Inday TrendingInday Trending
Ipinagtataka ng Babae Kung Bakit Palagi Siyang Sinasabihan ng Magagandang Salita ng Nobyo Kahit ang Iba’y ‘Di Naman Kapuri-Puri; Ikagugulat Niya ang Dahilan Nito

Ipinagtataka ng Babae Kung Bakit Palagi Siyang Sinasabihan ng Magagandang Salita ng Nobyo Kahit ang Iba’y ‘Di Naman Kapuri-Puri; Ikagugulat Niya ang Dahilan Nito

Isang taon nang magkasintahan sina Lou at Zander. Nagkakilala sila sa milk tea shop na pinagtatrabahuhan ng dalaga. Suking kustomer si Zander sa shop na iyon at mula nang makita niya si Lou na bagong staff lang doon ay tumibok na agad ang puso rito ng binata.

Nagtatrabaho bilang purchasing manager sa isang kumpanyang malapit sa pinapasukan ni Lou ang nobyo. Kapag sumasapit ang uwian ay araw-araw siya nitong dinadaanan para sunduin at ihatid sa bahay nila. Mabait ang binata, matalino, masipag at marespeto. Bonus na ang pagiging guwapo nito kaya nga para siyang naka-jackpot nang maging boyfriend ito.

Mahal na mahal niya si Zander at mahal na mahal din siya nito. Mas lalo pang napapalapit ang puso niya rito dahil sa mga magagadang salita na sinasabi nito sa kaniya.

“I love your eyes…your lips..your nose…” malambing na sabi ni Zander habang namamasyal sila sa parke.

“Ayan ka na naman, eh! Dinadaan mo na naman ako sa mabulaklak mong mga salita,” sagot niya saka kinurot sa tagiliran ang nobyo.

“Aray! Eh, totoo naman ang sinasabi ko, a! Para sa akin, lahat ng nakikita ko sa iyo ay maganda,” saad pa ni Zander.

“Haynaku, sige na nga! Tara na at mag-dinner na tayo siguradong gutom ka na, kung anu-ano na kasi ang lumalabas diyan sa bibig mo,” yaya niya.

“Bakit ba ayaw mo maniwala? Basta, para sa akin ikaw ang pinakamaganda. You’re perfect,” giit pa ng nobyo.

Sa pandinig ng kahit sino, tiyak na matutuwa sa mga ganoong mga salita pero iba kasi ang nararamdaman ni Lou. Imbes na magalak ay takot ang bumabalot sa puso niya.

“Ano? Sinabi niya iyon?” gulat na sabi ng kaibigan niyang si Thea.

“Oo, kaya nga kinakabahan ako, eh…paano kung makakita siya ng mas maganda sa akin?” nag-aalalang tanong ni Lou.

“Alam mo sa totoo lang, nagtataka na ako diyan sa boyfriend mo. Hindi ka naman maganda, i mean….okey lang, ‘yung ganda na hindi naman nakakabaliw pero bakit pilit niyang sinasabi sa iyo na perpekto ang byuti mo?” prangkang sabi nito.

Sanay na si Lou sa kaibigan niya, sinasabi talaga nito ang gustong sabihin. Tama naman ito, hindi naman siya kagandahan. Napakasimple nga lang ng mukha niya. Hindi rin siya maputi, hindi siya s*ksi, ang payat nga niya at maliit lang ang s*so niya ‘di gaya ng ibang babae na ang asset ay malaking hinaharap. Pero kung purihin siya ng nobyo ay ganoon na lang. Parang ang OA na!

“But at any rate, dapat ka pa ring matuwa. He’s blindly in love with you,” saad pa ng kaibigan.

Napabuntung-hininga na lang siya sa tinuran ni Thea. Pero paano siya matutuwa kung pakiramdam niya’y hindi nagsasabi ng totoo ang nobyo niya. Hindi lang nito pinupuri ang panlabas niyang anyo, palagi rin nitong pinupuri ang mga ginagawa niya tulad ng pagluluto.

“Wow! Ang sarap naman nito!” wika ng binata nang minsang tikman nito ang luto niya.

“Masarap? Eh lahat ng tao dito sa bahay, inaayawan ang luto ko,” nagtatakang sabi ni Lou.

“Basta, para sa akin masarap,” nakangiting tugon ng nobyo.

Ewan ba niya, hindi niya magawang maging masaya sa sinasabi sa kaniya ni Zander. Isa lang ang hinahanap niya rito.

“If he really loves me, why can’t he be honest? Girlfriend niya ako, eh! Kung may tao akong inaasahan na magiging tapat sa akin, dapat siya iyon,” bulong niya sa sarili.

Minsan ay sinubok niya ang nobyo kung hanggang saan nito mapapangatawanan ang mga ipinapakita sa kaniya.

“Babe, gusto ko araw-araw dinadalaw mo ako sa bahay,” hiling niya kay Zander.

“Pero babe, may trabaho ako ng Sabado at kung minsan ay overtime pa iyon,” sagot nito.

“Ah basta! kapag mahal mo ang isang tao ‘di ba gusto mo lagi siyang nakikita? Kaya kahit may trabaho ka o ginagawa dapat mong pagbigyan ang gusto ko,” giit niya.

Pero imbes na sabihin ni Zander na mali ‘yung gusto niya….

“May punto ka ru’n, babe. Sige araw-araw ay pupuntahan kita sa inyo. Gagawan ko ng paraan tuwing araw ng Sabado, kaya huwag ka na magtampo ha?” anito.

Lalo tuloy siyang nakaramdam ng inis sa nobyo.

“Tama ba ‘yon? I was asking too much of his time. I was too demanding. Mali ‘yung susundin niya ako!” sambit niya sa isip.

Kaya nang minsang hindi na siya nakapagpigil ay kinausap na niya ng masinsinan ang binata. Isang araw, nang dumalaw ito sa kanila…

“Ang ganda ng buhok mo today, babe. I like your….” hindi na naituloy ni Zander ang sasabihin dahil nagsalita na siya.

“Teka nga, tayong dalawa nga eh mag-usap ng mabuti, Zander,” mariin na sabi niya.

“Ano naman ang gusto mong pag-usapan natin?” naguguluhang tanong ng binata.

“Marunong ka ba talagang tumingin ng maganda, Zander? Alam mo ba kung ano ang tama at mali? What’s so special about my hair? my eyes? my nose? What’s so special about me? Bakit kapag nakikita mo ako palagi mong sinasabi na maganda ako pero ang totoo ay hindi naman. Bakit kapag nagsasalita ako palaging tama para sa iyo? Kapag ako ang nagluluto palaging masarap para sa iyo? Insulto ba iyon o binobola mo lang ako?” hayag niya.

Bumuntung-hininga muna ang binata bago nagsalita.

“It’s love that made you so special for me. At ang taong in love, puro tama at maganda lang ang nakikita. Kung nagagandahan man ako sa mata mo, sa buhok mo, sa ugali mo dahil ‘yan ang kabuuan mo. It’s simply because I love you that’s why I love everything about you, Lou,” tugon ni Zander.

Napakagat-labi ang dalaga sa tinuran ng nobyo. Hindi rin siya nakakilos sa kinauupuan niya.

“Oo, minsan hindi masarap ang luto mo, mali ang gusto mo, pero ginawa mo ‘yon dahil para iyon sa akin ‘di ba? Kaya bakit ko lalaitin? bakit ko babalewalain? Eh, ginawa iyon ng taong mahal ako,” saad pa nito.

Sa mga oras na iyon, napagtanto ni Lou na tama ang mga sinabi ni Zander. Mas lalong napamahal sa kaniya ang binata. Wala na siyang dapat na ikapangamba pa dahil siya lang ang nasa puso ni Zander at wala ng iba at ganoon din siya rito kaya…

“Sorry babe kung iba ang naisip ko sa mga sinasabi mo sa akin. Napatunayan ko na talagang mahal mo nga ako. Mahal na mahal din kita, Zander. Napakasuerte ko sa iyo, dahil ang bait-bait mo, saka ngayon ko lang napansin, ang cute ng mga mata mo, ng ilong mo, ‘yung lips mo…perfect!” natatawang sabi ni Lou.

Kinurot siya sa tagiliran ng nobyo. “Ginagaya mo naman ako, eh!”

“Siyempre, ganoon kita kamahal eh,” nakangising tugon ng dalaga saka masuyong hinalikan sa labi ang nobyo.

Makalipas ang ilang buwan ay nagdesisyon na silang magpakasal at bumuo ng pamilya. Kahit mag-asawa na sina Lou at Zander ay pinupuri pa rin nila ang isa’t isa dahil kapag mahal mo ang isang tao puro kagandahan lang ang iyong makikita.

Advertisement