Tanggap Daw ng Lalaki ang Anak sa Pagkadalaga ng Babae, Nag-iba ang Ihip ng Hangin nang Maikasal na Sila
Nabighani ng lubos si Peter nang masilayan ang mala-anghel na ganda ni Eva. Rinig niya ay bagong teller daw ang babae sa bangko na kanilang pinagta-trabahuhan. Kaya naman agad niyang pinagtanong sa mga ka-trabaho ang mga detalye sa buhay ng babae, dahil labis ang interes niya rito.
“Pare! May sabit na ‘yan e. May anak na raw sa pagkadalaga. Pre, kapag niligawan mo ‘yan buy 1 take 1 na ‘yan.” Kwento ni Ronald, isa sa mga tauhan sa bangko.
“Ganon ba? Ayos lang sa akin ‘yon. Mahilig naman ako sa bata, magkakasundo kami ng anak niya. Saka pre, grabe talaga. Napakaganda niya. Hindi ko maiwasang matulala kapag napapatingin ako sa kanya e.” Wika ni Peter. Labis ang paghanga niya sa babae, at nang lubos pang makilala ito makalipas ang ilang buwan ay desidido siyang ito na ang babaeng nais niyang pakasalan.
Kaya matapos ang ilang buwan na panunuyo niya kay Eva, at dahil naramdaman ni Eva na malapit ang loob ng anak niyang si Baste kay Peter, hindi na siya nagdalawang isip na sagutin ito.
Noong una ay napakaganda ng pakikitungo ni Peter sa limang taong gulang na si Baste. Sunod sa layaw ang bata kapag kasama ang binata. Minsan nga’y nagagalit pa si Eva dahil madalas ibinibigay ni Peter ang lahat ng gusto nito kahit bawal, tulad na lamang ng mga chocolates at candies. Kitang-kita ng lahat na itinuring nang sariling anak ni Peter ang bata, sa kabila ng labis na pagkahawig nito sa tunay na ama. Kaya naman hinahangaan si Peter ng mga kamag-anak ni Eva.
Ilang taon ang lumipas, at napagdesisyunan na ng magkasintahan na tuluyang magpakasal. Nangako ang dalawa na mamahalin at aalagaan ang isa’t isa kahit ano pa man ang mangyari. Ipinangako rin ni Peter na tinatanggap niya ng buong buo ang anak ni Eva sa pagkadalaga. At hindi nagtagal, nagdalang tao na uli si Eva. Isang malusog na lalaking sanggol ang iniluwal nito. Pitong taon na si Baste kaya tuwang-tuwa ito dahil sa wakas ay magiging kuya na siya.
Isang taon matapos manganak, napagdesisyunan ni Eva na bumalik sa pagta-trabaho. Minsa’y nagsasalisihan sila ng day off ng kaniyang asawa upang samahan ang kasambahay na magbantay sa dalawang bata.
Napansin ni Eva na madalas ay wala sa wisyo ang anak na si Baste. Noon ay napakamasiyahin nito at palaging nilalaro ang kapatid, ngunit ngayon ay madalas tahimik na lamang ito at nagkukulong sa kanyang kwarto. Labis ang pagtataka ni Eva kaya naisipan niyang tanungin ang kasambahay.
“Jessica, ano kaya ang nangyayari kay Baste? May umaaway ba sa kanya sa eskwela? Bakit kaya naging matamlay ang pakikisama sa kapatid niya, pati na rin sa akin.” Tanong ng malungkot na ina.
“Naku, Ma’am Eva. May ikukwento nga ho ako sa inyo. Alam niyo ho ba, kapag wala kayo ay madalas sigawan at paluin ni Sir Peter si Baste?” Sumbong ng kasambahay kay Eva.
“Ano ka ba? Normal lang sa ama ang namamalo. Para madisiplina ang bata. Ikaw talaga, gumagawa ka pa ng tsismis.” ayaw maniwala ni Eva na kayang gawin ito ni Peter nang walang dahilan.
Agad namang tumahimik ang kasambahay na si Jessica, kahit alam niyang hindi na tama ang pamamalo at pagsigaw-sigaw ni Peter sa kawawang bata. Takot siyang magalit ang amo at paalisin siya sa pamamahay. Kaya naman sa mga sumunod na araw, kahit labis na pananakit na ang ginagawa ni Peter kay Baste sa tuwing wala si Eva ay hindi na lamang ito pinapansin ni Jessica.
Isang araw ay namamasyal ang mag-anak sa park nang biglang may napansin si Eva sa hita ng anak.
“Anak? Ano ‘yan? Naano ‘yan? Nadapa ka ba?” Tanong ng nag-aalalang ina.
“Hindi po, mama.” Nakayukong sagot ni Baste. Natatakot itong magsalita tungkol sa ginagawa ng amain dahil pinagbabantaan itong ipaaampon kapag siya’y nagsumbong.
Buti na lamang at sa wakas ay nagsalita na ang kasambahay na si Jessica.
“Ma’m? Ayoko ho sanang makialam ha. Pero sumosobra na si sir.” Pabulong na sumbong ni Jessica. Natatakot siyang marinig ni Peter dahil nakikipaglaro lamang ang ama ng habulan sa ngayo’y tumatakbo nang bata.
“Bakit?! Siya ba ang may gawa nito?! Baste! Sagot!” Pasigaw na tanong ni Eva sa anak. Dahil alam niyang kaya niyang buhayin ang dalawang anak ng mag-isa, hindi takot si Eva na iwan ang asawa kapag nalaman niyang sinasaktan nito ang anak niya.
