
Nakapulot ng Pera ang Kasambahay sa Ilalim ng Sofa; Isang Nakakikilig na Pangyayari ang Kasunod
Alas nuwebe pa lang nang umaga ay abala na si Amy sa paglilinis. Sinabihan kasi siya ng amo na linising mabuti ang buong bahay dahil may party na gagawin doon. Kaarawan ng panganay na anak na lalaki ng kaniyang amo kaya magkakaroon ng handaan sa bahay ng mga ito.
“Amy, ‘yung sinabi ko sa iyo ha, dapat malinis ang sala at kusina. Maraming bisita ang pupunta mamaya kaya kailangang maayos at malinis ang lahat,” wika ng amo niyang si Ophelia.
“Opo, ma’am. Ako po ang bahala. Maski kaunting alikabok ay wala kayong makikita,” sagot niya.
Kahit marami siyang ginagawa sa bahay ng mga amo ay masuwerte naman siya sa mga ito dahil mababait at hindi matapobre ang among babae pati na ang asawa nito at mga anak. ‘Yun nga lang, sa laki ng bahay at mag-isa lang siyang kasambahay na naroon ay pagod na pagod siya sa mga gawain. Ayaw kasing kumuha ng isa pang kasambahay ng mga amo niya dahil ang katuwiran ng mga ito ay kayang-kaya naman niya ang mga trabaho at mabilis siyang gumawa. Kahit ganoon ay pinapasahod naman siya nang maayos ng mga amo. Malaki ang sahod niya at mayroon pa siyang mga benebisyo.
“Pasensiya ka na, Amy kung masyadong marami ang gawain mo ngayon. Dito kasi gagawin ang party ni kuya mamayang gabi. Darating ang mga kaibigan niya at mga kasama sa trabaho,” sabi ng anak ng amo niyang si Marian.
“Naku, okay lang po ‘yon, ma’am. Sanay naman po ako sa maraming trabaho kaya kering-keri ko po ito,” masaya niyang sagot.
“Salamat, Amy. Hindi namin siguro alam ang gagawin kung wala ka rito. Ang laking tulong mo rito sa bahay,” sambit pa ng amo.
“Walang anuman po, ma’am.
Maghapon siyang naglinis ng buong kabahayan. Pagkatapos ay tinulungan siyang magluto ng among si Ophelia. Iba’t ibang putahe ang inihanda nila. Pagod na pagod si Amy sa dami ng ginawa niya ngunit wala siyang naging reklamo. Nang nakahanda na ang mga pagkain sa hapagkainan ay sinabihan siya ng amo na magpahinga na muna kaya pumunta siya sa kaniyang kwarto at umidlip sandali. Makaraan ng ilang oras ay nagising siya. Nakita niyang mag-a-alas sais na nang gabi at nakarinig ng mga boses na nag-uusap sa labas.
“Dumating na yata ang mga bisita,” bulong niya sa isip.
Dali-dali siyang nag-ayos ng sarili at lumabas na sa kwarto para estimahin ang mga bisita at tumulong sa kusina.
“Ma’am, sorry po kung ngayon lang ako nagising. Napasarap po kasi ang tulog ko,” paghingi niya ng paumanhin sa among babae.
“Don’t worry, kaunti pa lang naman ang mga bisitang dumating. Alam kong napagod ka kanina kaya hinayaan muna kitang magpahinga,” tugon ng amo.
Nang pumunta siya sa sala ay nakita niyang naroon na ang amo niyang lalaki na may kaarawan kasama ang mga kaibigan at katrabaho nito. Binati pa niya ang amo.
“Happy birthday, Sir Larry!”
“Thank you, Amy. Please paki-estima muna ang mga bisita ha? Bigyan mo ng inumin at makakain,” sagot nito.
“Opo, sir. Nakahanda na po kanina pa ang mga pagkain.”
Naging masaya naman ang party ng kaniyang amo. May kainan, inuman, videoke at kwentuhan. Umabot hanggang ala una nang madaling araw ang kasiyahan hanggang sa isa-isa nang nagsi-uwian ng mga bisita. Pagod at lasing na rin ang mga amo niya kaya natulog na ang mga ito at naiwan na lamang siyang mag-isa roon para maglinis.
“Hayy, linis-linis muna bago matulog,” sabi niya sa sarili.
Habang nagwawalis ay may napulot siyang nakatiklop na perang papel sa ilalim ng sofa.
“Aba, may pera!”
Nang bilangin niya ito ay nagkakahalaga pala iyon ng limang libong piso.
“Sino kaya ang nakaiwan ng perang ito rito? Baka naiwan ng isa sa mga bisita ni Sir Larry,” sambit niya sa isip.
Itinabi niya muna ang pera at kinaumagahan ay ibinigay niya ito sa among lalaki.
“Sir, may napulot po akong pera sa ilalim ng sofa. Baka po naiwan o nawala ng isa sa mga bisita niyo kagabi.”
Laking pagtataka naman ng amo kung sino ang nakawala ng ganoon kalaking halaga. Hinangaan naman nito ang katapatan ng kasambahay sa pagsasauli nito nang napulot na pera.
“Salamat, Amy. Hayaan mo at ipapaalam ko ito sa mga kaibigan at ka-opisina ko kung sino ang nagmamay-ari nito,” tugon ng lalaki.
