Mga Bata Pa Pala ang Magtuturo ng Mahalagang Aral sa Isang Dalagang Hindi Nakukuntento sa Yaman Niya
Kulang. Hindi sapat. Kahit anong gawin ni Janice ay hindi pa rin siya nakukuntento sa kung anong meron siya ngayon. Palaging may kulang. Hindi niya mawari kung ano pa ba ang kulang sa kaniyang buhay. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin para mapunan ang malaking awang sa kaniyang puso.
Salapi, marami siya niyan. Hindi siya mauubusan. Sa halip ay nadadagdagan pa ito araw-araw. Kahit hindi siya magtrabaho ay hindi siya magugutom. Sa sobrang dami ng kaniyang pera ay hindi na niya alam kung saan niya ito gagamitin.
Bahay at lupa, kahit kailan ay hindi niya proproblemahin iyan. Nagkalat ang mga bahay at lupa niya sa iba’t-ibang bansa. Saan mang sulok ng mundo siya pumunta ay tiyak na mayroon siyang masisilungan mapa mansyon, hacienda, apartment, kondo o bahay bakasyunan man iyan.
Negosyo, lahat na ata ng klase ng negosyo ay pinasok na niya. Ni minsan ay hindi sumagi sa kaniyang isipan na baka malugi o mabankrupt isa man sa mga ito. Mas pinoproblema pa niya kung paano niya ito mapapatakbo ng sabay-sabay kaysa kung paano mapapalago ang mga ito.
Katanyagan at kasikatan, aanhin naman niya ang mga ito. Hindi siya isang showbiz personality pero palagi siyang inaabala ng mga paparazzi. Dagdag pa ang sandamukal niyang mga bodyguards na kaniyang inupahan para pangalagaan ang kaniyang kaligtasan. Ang nais niya ay mamuhay ng tahimik malayo sa mga mata na binabantayan ang bawat kilos niya.
Muling susubukan ni Janice na hanapin ang kakulangang nadarama ng kaniyang puso. Suot ang kaniyang disguise, sinakyan niya ang pinakaluma ngunit pinakapaborito niyang behikulo, ang kaniyang bisikleta. Bagama’t kinakalawang na ay maaasahan niya pa rin ito. Ang nag-iisang behikulo na siya mismo ang personal na nag-aalaga. Hindi niya ito kayang itapon dahil may sentimental value ito sa kaniya. Ito ang kaunaunahan niyang pundar mula sa pagiging working student niya noong high school pa lamang siya.
Sa kaniyang paglalakbay ay dinama ng husto ni Janice ang bawat hagod ng hangin sa kaniyang balat. Bagama’t tirik na tirik ang araw ay hindi gaanong maiinit dahil sa malamig na simoy ng hangin. Sinasabayan ng pagpadyak ng kaniyang mga paa sa pedal ng bisikleta ang indayog ng musikang pinakikinggan niya mula sa kaniyang earphone.
Alas dos na ng hapon nung makaramdam ng pagod si Janice. Nagdesisyon siyang magpahinga muna sa bench ng isang parke habang kumakain ng tusok-tusok. Bumili din siya ng malamig na gulaman. Pantulak niya sa kaniyang pagkain.
Sa di kalayuan mula sa kaniyang kinauupuan ay may mga bata na naglalaro ng taguan. Ilang minuto pa lamang ang lumipas ng bigla siyang nakarinig ng malakas na sigawan. Ang masaya sanang paglalaro ay nauwi sa mainit na pagtatalo at upang mapigilan na mauwi pa sa sakitan ay nilapitan na niya ang mga ito.
“Bakit kayo nagsisigawan? Hindi kayo dapat nag-aaway!”
Ang puno’t dulo ng kaguluhan, pagbibilang. Hindi magkasundo ang mga bata kung tama ba o mali ang pagbibilang ng taya sa laro nila. Nauwi ang di pagkakasundo sa pang-aasar at pikunan.
Tinipon ni Janice ang mga bata at naupo sila sa ilalim ng puno. Napag-alaman niya na dahil sa kahirapan ay hindi sila pumapasok sa eskwela. Madalas silang tumatambay sa parke hanggang sa magdilim o hanggang sunduin sila ng kanilang mga magulang.
Sa awa ni Janice sa mga bata ay isang ideya ang nabuo sa kaniyang isipan. Sinabihan niya ang mga bata na huwag muna silang umalis bago pumunta sa kalapit na tindahan para bumili ng kanilang mga gagamitin. Dumaan din siya sa isang sari-sari store para bumili ng kanilang meryenda. Pagbalik sa parke ay binigyan niya ang mga ito ng mga notebook, lapis, papel at pambura. Tuwang-tuwa ang mga bata sa kaniyang mga ibinigay lalo na nung malaman nila na tuturuan niya silang magsulat, magbasa at magbilang.
Walang kapantay na kaligayahan ang nararamdaman ni Janice sa tuwing nakukuha ng mga bata ang kaniyang mga itinuturo. Kung tutuusin ay matatalino ang mga ito. Hindi nga lang sila nabigyan ng pagkakataong makapag-aral. Sa sobrang kalibangan niya sa kanilang ginagawa ay hindi niya namalayan ang bilis na takbo ng oras. Alas sais na ng gabi nung isa-isang sinundo ang mga bata ng kanilang mga magulang. Ipinangako niya sa mga ito na babalik siya para turuan silang muli.
Sa araw na iyon ang natagpuan na ni Janice ang pupuno sa kakulangan sa kaniyang puso. Walang kapantay ang kaligayahang kaniyang nadama noong tinuturuan niya ang mga bata. Masarap sa pakiramdam ang malamang nakatulong ka sa iba kahit wala kang inaasam na kapalit.
Sa inyong palagay ano ang posibleng dahilan kung bakit kulang pa rin kay Janice ang yamang tinatamasa niya? Kung kasing yaman ka rin ni Janice, saan mo pa ilalaan ang iyong salapi maliban sa pansariling kagamitan? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.