Sasagot na sana si Baste at magsasabi ng katotohanan, na palagi siyang ginugulpi ng amain, nang biglang dumating si Peter.
“Ano? Anong sinusumbong mo sa mama mo? Sinungaling kang bata ka ha! Manang-mana ka sa tunay mong ama!” Sigaw ng nanggagalaiting si Peter. Sa galit ay napabayaan na nito ang anak na tumatakbo mag-isa patungo sa kalsada kung saan maraming sasakayan ang dumadaan.
Hindi nakapagpigil si Peter kahit nasa harap ni Eva ay umambang hahampasin ng malalaking kamay ang mukha ng kaawa-awang bata, nang bigla itong tumakbo ng matulin papalayo sa kanila.
“Aba’y tingnan mo! Didisiplinahin mo pero tumakbo papalayo? Talagang sira u…” Hindi na natapos ni Peter ang sinasabi nang makarinig ng malakas na kalabog.
Biglang sumikip ang dibdib nito nang maalala ang kanyang dalawang taong gulang na anak na napabayaan nang naglalakad mag-isa sa park.
“DIYOS KO! ANG ANAK KO!” sigaw ni Eva habang tumatakbo papunta sa kotse na malapit sa kanila.
Nanlaki ang mata ni Peter sa nakitang pangyayari. Kaya pala tumakbo si Baste, hindi para makaiwas sa sampal niya, kung hindi para masagip ang bunsong kapatid sa sasakyan na makakasagasa sana sa kapatid niya.
Tulala at hindi makapagsalita si Peter. Dumating ang mga ambulansya upang magbigay ng agarang lunas sa naghihingalong bata. Labis ang paghagulgol ni Eva sa duguang anak na si Baste.
Nang makarating ng ospital, agad isinugod sa emergency room si Baste upang operahan. Nagkaroon daw ng massive head trauma ang bata at namuo na ang dugo sa ulo nito, kinakailangang matanggal ang naumong dugo kung hindi ay posibleng bawian ng buhay ang kaawa-awang bata.
Nahimasmasan na si Eva sa mga nangyari. Ipinagbilin muna niya ang bunsong anak sa kasambahay kaya’t silang dalawa lang ni Peter ang sumama sa ospital. Nang matauhan, agad nitong nilapitan si Peter at sinampal.
“Ang kapal ng mukha mo! Noong nanliligaw ka pa lamang, labis ang panunuyo mo kay Baste. Noong lumabas si baby, bigla ka na lamang nag-asal demonyo. Sino ka para apihin ang anak ko, ha?! SINO KA?! P*TANG*NA MO! HINDI KITA MAPAPATAWAD KAPAG MAY HINDI MAGANDANG MANGYARI SA ANAK KO!” Sigaw ni Eva sa asawa habang tumutulo ang luha nito.
Biglang napaluhod si Peter sa harap ng misis. Labis ang pagsisisi nito sa mga ginawang pang-aalipusta kay Baste.
“Eva! Patawarin mo ako! Inaamin ko, nagkamali ako. Natatakot lamang ako na baka hindi maging pantay ang pagmamahal mo sa dalawang bata. Na baka apihin ni Baste ang anak natin. Gusto ko lamang sana na hindi maramdaman ng anak ko na may kaagaw siya sa pagmamahal ng mga magulang niya. Pero pangako, naiintindihan ko na ngayon! Nagkamali ako!” Halos halikan na ni Peter ang mga paa ni Eva. Hindi ito nahiyang humagulgol kahit maraming tao na ang nanonood sa kanila.
“Nangangako ako, na simula ngayo’y magiging mabuting ama na ako sa dalawa nating anak. Patawarin mo ako dahil nakalimot ako sa mga ipinangako ko sa iyo noong kasal natin. Sa pinakita ni Baste ngayon, napatunayan kong maling-mali ako. Mahal na mahal pala niya ang kapatid niya na handa siyang ibuwis ang buhay niya para dito!” Patuloy ang labis na paghagulgol ni Peter nang biglang lumabas ang doktor ni Baste.
“Misis, mister? Nasa maayos na kalagayan na ang anak ninyo. Ang katunayan, maya-maya lamang ay maaari niyo na siyang makausap. Kung maaari’y sa susunod ay iwasan natin ang ganitong pangyayari. Napaka-swerte na ho ng anak ninyo na hindi siya napuruhang masyado.” Paliwanag at payo ng doktor.
Maya maya pa’y pumasok na si Peter at Eva sa kwarto ni Baste. Bago pa man makalapit si Eva sa anak, nagulat siya nang agad tumakbo si Peter papalapit kay Baste.
“Anak! Patawarin mo ako. Sa lahat lahat. Patawad!” Wika ng hindi na makahinga sa pag-iyak na si Peter. Kitang kita sa kanyang mga mata ang labis na pagsisisi.
“Papa? Mahal na mahal po kita. Tumayo na po kayo d’yan.” Mahinahong sagot ni Baste. Dahil napalaki ng tama ni Eva, labis ang kabaitan nito at napakadaling magpatawad.
Dahil sa nasaksihan, binigyan pa muli ni Eva ng pagkakataon si Peter na magbago. Naging maingat na rin siya sa kanyang anak.
Makalipas ang ilang taon, napatunayan niyang tunay na ngang nagbago ang asawa. Tinupad nito ang mga pangakong binitawan niya noong kasal nila at namuhay ng napakasaya ang kanilang maliit na pamilya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.