Kinupkop at Tinuring na Tunay na Anak ng Mag-Asawa ang Sanggol na Iniwan sa Bus, Wala Silang Kaalam-alam na Mapapalapit Ito sa Tunay Niyang Ina
Oras na para bumaba ng bus ang mag-asawang Ignacia at Leopoldo nang mapansin nila ang isang sanggol na nakabalot pa ng lampin. Tulog na tulog ito at katabi nito ang isang maliit na bag.
“Aba, sinong walang awang ina ang nag-iwan sa kaawa-awang sanggol na ito?” wika ng babae.
“Baka naman hindi pa nakakalayo ang ina ng batang iyan,” sabi ng asawa.
Agad nilang ipinaalam sa bus driver at konduktor kung napansin ng mga ito ang ina ng sanggol ngunit hindi rin alam ng dalawang lalaki ang isasagot. Hindi rin nila napansin na bumaba na pala ito ng bus.
Pinagtanung-tanong ng mag-asawa kung may nakakita ring pasahero sa ina ng sanggol ngunit wala ring nakakita sa mga ito.
“Ano ang gagawin natin sa sanggol, Leo?” tanong ni Igna sa asawa.
“Wala naman tayong magagawa. Hindi naman natin puwedeng iwan ito dito,” anito.
Iniuwi ng mag-asawa ang nakuhang sanggol sa kanilang bahay. Dahil hindi sila biniyaaan ng anak ay inangkin na nila ito na parang tunay na anak. Kahit pagtitinda lang ng gulay at isda ang ikinabubuhay ng dalawa ay iginapang nila ang pagpapalaki rito. Lumipas ang ilang taon at lumaki ang sanggol na isang mabait at matalinong bata.
“Keisha, anak! Nakapagsaing ka na ba?” sigaw ni Igna.
“Opo, inay. Tapos na po. Nakapagluto na rin po ako ng ulam natin!”
“Napakasipag talaga nitong anak natin, Leo. Kita mo at nakapagluto na rin ng ulam,” puri ng babae.
“Hmmm…mukhang masarap iyang niluto mong adobo, anak! Sampung taong gulang ka palang pero magaling ka nang magluto!” ani Leopoldo.
“Siyempre po, magaling pong magturo si inay, e!”
Hindi lang sa gawaing bahay magaling si Keisha, magaling rin siya sa eskwelahan. Sa katunayan ay palagi itong nangununga sa klase. Mahusay siya sa lahat ng asignatura kaya paborito siya ng kanyang mga guro.
“Napakatalinong bata ng estudyante kong si Keisha Manotoc. Biruin mo siya lang ang nakakuha ng perfect score sa exam na ibinigay ko,” manghang sabi ni Ms. Dela Rosa na guro niya sa Matematika.
“Natutuwa nga ako sa batang iyan. Palagi ring mataas ang nakukuha niyang grado sa Agham,” sabad ni Ms. Filomeno.
Isa sa mga gurong humahanga sa katalinuhan ng bata ay si Ms. Rissa Lorca. Ang mabait niyang guro sa Filipino.
Minsan habang nasa klase ay nagpakitang gilas si Keisha sa pagsagot sa mga tanong ni Ms. Lorca kaya tuwang-tuwa na naman rito ang guro.
Nang mag-uwian ay nilapitan nito ang bata.
“Hi, Keisha! Congrats! Napakahusay mo kanina!” puri ng babae.
“Salamat po, Ma’am! Magaling po kasi kayong magturo kaya madali ko pong nasagot ang mga tanong niyo kanina,” anito.
“Napakasuwerte naman ng mga magulang mo sa iyo. Gusto ko silang makilala,” wika nito.
Sumama ang guro sa bahay nina Keisha at nakilala nga nito ang mag-asawang Ignacia at Leopoldo.
“Magandang hapon po, kayo po ba ang mga magulang nitong si Keisha? Ako nga po pala si Ms. Lorca, isa sa mga guro niya,” pakilala nito.
“Opo, bakit may ginawa po bang kalokohan itong anak namin sa eskwela?” kinakabahang tanong ni Igna.
“Naku, wala po, misis! Sumama lang po ako sa kanya dahil gusto ko po kayong makita,” anito.
Nagkatinginan ang mag-asawa sa sinbing iyon ng guro.
“Bakit naman po?” takang tanong ni Leopoldo.
“Gusto ko lang pong makilala ang mga magulang nitong si Keisha. Napakatalinong bata po kasi ng anak niyo. Napakasuwerte niyo po sa kanya.”
“Masuwerte talaga kami sa batang iyan. Masipag na, matalino pa kaya wala na kaming mahihiling pa,” sabi ni Igna.
“Nga po pala, nalalapit na po ang graduation at siguradong si Keisha na po ang Valedictorian kaya huwag po kayong mawawala,” paalala ng guro.
“Oo, naman po Ma’am! Pupunta po kaming mag-asawa sa graduation ng anak namin,” sagot ng lalaki.
