Inday TrendingInday Trending
Nagtataka ang mga Kasamahan Kung Bakit Hindi Nagtutungo sa Cafeteria sa Tuwing Tanghalian ang Babaeng Ito; Masasagot Ito Dahil sa Isang Boteng Sarsa

Nagtataka ang mga Kasamahan Kung Bakit Hindi Nagtutungo sa Cafeteria sa Tuwing Tanghalian ang Babaeng Ito; Masasagot Ito Dahil sa Isang Boteng Sarsa

“Uy Digna, tara, kain tayo sa labas para maiba naman,” aya ni Nicole sa kaniyang kasamahan sa trabaho.

Napapansin niya kasi na laging naiiwan si Digna sa loob ng kanilang opisina sa tuwing pananghalian. Lahat ay nagtutungo sa cafeteria upang doon kumain.

Laging ikinakatwiran ni Digna na subsob siya sa trabaho at hindi niya maiwanan ang mga ginagawa niya. Gusto niya kasing matapos na ang mga ito.

Pero ang kakatwa sa kaniya, lagi rin naman siyang nag-oovertime.

“May baon ako,” sabi ni Digna. Hindi umaalis sa monitor ng computer ang mga mata niya. Lalo pa niyang binilisan ang pagtipa sa keyboard.

Chakatak! Chakatak! Chakatak! Chak! Chak!

“Grabe naman ‘yun! Minsan ka na nga lang naming maka-bonding. Eh ‘di sa cafeteria ka na kumain, dalhin mo na lang baon mo,” pilit pa ni Nicole.

“Sige, susunod ako. Pero hindi pa ako nagugutom eh.”

Wala nang nagawa si Nicole kundi ang umalis at bumaba na. Tumatakbo ang oras. Isang oras lang ang ibinibigay sa kanila para mananghalian. Mamaya, balik-trabaho na.

Alam na ni Nicole na hindi naman talaga bababa o susunod si Digna. Laging ganoon ang sagot nito.

Nang makababa na si Nicole, sumulyap si Digna sa pintuan. Sumulyap din siya sa iba pang mga mesa. Natitiyak niyang siya na lamang ang naroroon.

Kaagad siyang tumayo mula sa kaniyang inuupuan at nagdudumaling isinara ang pinto. Nagdudumali rin siyang bumalik.

Inalabas niya ang kaniyang baunan.

Kanin.

At inilabas niya ang isang bote ng masarap at sikat na sarsa para sa lechon at iba pang mga pritong pagkain na madalas na nabibili sa tindahan.

Wala siyang ibang ulam. Iyon na ang ulam niya.

Malaking tipid.

Tinitiis ni Digna ang gayong kalagayan. Siya ang pangalawang panganay sa pitong magkakapatid. Ang ate niya ay nag-asawa na. Sa kaniya napunta ang responsibilidad da pagtulong sa kaniyang mga magulang upang mapag-aral ang kaniyang mga kapatid.

Sa liit ng suweldo nila, napupunta lamang ito sa pagbabayad ng bills sa bahay, iba pang mga gastusin gaya ng pagkain at grocery, at baon ng kaniyang mga kapatid sa paaralan.

Literal na halos wala na siyang naiipon para sa sarili niya. Kaya naman, diskarte na lamang ang ginagawa niya para mairaos ang pagkain.

Kaya ang ginawa niya, nagbabaon na lamang siya ng kanin kahit walang ulam. May stock naman siyang masarap na sarsa.

Kung paminsan, nakakasuwerte na nakakapaglaga pa siya ng itlog at ibinabaon niya, maiba lang.

Minsan, naawa na siya sa kaniyang sarili. Iniisip niya ang kaniyang kalagayan. Parang pasan-pasan na niya ang daigdig at wala siyang mapamilian.

Iniisip na lamang niya na lechong baboy, lechong manok, morcon, crispy pata, o pritong manok ang ulam niya, kaya siya nagsasarsa.

Maya-maya, nagulat siya nang biglang pumasok si Nicole. Kitang-kita nito ang pag-ulam niya ng sarsa.

“Binilhan kita ng ulam, Digna, heto, pagdamutan mo,” nakangiting saad ni Nicole. Iniabot dito sa kaniya ang nakabalot na bopis na binili nito sa cafeteria ng kanilang kumpanya.

“Naku, bakit, nag-abala ka pa… patapos na rin naman akong kumain…”

“Digna… sige na. Alam ko na sobra ang pagtitipid mo.”

Napamaang si Digna sa mga pahayag ni Nicole.

“A-Anong ibig mong sabihin?”

“Alam ko na kaya ka may nakatagong bote ng sarsa diyan, dahil ginagawa mong ulam. Minsan ay nakita kita. Hindi mo lang ako napansin na nasa likuran mo lamang ako dahil sobra kang babad sa ginagawa mo. Digna, hindi mo kailangang gawin ‘yan. Mahalin mo rin ang sarili mo. Alam ko, ikaw ang breadwinner ng pamilya mo, pero paano kung nagkasakit ka? Mas lalo kang hindi makakatulong sa kanila,” sabi ni Nicole kay Digna.

“Pasensya ka na ha… ganoon nga yata talaga ang kapalaran ko. Pero salamat dito sa bopis mo ah,” nakangiting sabi ni Digna.

“Naku, wala ‘yun. Huwag kang mahihiya. Sino-sino pa ba ang magdadamayan kundi tayo rin. Nauunawaan kita. Nagdaan din ako sa ganyan. Pero alam mo mas mapalad ka pa nga kaysa sa akin. Noon kasi, asin lamang ang inilalagay namin sa kanin. De-sabog ang tawag namin. Sobrang hirap ng buhay namin noon. Kaya nang magkatrabaho ako at kumita na, tiniyak ko na hindi mauuwi sa wala ang mga pinaghirapan ko,” paliwanag ni Nicole.

“Nakakatuwa ka naman!” nakangiting sabi ni Digna.

“Saka huwag mong tipirin ang sarili mo. Tatandaan mo, kailangan mo rin mahalin at pahalagahan ang sarili mo,” paalala sa kaniya ni Nicole.

Simula noon ay napagtanto ni Digna na tama nga si Nicole. Hindi naman siguro kabawasan sa kaniyang pagtulong sa pamilya kung pahahalagahan din naman niya ang kaniyang sarili. Tama rin ang mga sinabi nito na kung sakaling may mangyari sa kaniya, halimbawang nagkasakit siya, paano na ang kaniyang pamilya?

Kaya naman, sa tuwing pananghalian ay bumababa na si Digna sa cafeteria. Nagbabaon pa rin siya ng kanin para makatipid. Natuklasan niya na marami palang ulam sa cafeteria na mura lamang gaya ng isda at gulay. Hindi na niya tinitipid ang sarili. Salamat kay Nicole, na isa na ngayong kaibigan.

Advertisement