Dahil sa Paghithit ay Tumumba ang Babae sa Kalsada, Paggising Niya ay Ibang Iba na ang Paligid
Nagsuot ng bra si Maricel, sinipat ang sarili sa salamin bago lumabas ng barung-barong.
“Uuwi kana agad?” noon niya nilingon si Roldan, ang may edad nang kapitbahay na katatapos lang niyang makasama sa kama.
“Oo g*go, baka dumating na ang asawa mo. Ay! bayad mo pala?” taas kilay na sabi niya, nakasahod ang kanang kamay.
Hirap na bumangon ang lalaki at may hinugot sa bulsa ng shorts. Tapos noon ay inabot sa kanya ang dalawang sachet ng bawal na gamot, kung mamasdan ay parang tawas lang.
Ngumisi si Maricel tapos tuluyan nang lumabas. Ganito lang ang gawain niya, lulong siya sa ipinagbabawal na gamot at kapag wala siyang kinikita sa pagba-barker sa mga pumapasadang bus ay kumakapit siya sa patalim.
Pumapatol siya sa kapitbahay na nagtutulak, nagpapa-kama kapalit ng bawal na gamot. Kahit na ano gagawin niya, makabatak lang.
“Mama!” sigaw ng apat na taong gulang niyang anak, si Jenjen. Akay ito ng pitong taong gulang niyang panganay na si Catherine. Magkaiba ang ama ng dalawa, hindi niya na alam kung nasaan pareho.
“Uy, kumain na kayo ha? Ang asim mo ah!” lambing niya sa bunsong anak at inamoy amoy pa ang leeg nito. Mahal niya ang dalawang bata, alam niya namang kailangan niyang magbago para sa mga ito pero ang ang magagawa niya? Di niya mapigilan eh.
Siguro darating rin ang araw na susukuan niya ang bisyo, hindi pa nga lang ngayon ang araw na iyon.
“Saan ka na naman galing Maricel? Hindi ka na naawa sa mga bata! Kung hindi dahil sa akin, alas onse na ng madaling araw hindi pa mag-aalmusal ang mga yan!” napairap si Maricel nang marinig ang boses ng ate Mary Rose niya, nasa likod ng mga anak niya ang kapatid.
Malapit lang sa kanila nakatira ito at siyang nagbabantay sa mga anak niya kapag bigla nalang siyang naglalaho para bumatak.
“Ayan na naman si sister Mary Rose, nagsesermon na naman ng tama at mali. Ano ang salita ng Diyos ngayon sister?” pang-aasar niya sa kapatid. Mahilig kasi itong umattend ng misa sa maliit na kapilya malapit sa kanila. Nakakatawa, umaasa ang kapatid niya na maiaahon sila ng Diyos sa kahirapan.
“Sige, gawin mong katatawanan ang pananampalataya ko. Kaysa naman sa iyo na sa kung anu-anong paraan pinakakain ang anak!” inis na sermon nito. Di na siya sumagot pa, inakay niya ang mga bata papasok sa barung-barong nila.
Mabilis lumipas ang oras at hapon na, natutulog ang dalawang anak nang ilabas niya ang kandila at aluminum foil. Sinindihan niya iyon at sininghot, tapos ay para na siyang lumulutang sa alapaap.
Tawa siya nang tawa at sobrang lakas ng trip niya dahil sa hinithit na bawal na gamot, kahit na anong makita niya ay nakakatawa. Lumabas siya sa barung-barong at tila ba ang bagal ng paligid. Slow motion ang kilos ng mga kapitbahay niya. Kasunod noon ay nagdilim na ang kanyang paningin at hindi niya na namalayan kung ano ang sumunod na nangyari.
Dahan-dahang iminulat ni Maricel ang dalawang mata. T*ngina, iba ang tama ng puti sa kanya ngayon ah. Dati tamang trip lang, ngayon ay natumba pa siya sa gitna ng kalsada. Baka kasi wala siyang tulog.
Tumayo siya at pinagpagan ang dalawang hita. Naglakad siya palapit sa isang tindahan.
“Te Bing, pakuha nga muna ng isang sardinas,” sabi niya sa tindera pero di siya pinapansin nito.
“Te Bing? isa kakong sardinas, babalik ko rin pag nakaluwag luwag. Sa isang Linggo,” mas nilakasan niya ang boses pero hindi siya pinapansin nito.
“Anak ng p*ta, sabihin mo nalang kung ayaw mong magpautang! Hindi iyong magbibingi-bingihan ka pa!” dabog niya tapos ay umalis na. Gagawan niya nalang ng paraan ang pagkain ng mga anak, sa ngayon ay uuwi na muna siya para silipin kung gising na ang mga ito.
Medyo nagulat pa siya nang makita ang tapat ng barung-barong nila, may habong. May mga nagsasakla at naglalaro ng tong-its. Kunot ang noo na pumasok siya sa loob, natanaw niya kasi na may ilaw ng patay.
At sino naman ang may sabing pwedeng magburol sa bahay niya?! Bakit hindi sa kapilya?!
Iba ang kabang naramdaman niya nang makita si Mary Rose, kandong nito sa magkabilang hita ang dalawa niyang anak na parehong iyak nang iyak.
“T-Tita, si mama po ba, gigising pa?” tanong ng kanyang panganay.
Malungkot na tiningnan ito ni Mary Rose, “Hindi na anak, hindi na gigising si Mama. Pero nandito naman ang tita, di ko kayo pababayaan.”
Dahan-dahan niyang nilapitan ang ataul at napahawak siya sa dibdib nang makita kung sino ang nakahiga roon. Walang iba kundi..siya.
Paano? Bakit?
Tila nasagot ang tanong niya nang marinig ang mga kapitbahay na nagkukwentuhan.
“Ang daming na-raid ng mga pulis, napakamalas ni Maricel at naabutan siya. Nanlaban raw eh, dahil high na high ata kaya nagpapalag sa pulis. Nakakaawa ang dalawang anak niyang naiwan.”
Doon lang naramdaman ni Maricel ang pagsisisi. Ni hindi niya man lang naalagaan ang mga anak niya, masyado siyang nalulong at nalimutan na ang panahon ay maiksi lang. Sana ay nagbago siya kaagad, edi sana ay kapiling pa siya ngayon ng mga bata.