Pilit Nilasing ng Tropa ang Dalagang May Katigasan ang Ulo, Pagkagising Niya ay Nagbago ang Mundo Niya
Si Joy ay disi-sais anyos. Nag-aaral pa siya sa high school at mayroong boyfriend na mas matanda kaysa sa kanya. Hindi pa niya masyadong kilala ang lalaki dahil isang linggo lang itong nanligaw sa kanya pero sinagot na niya agad. Ipinakilala ito sa kanya ng kanyang kaklase. Guwapo ito at matangkad kaya mabilis niyang nagustuhan.
Araw-araw ay pinapagalitan siya ng mga magulang dahil napapabayaan na raw niya ang pag-aaral dahil sa maagang pagbo-boyfriend. Inaatupag pa raw niya ang pakikipag-date at lakwatsa kaysa mag-aral at pumasok sa eskwela.
“Ayan ka na naman, palagi ka na lang ginagabi, ah! Alas-dose na ng hatinggabi. Uwi pa ba iyan ng matinong babae? Saan ka na naman nanggaling?” galit na tanong ni Aling Vivian.
Napapailing na lang siya sa pagbubunganga ng ina. Sanay na kasi siya na gabi-gabi na lang siyang sinesermunan nito.
“Bakit amoy alak ka? Uminom ka na naman ‘no? Di ka pa ba nagsasawa, Joy?” sabat ni Mang Rudy.
“Tay, nay, puwedeng bukas ninyo na ako sermunan at inaantok na ako.” sabi niya sa mga magulang.
“Kailan ka ba, magtitinong bata ka? Hindi ka namin pinag-aaral para makipag-boyfriend lang! Kakikilala mo pa lang sa kanya, Joy. Hindi nga namin alam ang buong pagkatao ng lalaking iyon!” patuloy na sigaw ng ina.
“Pinalaki ka naman namin ng tama, pero bakit ang tigas pa rin ng ulo mo?” tanong ng ama.
“Inay, mahal ko si Ronnie. Siya lang naman ang nakakaintindi sa nararamdaman ko, e. Hindi siya masamang tao kaya huwag ninyo siyang husgahan.”
“Kapag hindi mo hiniwalayan ang lalaking iyan ay hindi ka na makakalabas ng bahay! Hindi ka na rin papasok sa eskwela, tutal wala ka namang natututunan,” pagbabanta ng kanyang ina.
Hindi na niya ito pinakinggan at pumasok agad sa kanyang kuwarto habang sumisigaw pa rin ang mga magulang.
Naiinis na talaga siya sa sitwasyon. Gusto niyang maging malaya, gusto niyang walang nagbabantay at nangingialam sa kanya.
Dali-dali niyang kinuha ang cellphone sa bag at tinawagan ang kanyang boyfriend.
“Be, pinapagalitan na naman ako nina tatay at nanay!” maktol niya.
“Hayaan mo na, be. Hindi ka na nila papagalitan pag nakilala na nila ako. Huwag ka nang umiyak,” sabi ng kanyang boyfriend sa kabilang linya.
“Sige na nga be, kita tayo bukas, inom ulit tayo?” aniya.
“Ikaw pa, e malakas ka sa akin. Okay mag-shot tayo bukas, be.”
Kinahapunan, matapos ang klase ay nagkita sina Joy at Ronnie sa park. Magkasama silang pumunta sa bahay ng boyfriend. Pagdating nila roon ay kumpleto na lahat: alak, pulutan, videoke at ang barkada nila ay naroon din.
Nakaka-apat na tagay pa lang si Joy ay naramdam na agad siya ng pagkahilo. Pero mapilit pa rin ang barkada niya at patuloy pa siyang pinapainom. Di nagtagal ay bumigay na siya sa sobrang kalasingan. Hindi niya namalayan na binuhat na siya ni Ronnie at dinala sa kuwarto nito.
