Inday TrendingInday Trending
Mahilig Magbagsak ng Estudyante ang Teacher, Isang Nakakakilabot na Pangyayari ang Babago sa Kanya

Mahilig Magbagsak ng Estudyante ang Teacher, Isang Nakakakilabot na Pangyayari ang Babago sa Kanya

Kinatatakutan si Prof. Lourdes Nakila sa isang sikat na unibersidad. Tinuturing siyang terror ng mga estudyante dahil siya iyong tipo ng propesor na mahilig magbagsak. Hindi siya katulad ng iba na napapakiusapan sa pamamagitan ng project, pangbawi lang upang makapasa.

Pero si Prof. Lourdes ay hindi ganoon ang istilo. Ibang iba ang paraan nito ng pagtuturo.

“Bigyan mo na lang sila ng special project, Siguradong hindi makakatanggi ang mga estudyante mo,” payo ng isang co-teacher niya.

“Naku, hindi iyan puwede sa akin! Kaya naman namimihasa ang ilang estudyante, kasi kinukunsinti sila ng mga teacher. Lalo lang walang matututunan ang mga bata kung palaging project ang kapalit ng mga bagsak nilang grado!”

Gustung-gusto si Prof. Lourdes ng pamunuan ng unibersidad, dahil sa tapang at dedikasyon niya sa pagtuturo. Wala itong sinasantong estudyante, wala itong pakialam kung bumagsak man ang mga ito. Hindi rin siya nadadala sa mga pakiusap.

Isang araw ay nakiusap sa kanya ang isa sa kanyang estudyante na kung maaari ay magpasa na lang ito ng project para makapasa sa subject niya.

“Ma’am, baka po puwedeng project na lang ang ipagawa niyo sa akin sa bagsak kong grade sa inyo? Gusto ko pong maka-graduate!” pagmamakaawa ni Marco.

“Pag hindi kayo pumapasa sa subject ko, puro project na lang ang nasa isip niyo! Paano kayo matututo kung palagi niyong iniinsulto ang mga teacher niyo nang ganyan?” sabi niya rito.

“E, ma’am…natatakot po kasi ako sa parents ko, papagalitan nila ako kapag nagkaroon ako ng bagsak na grade. Mapapahiya po ako sa pamilya ko. Lahat ng kapatid ko naka-graduate, tapos ako bagsak at hindi makaka-graduate. Parang awa niyo na po ma’am!” pakiusap pa nito.

“I’m sorry Marco, pero hindi kita mapagbibigyan sa gusto mo. Bumawi ka na lang sa summer class ko.”

Iniabot ni Prof. Lourdes kay Marco ang class card na may nakalagay na FAILED at hindi pinirmahan ang clearance nito. Umuwing lulugo-lugo ang estudyante. Gaya ng inaasahan ay sangkatutak na sermon ang inabot ng binata sa mga magulang nito dahil bumagsak ito sa subject niya at hindi naka-graduate.

Sumapit ang buwan ng Mayo at nagsipasukan ang mga estudyanteng kukuha ng summer classes.

Habang nagtuturo si Prof. Lourdes ay napuna niya ang isang pamilyar na estudyante. Waring hindi ito makatingin sa kanya at palagi lamang nakayuko. Hindi ito nakikisalamuha sa mga kapwa estudyante at palaging nakaupo sa pinakadulong bahagi ng classroom.

Minsan ay nakasalubong niya ang pamilyar na estudyante habang pababa siya ng hagdan. Napansin niyang puno ng dugo ang kanang kamay nito. Nag-alala siya rito kaya hinabol niya ito para tanungin kung bakit ito may sugat sa kamay.

Nang hawakan niya ang braso ng estudyante ay nakita niya ang mahabang laslas sa pulso nito. Doon nanggagaling ang dugo na tumutulo na sa semento. Sa sobrang pagkabigla ay napaatras si Prof. Lourdes at napasigaw.

“Oh my God! Bakit may laslas ang kamay mo?” tanong niya sa binatang estudyante.

Hindi ito kumibo at nanatiling nakatalikod sa kanya.

“Answer me, bakit may sugat ‘yan! Tumingin ka sa akin pag kinakausap kita!” aniya.

Laking gulat niya nang lingunin siya ng binata. Ang pamilyar na estudyante na palaging tahimik sa klase niya ay ang binagsak niya at hindi naka-graduate na si Marco.

“M-Marco, Marco Santos?” B-Bakit may laslas ang pulso mo?”

Hindi siya sinagot ng binata, sa halip ay naglakad ito palayo sa kanya. Mas lalong hindi niya inasahan ang sumunod na nangyari dahil hindi pa man ito nakakalayo sa paglalakad ay bigla na lamang itong naglaho.

Hindi nakakilos sa kinatatayuan si Prof. Lourdes. Hindi siya makapaniwala sa nakita niya. Bakit may laslas ang pulso ni Marco at bakit bigla itong naglaho sa paningin niya? Kumbinsido ang propesora na hindi siya namamalik-mata at totoo ang kanyang nakita.

Kimaumagahan ay nalaman niya sa mga co-teachers niya na dalawang linggo na palang patay ang estudyante niyang si Marco. Nagpakamatay ito dahil sa sobrang pressure at depresyon sa pagbagsak niya rito.

Nakaramdam siya ng pagsisisi sa natuklasan. Pinagtimbang niya ang nangyari sa kanya sa nagdaang araw. At nabuo ang isang desisyon na hindi niya sigurado kung tama nga ba.

Final exam nang araw na iyon. Sadyang pinasobrahan niya ang mga test paper para sa pamilyar na estudyante niya.

“Ma’am sobra po ‘yung test paper!” sabi ng isa sa mga estudyante.

“Lagyan mo ng test paper ‘yung bakanteng silya sa likod.”

“E, ma’am…wala naman pong nakaupo roon.”

“Basta sundin mo lang ang utos ko.”

Matapos ang ilang oras ay tapos na ang lahat na sagutan ang test papers. Kinuha niya ang mga iyon at siya na mismo ang nag-check. Hindi na siya nagtaka nang makita niyang may mga sagot ang isa sa mga test paper na ang pangalang nakalagay ay Marco Santos. Di nagtagal ay natapos niyang check-an ang mga iyon.

“Binabati ko kayo, nakapasa kayong lahat sa final exam. Maaari na kayong maka-graduate!” malakas niyang sabi.

Tuwang-tuwa na nagsilabasan sa classroom ang mga estudyante niya nang malamang pasado ang mga ito sa final exam at makaka-graduate na. Nang si Prof. Lourdes na lang ang natira sa loob ay nakita niya si Marco na nakangiti sa kanya at kumakaway na sensyales ng pagpapaalam. Napangiti rin siya dahil sa wakas, matatahimik na ang estudyanteng hindi nakapasa sa kanya noon.

Muling nagbalik sa normal ng lahat. Nagsilbing aral iyon kay Prof. Lourdes, binawasan na niya ang pagiging mahigpit at pagpapahirap sa mga estudyante niya. Iniintindi na rin niya ang bawat hinaing ng mga ito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement