Napahiya ang Mayabang na Binata sa Isang Trabahador, Sinubukan Niya pa Namang Magpasikat Dito ng Kanyang Mataas na Posisyon sa Trabaho
Simula nang maka-graduate si Ernest sa kolehiyo at maging ganap nang manager ay lumaki na ang ulo ng binata. Aba, iba na sya ngayon- edukado na at di na pwedeng biru-biruin ng kung sino lang. Sigurado naman syang di magtatagal ay yayaman sya at titingalain ng lahat. Isang linggo lang ang nakalipas mula nang magtapos siya ay agad siyang nag apply ng trabaho sa iba’t ibang kumpanya.
“Syempre sa Maynila o sa Makati ako nag- apply, ayoko naman ng dito lang sa Cavite. Provincial rate, maliit ang sahod ng mga taga-rito, di kayang bumuhay ng pamilya,” sabi niya sa kanyang ina habang kumakain sila ng hapunan.
“Wag ka namang ganyan magsalita anak, baka may makarinig sa iyong kapitbahay ay sumama ang loob,” nagpapaalalang sabi ng kanyang ina.
Paano naman kasi, halos lahat sa mga kapitbahay nila ay sa Cavite lang din pumapasok, bagamat bilib ang ginang sa lakas ng loob ni Ernesto na lumabas ng probinsya para doon maghanap ng swerte, nababahala rin siya dahil sa pagyabang ng anak. Kung magsalita ito sa mga walang pinag aralan ay ganon na lang- di inisip na mismong mga magulang niya ay wala rin naman tinapos. At ang sinasabi niyang provincial rate na di kayang bumuhay ng pamilya, doon kinuha ng kanyang ama ang ipinangbuhay sa kanya- maging ito kasi ay trabahador sa Cavite at hindi sa Maynila.
“Eh ano naman kung marinig nila ‘Nay bakit naman sila magagalit kung totoo naman,” ayaw pa ring patalo si Ernest. Napailing-iling na lang ang ginang, sana ay maunawaan ng anak niya ang mga sinasabi nito.
Makalipas ang isa pang linggo ay nakatanggap ng tawag si Ernest mula sa isa sa mga inapplyan niyang kumpanya sa Makati, bagong tayo lang ang building doon at bagung-bago lang ang negosyo kaya di alintana kung wala pa siyang experience. Bukod doon, matalino rin naman talaga ang binata.
Lalo tuloy naging mahangin si Ernest, sa unang araw niya ng trabaho ay bihis na bihis siya, may kurbata pa. Taas noo siyang naglakad sa harap ng tahanan ng mga kapitbahay, tila iniinggit ang mga ito na sa Makati siya papasok, bilib naman ang iba samantalang ang ilan ay napapailing na lamang.
Ang laki ng ngiti ni Ernest nang ituro sa kanya ng isa sa mga staff doon kung saan ang opisina niya. Aba, may sarili siyang desk, computer, telepono at aircon pa, hah!
Inayos niya ang karatula sa unahan ng kanyang table.
Ernest Cabarle, Manager
Isinasalansan niya ang mga papeles na natapos niya sa umagang iyon nang kumatok ang staff na naghatid sa kanya kanina sa office niya.
“Sir, eto po si John, may kailangan daw pong ayusin,” sabi ng babae at iginiya ang isang lalaki, tapos ay lumabas na ulit. Tahimik naman na ngumiti ang lalaki at akmang lalapit na pero pinigilan ito ni Ernest.
Isang ideya ang pumasok sa isipan ni Ernest, panahon na para magyabang.
“Hi John, sandali lang ha, may importante lang akong transaction,” sabi niya rito at iniangat ang telepono. Tahimik lang namang nakatingin sa kanya si John.
“Hello? Hello, yes, I have sent the files na through your e-mail. Signed na ang lahat ng iyon at na-review ko na rin. I’m really sorry it took me so long to decide if we will invest sa company nyo, alam mo namang everything depends on business needs. Sure, coffee lang pala eh!” sabi niya na tumatangu-tango pa kahit ang totoo ay wala naman siyang kausap sa kabilang linya, nais niya lamang magpa-impress kay John.
Matapos ang ilan pang litanya ay ibinaba niya na ang telepono at ibinaling ang paningin sa kaharap.
“Pasensya ka na, alam mo naman- manager. I’m a really busy person, John tama? Ano nga ulit ang pakay mo John?” sabi niya rito.
Manghang nakatingin sa kanya ang lalaki at tila di pa alam kung magsasalita o hindi kaya kinulit niya ito.
“Come on, sabihin mo na. Sabi ko nga sa’yo, I’m busy. Mamaya lang may tatawag na naman sa akin for my approval sa kung anu anong desisyon dito sa office,” pangungumbinsi niya.
Doon na nagsalita si John, iniangat nito ang isang toolbox na kanina pa pala nito hawak.
“Ah, wala naman Sir. Ikakabit ko lang sana ang linya ng telepono.”
Natulala si Ernest dahil sa pagkapahiya, ang aga naman ng karma.
sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.