Inday TrendingInday Trending
Inaasar ng mga Anak na Tumatanda na ang Kanilang Ina Dahil Lagi Itong Galit, Sa Huli’y Isang Masakit na Pangyayari ang Pupunit sa Puso Nila

Inaasar ng mga Anak na Tumatanda na ang Kanilang Ina Dahil Lagi Itong Galit, Sa Huli’y Isang Masakit na Pangyayari ang Pupunit sa Puso Nila

Maagang nabiyuda si Aling Carmen at naiwan sa kaniya ang tatlong anak na babae. Nasaksak ang kaniyang mister sa panlalaban noong ito ay nahold-up at naging sanhi ng maagang pagkakahimlay.

“Ate Gi, kayo na ho ang bahala dito sa pinatayong bahay namin ni Jimboy. Pag malaki na ho ang mga bata ay babalik kami dito, wag na wag niyo hong ibebenta ang bahay,” bilin ni Aling Carmen sa kapatid ng kaniyang asawa.

“Huwag kang mag-alala Carmen, hihintayin namin ang pagbabalik niyo dito. Mag-iingat kayo sa Maynila ha,” baling naman ni Aling Gi.

Pagkatapos na pagkatapos mailibing ng mister ni Aling Carmen ay agad na bumyahe pa Maynila ang mag-iina. Nanuluyan ang mga ito sa isang maliit na apartment at nagtrabaho naman sa talipapa ang ale.

“Jena, alam kong bata ka pa. Pero anak,kailangan kita ngayon. Kailangan mong alagaan maigi ang sarili mo at ang mga kapatid mo dahil hindi ko na kayo mababantayan katulad ng dati,” saad niya sa panganay na anak na noon ay labing isang taon gulang lamang. Pumapasok na ito sa eskwelahan mag-isa at siya na rin ang nag-aasikaso sa mga kapatid nito.

Sabay-sabay na pumapasok ang tatlo sa elementarya, inihahanda lamang ni Aling Carmen ang agahan ng mga ito at umaalis na rin kaagad. Kailangan niyang mamili sa Balintawak ng alas tres ng madaling araw at nakakauwi naman ito ng alas onse na ng gabi. Aminado siyang hindi na niya nababantayan pa ang mga anak dahil kailangan niyang kumayod ng kumayod para mabuhay.

Nagkakargador din siya kahit kababaeng tao ng ale, dalawa o hanggang tatlong oras lang ang tulog nito araw-araw sa loob ng sampung taon.

“Mga anak, hanggang high school lang ang kaya ko. Hindi ko talaga kayo kayang pag-aralin ng kolehiyo,” wika ng ale sa tatlong bata.

“Ayos lang ma, magtratrabaho na lang kami katulad ni Ate Jena. Naiintindihan namin na mahirap ang buhay,” saad ni Pamela ang bunsong anak ng ale na ngayon ay nasa ikalawang taon ng high school.

Lumipas ang mahabang taon at nagsipag-lakihan ang kaniyang mga anak at nagsipag-asawa.

“Ma, pwede ka naman nang tumigil sa Talipapa. May edad ka na rin at tigilan mo na ang kakapuyat at kakabuhat ng mabibigat,” wika ni Jena.

“Madaming gastusin ang kapatid mo, pati ikaw lalo na ngayon na manganganak ka, kaya ko pa naman kaya magtratrabaho pa ako,” baling ni Aling Carmen na 48 anyos na.

Hindi nagsalita si Jena dahil aminado siyang kailangan nila ng tulong pinansiyal at nakasandal pa rin sila sa ina. Kumakayod pa rin ang ale na tila isang malakas na kalabaw kahit nga may edad na ito. Hindi rin sila nakarinig ng kahit anong reklamo sa ina kahit wala itong pahinga o bagong damit kahit salawal man lamang dahil lahat ng kinikita nito ay napapunta sa kanila at sa kaniyang mga apo.

Ngayong 55 anyos na si Aling Carmen, napansin nilang palagi na lang galit ang ale.

“Si mama bakit ganoon? Palaging high blood,” saad ni Cindy, ang pangalawang anak ng ale.

“Eh paano, stress sa mga apo niya. Minsan na lang kasi magpahinga si mama tapos pinag-aalaga pa natin ng mga anak natin,” baling naman ni Jena.

