Limpak-limpak na Salapi ang Ibinayad ng Amerikano sa Sidecar Driver, Natulala Siya nang Malaman ang Pagkatao Nito
“Hindi ka ba kakain muna ng hapunan? Baka malipasan ka na niyan anak.” umuubo pang sabi ng nanay ni Kano, si Aling Leony. Napahawak ang ale sa dibdib nang sunod-sunod na dumalahit ang ubo nito.
“Hindi ho muna, mamamasada pa’ko. Sayang ang kita, Linggo pa naman ngayon at malapit na ang fiesta. Tiyak na maraming tao ‘Nay na papunta sa peryahan.” sagot ni Kano at tuloy tuloy nang lumabas sa bahay nila. Michael ang totoo niyang pangalan pero ‘Kano’ ang kanyang palayaw dahil sa kanyang itsura. Blonde ang buhok niya, asul ang mata at matangkad sa edad na labing anim na taong gulang. Palibhasa kasi, Amerikano ang tatay niya.
Naanakan si Aling Leony, pinangakuan ng magandang buhay pero bigla nalang naglaho ang ama niya. Heto sila ngayon, isang kahig isang tuka. Si Kano na ang nagpapakain sa apat niya pang kapatid sa pamamagitan lang ng pagsa-sidecar na hindi niya naman pag-aari. Nakikilabas siya, kaya naman ang 70 pesos na lawit na ang dila niya at hirap na hirap siyang kitain ay mahahati pa.
Nagising siya sa pagmumuni-muni nang matanaw ang isang may edad nang foreigner na kumakaway-kaway sa di kalayuan. Kalbo ito at ubod ng tangkad.
“Mukha namang mayaman, bakit magsa-side car?” takang tanong niya pero nilapitan niya na rin. Tatanggi pa ba siya? Grasya na ito!
“Can you take me to barangay Silawan?” sabi nito, namamalipit pa ang dila sa pagkakasabi ng lugar. Pag sinuswerte ka nga naman, di kalayuan ang pupuntahan nito!
Tumango lang siya, sumakay ang lalaki at kahit na sobrang bigat nito ay pinilit niyang pumadyak. Maghapon siyang walang kita, baka ito na ang jackpot kaya pagbubutihin niya.
“How long have you been doing this?” usisa nito.
Kahit naman high school palang siya ay nakikinig siya sa eskwela kaya nakakaintindi siya ng kaunting Ingles.
“Ah, 2 years sir.” hirap na sagot niya, tagaktak na ang kanyang pawis. Sa isip isip niya, baka pinagtatawanan siya ng Amerikano dahil naturingang puti ang kulay niya ay ang tigas ng ingles niya.
Medyo naiilang na nga siya dahil wala itong ibang ginawa kung hindi ang masdan lang siya. Ilang sandali pa ay nakarating na sila sa barangay Silawan.
Bumaba ang Amerikano at iniabot sa kanya ang isang malaking attache case.
“That’s my payment.My name is John Ford. Please know, I never intended to leave.I am so sorry,”
Tulala siya. Una sa lahat, ina-absorb pa ng utak niya ang sinabi nito. Pangalawa, ang hirap buksan ng attache case. Diyos ko, baka bente pesos nalang ay ma-goyo pa siya.
Ilang minuto pa at kaunting pwersa ay nabuksan niya rin iyon. Nanlaki ang mata niya nang tumambad ang limpak limpak na bundle ng pera. US dollars ang mga iyon, hindi niya man alam ang eksaktong halaga ay alam niyang malaki kapag pinapalitan sa bangko.
“S-Sir, I cannot take this-” hindi niya na natapos ang sasabihin dahil nawala na ang Amerikano.
Hindi malaman ni Kano kung ano ang gagawin, napili niyang puntahan na muna ang ina para samahan siya ng ginang sa barangay. Sobra siyang kinakabahan, ipapahanap nila ang Amerikano at ibabalik ang pera. Oo at umasa siya ng kaunting tip pero di naman ganoon kalaki!
“Nay! Diyos ko po, nasaan na ba kayo? Tena sa barangay!” sigaw niya hindi pa man nakakapasok sa barung-barong. Medyo natigilan siya nang makita ang inang nakaupo sa papag, kausap ang isang babaeng Amerikana.
Titig na titig sa kanya ang babae at nangingilid ang luha.
“Look at you..all grown up!” sabi ng Amerikana. Niyakap siya nito, nagtatanong ang kanyang mga matang tumingin sa nanay niya.
“A-Anak, siya ang tita Karen mo. K-Kapatid ng iyong ama.” sabi ng ginang.
Hindi niya alam ang sasabihin, biglang nagsalita ang kanyang tita Karen ng mapatingin sa attache case na hawak niya.
“How did you get that! Impossible!” di makapaniwalang sabi nito.
Hindi naman sila makasagot ng nanay niya, litong lito pa siya nang magtuloy sa pagsasalita ang babae.
“Y-Your father died last week. His last wish is for me to give you that money and make sure that you guys are okay. Believe me, he wanted to go back here in Manila but our parents wouldn’t allow him. They forced him to marry another woman. Last year he discovered he has cancer. He just wanted to make up to you..” naluluhang iyak nito.
Hindi man masyadong maunawaan ni Kano ang bawat salita, naintindihan niyang padala ng kanyang ama ang pera. “C-Can I see him? Do you have a picture?” grabe ang kaba niya.
Binunot ng tita Karen niya ang wallet at ipinakita sa kanya ang isang litrato, halos mabitawan iyon ni Kano.
Kalbo..matangkad, si John Ford na pasahero niya kanina!
“My flight was delayed, but I guess your daddy just wanna make sure you’ll get the money.”
Hindi niya alam kung paano nangyari pero isa lang ang sigurado niya, hindi sila pinabayaan ng kanyang ama. Hanggang sa huling sandali ay pinuntahan pa siya nito para masiguro lang na magiging maayos ang kanyang buhay.
“Thank you Daddy..”