“Mabuti at si Amy ang nakakuha niyan, hijo. Kung ibang kasambahay ang nakapulot niyan ay siguradong kinuha na ‘yan. Mapagkakatiwalaan talaga si Amy,” sabad naman ng inang si Ophelia.
Kinagabihan ay nagulat si Amy nang ipatawag siya ni Larry sa sala. Kasama nito ang may-ari ng perang napulot niya.
“Ipinatawag niyo raw po ako, sir?” tanong niya.
“Oo, Amy. Siya nga pala si Enrico, officemate ko. Siya ang may-ari nang napulot mong pera,” sagot ng amo.
“Ako nga ang may-ari ng perang nakuha mo. ‘Di ko namalayan na sa pagkuha ko ng panyo sa aking bulsa ay kasamang nadukot ang pera ko at nahulog pala. Wala kasi akong dalang wallet kaya sa bulsa ko lang inilalagay ang pera ko. Mabuti na lang at mayroon pa akong pera sa kabilang bulsa kaya nakasakay pa ako sa taxi. Ang akala ko’y nawala na ang pera ko sa daan,” hayag ng lalaki.
“Kayo po pala ang may-ari ng pera. Sa uulitin po ay mag-iingat ka, sir. Huwag niyo hahayaan na mawalan kayo ng pera. Mahalaga po ang bawat halaga ng pera ngayon. Mabuti na lang po talaga at dito niyo nawala ang pera niyo,” sabi niya.
“Kaya nga nagpapasalamat ako sa iyo, Miss Amy,” anito.
“A-Amy na lang po, sir. Nakakahiya naman kung lalagyan niyo pa ng ‘miss’.”
“Bakit naman? Wala namang nakakahiya roon. At walang dapat na ikahiya ang isang magandang binibini na gaya mo,” hirit pa ng lalaki na hindi maalis ang pagkakatitig sa kaniya.
Pinamulahan naman ng pisngi si Amy. Napansin niya kasing titig na titig sa kaniya ang lalaki. ‘Di niya maipagkakaila na guwapo si Enrico at may matikas na pangangatawan.
Ang akala niya ay doon na natatapos ang pagkakakilala nila nito. ‘Di niya inasahan na babalikan siya ng lalaki.
“O, Sir Enrico, napadaan po kayo. Wala po si Sir Larry. May pinuntahan po,” sabi niya nang isang araw ay pumunta ito sa bahay ng mga amo niya.
“A, eh, hindi si Larry ang ipinunta ko rito kundi ikaw, Amy.”
Nagulat si Amy sa sinabi ng lalaki,
“P-pero, b-bakit, sir?”
“May aaminin ako sa iyo. Sinadya ko talagang iwan sa ilalim ng sofa ang pera ko. Noong gabing pumunta ako sa party ni Larry at nakita kita ay hindi na naalis ang mga mata ko sa iyo. Gusto kitang makilala ngunit nahihiya ako at marami pang bisita noon. Ginawa ko ‘yon dahil napag-alaman ko na ikaw lang ang kasambahay nila rito at tiyak kong makikita mo ang iniwan kong pera at nagtagumpay nga ako sa balak ko. ‘Yun lang ang paraan ko upang makilala ka. Kinausap ko si Larry para personal na pumunta rito at magpasalamat sa iyong ginawa. Aaminin ko rin na nang una kitang makita ay nabihag mo na agad ang puso ko, Amy,” bunyag ng lalaki.
Naitakip ni Amy ang mga kamay sa kaniyang bibig. Sa ipinagtapat ng guwapong lalaki. Plinano pala nito ang lahat para lang makilala siya.
“G-ginawa mo ‘yon para lang makilala ako?”
“Oo, Amy at hindi ko pinagsisisihan ang ginawa ko.”
“P-pero, isa lamang akong kasambahay.”
“Ano naman? Hindi mahalaga sa akin kung ano ang trabaho mo. Marangal na trabaho ang pagiging kasambahay at wala akong nakikitang masama roon. Gusto pa kitang makilala nang lubusan, Amy. Sana ay bigyan mo ako ng pagkakataon,” tugon ni Enrico.
Maging matiyaga ang lalaki sa panliligaw sa kaniya. Gabi-gabi itong pumupunta sa bahay ng mga amo niya para dalawin siya at nagbibigay rin ng mga bulaklak at tsokolate. Kinikilig naman ang mga amo niya sa ginagawang effort ng lalaki. Ilang buwan ding nanligaw si Enrico kay Amy hanggang sa sinagot na ito ng dalaga.
“Talaga ba? Sinasagot mo na ako, Amy?”
“Oo, sir… este Enrico pala. Napatunayan kong tapat ang intensyon mo sa akin kaya ‘oo’ na, sinasagot na kita.”
Tuwang-tuwa si Enrico sa pahayag na iyon ni Amy.
Dahil sa ikinasiya rin ng mga amo ni Amy ang suwerteng nangyari sa kaniya ay ang mga ito na ang gumastos sa kasal nila ni Enrico. Siyempre, hindi naman pumayag si Enrico na akuin lahat ng mga ito ang gastos sa kasal kaya nakihati rin ang lalaki.
Naging happy ending ang love life ni Amy nang dahil lang sa napulot niyang pera sa ilalim ng sofa. ‘Di pa rin siya makapaniwala na dahil doon ay mahahanap niya ang prinsipeng magmamahal sa kaniya at makakasama niya habang siya ay nabubuhay.