“Ate, baka may sakit si mama? Iba kasi talaga siya at magtatatlong buwan na siyang laging ganoon. Sigaw ng sigaw, kaunting kibot galit agad. Napakairitable pa tapos minsan nakikita ko bigla na lang siyang umiiyak,” wika naman ni Pamela.

“Walang sakit si mama, kita mo nga parang kalabaw pa rin sa lakas. Tsaka dati pa naman laging sumisigaw ‘yon, di na kayo nasanay sa nanay niyo. Pagod lang ‘yon, kailangan lang noon ng pahinga,” sagot namang muli ni Jena.

Kinaumagahan ay nagsisisigaw si Aling Carmen sa kaniyang kwarto, agad agad na pinuntahan ng magkakapatid ang ina.

“Sino kayo? Bakit nandito ako? Hindi ko ito bahay! Kailangan kong umuwi na, walang bantay ang mga anak ko sa bahay,” wika ni Aling Carmen.

“Hala si mama, ang aga aga e dumadrama! Alam naming mother’s day ngayon kaya wag na masyadong paimportante,” pahayag ni Cindy sa ina sabay lapit dito para sana yakapin ang ale.

“Ano’ng pinagsasasabi mo?! Magpapasko na ngayon at kailangan kong umuwi sa mga anak ko!” sigaw ng ale at galit na galit ito. Nagpupumiglas, kaya naman kinabahan na sila at dinala ang kanilang ina sa ospital.

Doon napag-alamang may sakit ang kanilang ina, ito ngayon ay nasa unang stage ng Alzheimers. Tinurukan ito ng pangpakalma para makatulog saka nila kinausap ang doktor.

“Dok, maaalala pa ho ba kami ng nanay namin?” umiiyak na tanong ni Cindy.

“Dahil nasa unang stage pa lang naman ang nanay niyo, baka pagkagising niya ay bumalik siya sa dati. Ngunit asahan na ninyo na maaring maulit ang ganoong pangyayari, unti-unti niya kayong makakalimutan at mas magiging mahirap siyang kausapin at pakalmahin. Kaya naman payo ko sa inyo ay ipaalam niyo sa kaniya ang kaniyang pinagdadaanan dahil mas makakatulong ito sa kaniya,” saad ng doktor at saka ito umalis. Naiwang nag-iiiyak ang tatlong magkakapatid.

“Bakit nangyayari ito kay mama? Kasalanan natin ito dahil kahit matanda na siya hindi pa rin siya tumitigil sa mabibigat na trabaho. Ni hindi ko man lang naisamang manood ng sine si mama, tapos ito na ngayon,” umiiyak ba pahayag ni Pamela.

“Ni wala man lang siyang bagong panty dahil walang natitira sa pera niya kasi binibigay niya sa mga anak,” hagulgol naman ni Cindy. Niyakap nila ang kanilang ina nang biglang nagising ito.

“Hoy mga bata kayong, bakit niyo ako iniiyakan eh buhay pa ako? Saka bakit tayo nasa ospital? Inatake ba ako? Wala naman akong sakit sa puso a,” pahayag ng ale.

“Happy mother’s day mama!” baling ni Jen at niyakap muli nila ang ina. Doon na nila pinaliwanag sa ale ang pinagdadaanan nito, hindi makapaniwala ang matanda dahil alam niya sa sariling malakas pa naman siya.

“Dalhin niyo na lang ako sa home for the aged, kaysa maging pabigat ako sa inyo,” saad ni Aling Carmen, na kakatapos lang atakihin muli.

“Ma, inalagaan mo kami at hindi mo kami pinabayaan, hayaan mong gawin din namin sa inyo iyon,” sagot ni Cindy.

Ngayon ay mas pinahalagaan nila ang ina at pinahinto na ito sa trabaho, dito lang din nila napagtantong simula noong bata sila hanggang ngayon ay puro trabaho ang ginawa ng kanilang ina. Kaya mas bumawi sila kay Aling Carmin, nanuod sila ng sine, binilhan ng bagong salawal ang ina at nagpamasahe pa sila.

“Alam mo Jena, panaginip ko lang ito dati na makapagpamasahe ako, sana pag nagka-anak na ako ay magawa ko pa rin ito,” wika ni Aling Carmen.

Naluha na lang si Jena sa sinabi ng ina at hinawakan ang kamay nito. Isa na lang ang dasal nilang magkakapatid, nawa’y bigyan pa ng mahabang buhay ang ale upang makabawi sila dito.

Advertisement