Alas-siyete ng umaga nang magising si Joy. Laking gulat niya nang makita niya ang sarili na nakahiga sa kama ni Ronnie at wala siyang anumang saplot sa katawan. Pinilit niyang bumangon ngunit nahihilo pa siya. Halos matumba siya at pakiramdam ay parang masusuka.
Inisip niya na epekto lang iyon ng pag-inom niya kagabi. Dahan-dahan niyang dinampot sa lapag ang kanyang mga damit at nagbihis. Lumabas siya sa kuwarto ngunit hindi niya nakita ang boyfriend at ang barkada nila. Nagtanong siya sa kasambahay nito.
“Manang, nasaan po si Ronnie?” aniya sa matandang katulong.
“Ah, gising na po pala kayo. Wala po siya, e umalis po. Pati iyong mga kaibigan ninyo maaga ring umalis,” magalang nitong sagot.
“Ganon po ba? Sige thank you po.”
Hindi na niya hinintay ang pagbalik ng boyfriend at mag-isa na lang siyang umuwi.
“Si mama, gising na. Anong gagawin ko?” tanong ni Joy sa sarili. Si Aling Vivian kasi ang nauunang nagigising sa umaga.
“Anong nangyari at bakit ngayon ka lang?” wika nito sa likuran niya.
“Uminom lang ako kagabi kasama ang boyfriend ko at doon na rin ako natulog.” aniya sa pabalang na tinig.
“Kailan ka pa natutong makitulog sa ibang bahay lalo na’t sa bahay pa ng lalaking hindi mo pa lubos na kilala?”
“Pake mo ba, e gusto ko doon matulog!” galit na sagot ni Joy sa ina.
Nagulat na lang siya nang sampalin siya nito ng malakas. “Lapastangan! Iyan ba ang natututunan mo sa pakikipag-boyfriend mo, ang sagutin ako?!”
Sa sobrang pagkapahiya ay tumakbo siya sa kuwarto at nagkulong. Ilang araw siyang hindi pumasok sa eskwela at ilang araw din niyang hindi kinausap ang mga magulang.
Isang buwan ang mabilis na lumipas. Nararamdaman ni Joy na palagi siyang nahihilo at nagsusuka.
Isang tao lang ang makakasagot niyon kaya pinuntahan niya si Ronnie sa bahay nito.
Alam kasi niya na may nangyari sa kanila noong gabing nag-inuman sila. Palagi naman nilang ginagawa iyon ngunit hindi niya sigurado kung gumamit ito ng condom . Nadatnan naman niya roon ang pakay.
“Sabihin mo nga sa akin ang totoo, noong may nangyari sa atin gumamit ka ba ng condom?” wika niya sa kausap.
“Ha, ah eh.. hindi be. Sinadya ko talaga iyon para mas ma-enjoy natin ang gabing iyon.”
“Ang sama mo! Nang dahil sa ginawa mo, ito at buntis ako! Di ako puwedeng mabuntis. Papatayin ako nina mama!”
“A-ano, b-buntis ka?” utal na sagot ng lalaki.
“Oo. At ikaw ang ama. Kailangan mo akong panagutan, Ronnie!’
Hindi ito nakapagsalita at halatang takot.
Dahil sa sama ng loob ay umalis si Joy at umuwi na lang sa kanilang bahay.
Pagdating sa kanila ay agad siyang humingi ng tawad sa mga magulang at inaming siya ay nagdadalantao. Sa una ay samo’t saring sermon ang narinig niya mula sa mga ito ngunit hindi naglaon ay napatawad rin siya nina Aling Vivian at Mang Rudy. Hindi na rin nagpakita sa kanya si Ronnie na natakot yata sa responsibilidad.
Natutunan ni Joy na dapat ay nakinig siya sa mga magulang, na kapakanan lang niya ang iniisip ng mga ito. Sana ay hindi pa niya kinaharap sa ngayon ang responsibilidad bilang isang ina.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.