Makalipas ang dalawang linggo ay araw na ng pagtatapos ng mga estudyante. Tuwang-tuwa ang mag-asawang Ignacia at Leopoldo nang umakyat na sa entablado si Keisha para magtalumpati. Nakita pa nila na medyo kinakabahan ito ngunit pinalakas nila ang loob ng anak sa pamamagitan ng pagsigaw.
“Kaya mo iyan, anak!” sigaw ng mag-asawa.
Narinig naman iyon ni Ms. Lorca at natuwa rin ito sa ginawang pagsuporta ng mga ito sa bata.
Tumayo na sa gilid ng entablado si Keisha at sinimulan na ang pagsasalita.
“Bago po ang lahat ay nais ko pong magpasalamat sa aking mga magulang. Kung hindi po dahil sa kanila ay wala po ako sa kinalalagyan ko ngayon. Nagpapasalamat po ako dahil kahit hindi po nila ako kadugo ay minahal nila ako at itinuring na tunay na anak. Inay, Itay, para po sa inyo itong karangalang nakamit ko. Napakasuwerte ko po nang makuha niyo ako sa bus nung ako’y sanggol pa. Pagkatapos ay inalagaan, pinalaki at pinag-aral…”
Nagulat si Ms. Lorca nang marinig nito na nakuha lang sa bus si Keisha ng mga magulang nito. Nang biglang may naalala ang guro. Agad niyang nilapitan sina Ignacia at Leopoldo at kinausap ang mag-asawa.
“H-hindi niyo po pala totoong anak si Keisha, at nakuha niyo lang siya sa bus?” aniya.
“Ay, oo Ma’am! Sanggol pa lang siya nang makuha namin sa bus. Inabandona siya ng walang kwenta niyang mga magulang. Mayroon pa ngang iniwang gamit iyong walang awang nanay niya, e!” bunyag ng babae.
“A-ano po ang naiwan nung nanay?”
“Isang maliit na bag na kulay pula. May laman iyong baru-baruan, lampin at dede bote,” ani Igna.
“Dyusko!” mahinang sabi ni Ms. Lorca. Bigla na lang nangilid ang kanyang luha sa ibinunyag ng babae.
Muli niyang pinagmasdan si Keisha habang patuloy pa rin itong nagtatalumpati. Sa mga sandaling iyon ay hindi na niya napigilan pa ang pag-iyak habang nagsasalita sa entablado ang paborito niyang estudyante. Nagtataka naman ang mag-asawa sa inaasta niya pero sa isip ng mga ito ay labis lang na natutuwa ang guro sa tagumpay ng kanilang anak ngunit iba ang totoong dahilan ng babae.
“H-hindi ko lubos akalain na sa pagkakataong pa ito tayo magkakakilala, ANAK. Napakasuwerte ng mga nakagisnan mong magulang samantalang ako…” hindi na niya natapos ang sinasabi niya sa isip sa sobrang lungkot at pagsisisi na kanyang nararamdaman.
Ang inang walang awang nang-iwan kay Keisha noong sanggol pa ito ay walang iba kundi ang kanyang guro na si Ms. Lorca. Nang mga panahong iyon ay iniwan siya ng lalaking nakabuntis sa kanya at itinakwil pa siya ng mga magulang. Hindi pa siya tapos noon sa kolehiyo at wala siyang mapasukang trabaho kaya naisip niyang iwan sa sinakyang bus ang kanyang anak at talikuran ang responsibilidad niya bilang ina. Kaya pala bukod sa natutuwa siya sa katalinuhang taglay ni Keisha ay masaya rin siya na palagi itong kasama dahil ang nararamdaman niya sa bata ay lukso ng dugo.
Hindi namalayan ni Ms. Lorca na natapos na ang talumpati ni Keisha at nilapitan na nito ang mga magulang.
“Congratulations, anak! Mahal na mahal ka namin ng tatay mo!”
“Proud na proud kami sa narating mo, anak! Napakasuwerte namin dahil ikaw ang naging anak namin!”
“Thank you po! Inaalay ko po sa inyo ang medalyang ito. Mahal na mahal ko rin po kayo. Hindi na po ako umaasa na makikita ko pa ang aking mga tunay na magulang. Para po sa akin, kayong dalawa ay SAPAT na!” wika ni Keisha sa mag-asawa.
Parang sinaksak ng punyal sa dibdib si Ms. Lorca sa sinabing iyon ng anak.
“Patawad, anak ko! Sana balang araw ay mapatawad mo ang nanay. Mahal na mahal rin kita!” sabi niya sa sarili habang patuloy sa pag-agos ang kanyang luha.
Napakalaki ng kasalanan niya sa anak kaya wala pa siyang lakas ng loob na ipagtapat sa bata ang katotohanan ngunit gaya nina Ignacia at Leopoldo ay ipinagmamalaki niya ang anak sa narating nitong tagumpay. Alam niyang darating ang araw na masasabi rin niya kay Keisha na siya ang tunay nitong ina. Umaasa siya na kapag nangyari iyon ay handa na siyang patawarin at tanggapin ng kanyang anak.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!