siya makauwi.

“O, Baryo Masipag!” Sigaw ng matandang drayber.

Naiinggit na minasdan ni Rosie ang mga pasaherong nagsibabaan. Tatlong pasahero lang ang natira. Siya, na nakaupo sa bukana, at ang magkasintahan na nakaupo malapit sa driver.

Muling umandar ang jeep at binaybay ang madilim na daan.

“Makaidlip na nga muna,” mahinang kausap ni Rosie sa sarili bago isinandal ang ulo at ipinikit ang mata.

Wala pa sigurong tatlong minuto nang maramdaman ni Rosie ang malakas na vibrate ng kaniyang cellphone. 

Advertisement

Kinuha niya ito nang makita ang kaniyang mama.

“Hello, ‘ma?”

“Anak, alas diyes na, nasaan ka na?” Ramdam niya ang pagkabalisa sa boses ng kaniyang ina. 

“‘Ma, pauwi na po ako, mga 30 minutes pa po bago ako makarating diyan sa bahay. Huwag na po kayong mag-alala,” natatawang saway niya sa ina.

“Naku, lagot talaga ‘yang papa mo sa akin, kung bakit ba kasi hindi niya sinabing hindi ka niya masusundo! Hindi ka pa naman marunong mag-commute!” Gigil na wika ng kaniyang ina.

“‘Ma, matanda na po ako, college na ko, kaya ko na ang sarili ko. Huwag mo nang awayin si papa, pagod din ‘yun pag-uwi,” saway niya sa ina.

“Sige anak, mag-iingat ka ha,” iyon lamang ang sinabi ng kaniyang ina bago tuluyang nagpaalam. 

Napangiti na lang si Rosie sa kaniyang nanay. Napaka-nerbiyoso talaga ng kaniyang mama. Naiintindihan naman ito ni Rosie sapagkat nag-iisang anak lamang siya.

Advertisement

At tama ito, hindi naman talaga siya sanay sumakay ng pampublikong transportasyon.

“Overprotective na nanay?” Nagulat si Rosie nang may magsalita sa kaniyang harapan. 

Nang iangat niya ang tingin ay halos mapanganga siya nang makita ang isang gwapong lalaki.

Maputi ito, may mga singkit na mata, at may maganda at nakaka-engganyong ngiti. Sa palagay niya ay halos kaedaran niya rin ito, at nakasuot din ito ng uniporme ng isang kilala unibersidad.

Dahil sa palagay ni Rosie ay mabait naman ang lalaki, sinuklian niya rin ito ng ngiti bago sumagot. 

“Oo, nag-iisang anak kasi.”

Hindi nawala ang ngiti sa labi ng lalaki.

“Naku, sinabi mo pa. Ganiyan na ganiyan din ang nanay ko kapag lumampas na ng alas otso na wala pa ako sa bahay,” kumakamot sa ulong wika nito.

Advertisement

Sabay silang nagkatawanan.

“Aries nga pala.” Iniumang nito ang kamay.

“Ah, Rosie.” Hindi niya naman ito ipinahiya at nakipagkamay dito.

“Parang hindi ko napansin na sumakay ka kanina? Parang bigla ka na lang sumulpot?” Natatawang usisa ni Rosie kay Aries.

“Ah, tulog ka kasi kanina,” sagot ng lalaki.

“Oo nga, ano?”

Nagkatawanan ang bagong magkaibigan.

Dahil magka-edad, mabilis na nakapalagayang loob ni Rosie ang lalaki. Marami silang napag-usapan habang nasa biyahe.

Advertisement

Nagkataon pa na marami silang pagkakapareho ng lalaki. Mula sa pagkain, lugar, hanggang sa musika at pelikula ay magkasundong magkasundo sila kaya naman aliw na aliw si Rosie.

Hindi niya na napansin ang kakatwang tingin na ibinabato sa kaniya ng magkasintahan at ang pag-iling ng matandang drayber. 

Makalipas ang ilan pang minuto ay pumara na ang lalaki. Malungkot na minasdan ni Rosie ang bagong kaibigan na naglalakad palayo sa madilim na daan.

“Sana safe siya makauwi…” bulong ng dalaga. Hindi niya alam kung magkikita pa ulit sila ng lalaki. 

Hindi na umidlip pang muli si Rosie dahil malapit na rin siyang bumaba ng jeep. 

“Hija…” Tawag sa kaniya ng babae na katabi ng kasintahan nito. 

Mabilis naman siyang lumingon dito. “Bakit po?”

“Sino ‘yung kausap mo kanina?” Kunot noong usisa nito.

Advertisement

“Ah, si Aries po. Bakit po? Kilala niyo po ba siya?” Kinakabahang sagot niya sa babae.

“Naku, hindi… may sasabihin ako pero huwag kang matatakot, ha?” Marahang sabi ng babae.

Lalo namang kumabog ang dibdib ni Rosie. “Bakit po? Masamang tao po ba siya?”

“Hindi… sa tingin ko, multo ang nakausap mo,” walang gatol na sabi nito. 

“Po? Bakit naman po?” Nanlaki ang mata n Rosie sa sinabi ng babae.

“Maniniwala ka ba kung sasabihin ko na wala naman kaming nakita na kausap mo? Tatlo lang tayong pasahero, mula kanina hanggang ngayon. Kahit itanong mo pa sa drayber,” paliwanag nito.

“Oo, hija,” segunda ng driver. “Aries ba kamo ang pangalan nung nakausap mo? Poging estudyante?” kumpirma nito.

“Opo,” naiiyak na sagot ni Rosie.

Advertisement

“‘Naaksidente ang sinasakyan niyang jeep, siguro mga isang taon na ang nakakaraan. Nagpaparamdam talaga ‘yung batang ‘yun, hija. Siguro kasi hindi niya pa matanggap ang pagkawala niya sa batang edad.” Pagkukwento ng matandang drayber.

“‘Kung saan siya bumaba, dun siya nakalibing. Sementeryo kasi ‘yun. Teka, hindi ka ba tagarito? Bakit hindi mo alam eh sikat na kwentong katatakutan ‘yan dito?” Usisa ng matanda.

“Hindi naman po kasi ako madalas mag-commute, manong. Kadalasan po ay hinahatid sundo ako ng tatay ko,” paliwanag ng takot na takot na si Rosie.

Hindi naman daw nananakit ang multo. Talaga lang daw madalas ay nakikihalubilo ito sa mga pasahero.

Hanggang makababa ng jeep ay laman pa din ng isipan ni Rosie ang naranasang katatakutan. Agad niyang ikinuwento sa ina ang kababalaghan.

“Naku, anak, baka naman tinatakot ka lang nila kasi mukha kang inosente!” Pagpapalubag loob ng kaniyang ina. 

Kaya naman naghanap si Rosie ng balita tungkol kay Aries.

At totoo nga! Totoo ang kwento ng drayber. Isa nga ito sa mga nasawi ng maaksidente ang jeep na sinasakyan nito sa kahabaan ng daan na binaybay nila kanina.

Advertisement

Bago matulog ng gabing iyon, nagtirik silang mag-anak ng kandila para sa namayapa.

Ipinanalangin din ni Rosie na matahimik ang kaluluwa ni Aries nang makapagpahinga na ito nang tuluyan.