Inday TrendingInday Trending
Buo na ang Kaniyang Desisyon na Ibenta ang mga Lupain ng Pumanaw na Lolo; Isang Larawan ang Magpapabago ng Kaniyang Desisyon

Buo na ang Kaniyang Desisyon na Ibenta ang mga Lupain ng Pumanaw na Lolo; Isang Larawan ang Magpapabago ng Kaniyang Desisyon

“Mahal na mahal ka ni lolo, apo. Ikaw ang pinakamamahal ko sa buong mundo, lahat ay gagawin ko para sa’yo. Lahat ay ibibigay sa’yo ni lolo.”

Nanariwa sa isip ni Jonathan ang mga salitang iyon na sinabi sa kaniya nang kaniyang lolo Lorenzo noong bata pa siya nang makita ang litrato nila ng matanda. Kuha iyon noong araw na sinabi iyon sa kaniya ng kaniyang lolo. Isang mapayapa at masayang araw kung saan namasyal silang dalawa sa lupain ng kaniyang lolo.

Tatlong araw na rin ang nakalilipas simula nang ilibing ang kaniyang lolo. Nagluluksa pa rin ang lahat sa pagkawala ng kanilang lolo. Ito kasi ang nagsilbing pundasyon sa kanilang lugar sa probinsya, ito ang batas dahil ito ang nagmamay-ari ng buong lupain sa kanilang probinsya, kaya lahat ay tumitingala sa kanilang lolo hanggang sa huling hininga nito.

Isang inspirasyon sa nakararami ang kaniyang lolo. Galing kasi sa isang mahirap na pamilya lamang ang kaniyang lolo. Bata pa ito nang naulila nguni’t kumayod at nagsikap upang makaahon sa hirap. Matalino at madiskarte sa buhay ang kaniyang lolo kaya naman narating nito ang kasaganahan gamit ang angking talino at galing sa negosyo.

“Sir, may mga magsasaka pong nag-aalsa na naman sa labas ng mansyon niyo,” napatingin siya sa kaniyang sekretarya at sumunod sa dalaga palabas ng mansyon para harapin ang mga magsasakang nagtratrabaho sa kanilang lupain.

“Huwag niyo pong ibenta ang lupaing ito! Dugo at pawis ng mga ninuno pa ng mga pamilya namin ang inialay at ibinuwis namin para sa lupaing ito,” sigaw sa kaniya ng tumatayong pinuno ng mga magsasaka.

“Kung nabubuhay pa po ang Don Lorenzo ay paniguradong hindi niya ito gagawin, mahal niya ang lupaing ito at kaming kaniyang mga manggagawa. Ito lang ang pinagkukunan namin ng hanapbuhay, maawa ka naman sa amin at sa aming mga pamilya,” dugtong ng isa pang magsasaka.

Lumapit siya sa mga ito at nagsalita, “Pasensiya na kayo mga kabayan pero hindi ko magagawa ang inyong hinihiling. Alam ko kung gaano kamahal ng lolo ang lupaing ito at kayo dahil halos pamilya na ang turing niya sa inyo, ngunit hindi ako ang lolo ko. Wala akong alam sa pagsasaka o sa mga kung mang mga gawain ninyo dito kaya mas mainam na ibenta ko na lamang ang lupaing ito kaysa naman malugi lamang,

“Huwag kayong mag-alala at bibigyan ko naman kayo ng nararapat na halaga para sa lahat ng panahong inyong ginugol sa pagtratrabaho rito upang mapalago ang aming lupain, at malay niyo, mapakiusapan ko pa ang bagong may-ari na panatilihin kayo rito bilang mga magsasaka niya.”

Nagkatinginan naman ang mga magsasaka kaya napangiti si Jonathan at tahimik na tumalikod sa kanila at bumalik sa loob ng mansyon. Alam niya ang dapat sabihin at gawin para lamang mapatahimik ang mga taong iyon. Alam niya naman kasi ang habol ng mga ito… pera.

Dalawa nalang sila ng kaniyang lolo na magkadugo sa mundong ito. Pumanaw ang kaniyang lola sa panganganak sa kaniyang ama na siyang nag-iisang anak naman ng kaniyang lolo. Hindi na ulit nag-asawa ang kaniyang lolo dahil labis nitong mahal ang kaniyang lola at sapat na raw ang kaniyang ama para maging masaya ito sa buhay.

Itinuon na lamang ng kaniyang lolo ang kaniyang oras at atensyon sa pagpapalago ng kanilang mga negosyo at lupain. Hindi naman ito nabigo dahil sobrang naging matagumpay ang lahat ng negosyong pinasukan nito.

Ngunit sabi nga nila, hindi pwedeng mapunta sa iyo ang lahat ng bagay, kapalit ng karangyaan at patuloy na paglago ng kanilang mga lupain at negosyo ay ang pagkawala ng kaniyang mga magulang. Bumagsak ang eroplanong sinasakyan ng mga ito nang pumunta sa Amerika para sa isang bagong negosyong nais sanang itayo ng kaniyang ama, dahil na rin sa walang tigil na pangkukumbinsi ng kaniyang lolo.

Simula noon ay naging malayo na ang loob niya sa kaniyang lolo, “Kung sana hindi mo pinilit si papa na umalis para sa letseng negosyo na ‘yan ay sana buhay pa ang mga magulang ko ngayon at hindi ako mag-isa!” galit na galit niyang sigaw sa kaniyang lolo.

Lumaki siya sa ibang bansa. Halos hindi siya umuwi sa Pilipinas dahil ayaw niyang makita ang kaniyang lolo, ito kasi ang sinisisi niya sa pagkawala ng kaniyang mga magulang.

Hanggang sa isang araw, nakatanggap na lamang siya ng tawag mula sa Pilipinas na nagsasabing naghihingalo na daw ang kaniyang lolo. Agad siyang umuwi, nagsisisi sa mga oras na nasuklam siya sa kaniyang lolo at hinayaan itong mag-isa.

“Wala na siya,” malungkot na bungad sa kaniya ng doctor ng kanilang pamilya pagkarating niya sa kanilang mansyon.

Nahuli na siya, binawian na ng buhay ang kaniyang lolo. Wala na siyang nagawa kundi lumuha at magsisi.

Pagkabalik niya sa kaniyang kwarto ay napatitig muli siya sa litrato nila ng kaniyang lolo. Kinuha niya ito at tatanggalin sana ang litrato sa lalagyan ng mapansin niyang may nakasulat sa likod ng litrato.

“Ang pinakamamahal kong apo. Siya ang aking pinaka-iingatang yaman. Wala ng mas mahalaga pa sa kaniya sa’kin sa mundong ito, sana ay palagi siyang ligtas at masaya.”

Tumulo ang kaniyang mga luha sa kaniyang nabasa. Hindi na itinuloy ni Jonathan ang pagbebenta ng lupain ng kaniyang lolo. Pinag-aralan niya na lamang kung paano ito palalakarin, ipinagpatuloy na rin ang lahat ng negosyong naiwan ng kaniyang lolo. Nahirapan man ay hindi siya sumuko dahil alam niyang ito ang gusto ng kaniyang lolo na gawin niya.

Napagtanto niyang hindi naman pala talaga siya nag-iisa ng mawala ang kaniyang mga magulang dahil parating nandyan lang ang kaniyang lolo at ang mga taong nagtratrabaho sa kanila. Gaya ng kaniyang lolo at itinuring din ni Jonathan na pamilya ang kanilang mga trabahador at mga magsasaka. Nanatili siya sa lupain ng kaniyang lolo kung saan buong buhay ng lolo niya ay ginugol at inialay niya para rito.

Advertisement