Inday TrendingInday Trending
Ayaw Tanggapin ng Lalaki ang Tulong ng Pulubi na Ayusin ang Nasira niyang Sasakyan, Nagulat Siya nang Malaman ang Tunay na Pagkatao Nito

Ayaw Tanggapin ng Lalaki ang Tulong ng Pulubi na Ayusin ang Nasira niyang Sasakyan, Nagulat Siya nang Malaman ang Tunay na Pagkatao Nito

“Wow, mukhang magandang klase ang sasakyang ito!” sabi ni Kit sa babaeng staff.

“Yes po, sir. Bagong-bago po iyan. Kukunin niyo na ba?”

“Yup, bibilhin ko iyan! How much at babayaran ko na?”

Bumili siya ng bagong kotse. Ito ang regalo ni Kit sa sarili. Malaki ang nakuha niyang komisyon sa nabentang condo unit kaya naisip niya na bilhin ang matagal na niyang gustong sasakyan.

Luma na kasi at kakarag-karag ang kotseng ginagamit niya at bilang isang sales agent ay kailangan na may bago siyang sasakyan na gagamitin para puntahan ang kanyang mga kliyente. Siyempre, binili niya ito para na rin may pampahanga sa mga kaibigan at mga babae.

Sa sobrang excited ay pinatakbo niya agad ang nabiling kotse. Hindi siya nagkamali ng pagpili dahil sa kulay at tekstura pa lang ay de kalibre na. Minaneho niya ang sasakyan kahit di niya alam kung saan siya patungo. Inikot niya ang buong ka-Maynilaan at nakarating din sa malalapit na bayan sa Laguna at Bulacan.

Di namalayan ni Kit na malayo na pala ang kanyang napuntahan. Hanggang sa napansin niya na napunta siya sa isang liblib na lugar. Wala masyadong bahay at mga tao sa lugar na iyon. Puro puno lamang ang kanyang nakikita.

“What the… anong lugar ito?” sabi niya sa sarili.

Ipinagpatuloy niya ang pagmamaneho para makaalis sa lugar na iyon ngunit tila nagpapaikot-ikot lang siya at hindi umaalis sa kinaroroonan. Alas-otso na ng gabi nang tumigil ang kotse at ayaw na umandar.

“O, anong problema nito, bakit ayaw na gumana?”

Bumaba siya ng sasakyan at tinignan ang makina nito. Nakita niya na wala naman itong ibang sira ngunit nagtataka kung bakit biglang huminto.

“Anak ng..kabibili ko lang nito ah?” nasambit niya habang inis na inis sa pangyayari.

Sinubukan niyang kumpunihin ang sasakyan ngunit hindi niya ito magawa.

Maya maya ay mayroong dumaan na isang lalaki. Nasa kuwarenta hanggang kuwarenta y singko ang edad nito. Butas-butas at madumi ang damit ng lalaki. Balbas-sarado rin ito at halos mukha ng pulubi. Lumapit ito sa kanya at gusto siyang tulungan.

“Iho, ano bang nangyari diyan sa sasakyan mo? Baka may maitulong ako,” pagmamagandang loob nito.

Tinanggihan ni Kit ang alok ng lalaki. Dahil sa kanyang tingin ay ano nga ba ang alam ng isang pulubi sa pag-aayos ng mamahaling sasakyan niya?

“Hindi na po. Maraming salamat na lang, kaya ko na po ito,” aniya.

Hindi na nagpumilit pa ang lalaki. Lumayo ito at umupo sa malaking bato na naroon. Hindi ito umalis sa kinauupuan at tila binabantayan siya.

Mabilis na lumipas ang oras. Napatingin si Kit sa suot na wristwatch at nakitang alas-diyes na ng gabi at patuloy pa rin niyang ginagawa ang nasirang sasakyan. Lumapit na naman ang lalaki at muling nag-alok ng tulong.

“Nahihirapan ka na yata, iho. Gusto mo tulungan na kita?” anito.

“Ah, salamat na lang po, manong. Kaya ko na ito,” magalang pa rin niyang sagot.

Lumayo ulit ang lalaki at umupo sa malaking bato.

Alas onse ng gabi at hindi pa rin nagagawa ni Kit ang sasakyan. Lumapit ulit ang lalaki at nagsabing tutulungan siya ngunit muli niya itong tinanggihan.

“Tutulungan na kita diyan, iho!”

“Ayos lang po ako. Kaya ko po ito.” sabi ni Kit.

Sumapit na ang alas-dose ng gabi ngunit hindi pa rin niya ito naaayos, kaya siya na mismo ang lumapit sa lalaki para siya ay tulungan.

“Manong, baka po puwedeng makahingi ng tulong. Hindi ko po talaga magawa, e.”

Agad itong lumapit sa makina at ginalaw ng kaunti ang isang bahagi niyon at sinubukang paandarin ang sasakyan. Di nagtagal ay gumana na ito. Laking gulat naman ni Kit na ganoon lamang kabilis nitong naayos ang kanyang sasakyan. Nagpasalamat siya at tinanong ang pangalan nito.

“Naku, maraming salamat po. Ang galing niyo pong magkumpuni! Ano po ang pangalan niyo?” tanong niya rito.

“Ako si Hesus. Ako ang gumawa ng sasakyan na iyan.”

Nagulat si Kit sa sinabi ng lalaki. Hindi siya makapaniwala sa rebelasyon nito. Kaya pala kanina pa ito nag-aalok ng tulong at parang alam na alam nito kung paano ayusin ang sasakyan. Ito pala ang gumawa ng disenyo ng nabili niyang kotse, kaya anuman ang sira nito ay madali itong nalaman ng lalaki.

Napagtanto niya na minsan ay kailangan din pa lang humingi ng tulong sa iba. Hindi dapat sinosolo ang problema, bagkus ay dapat bukas sa anumang tulong na maggagaling sa ibang tao dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay kaya itong ayusin na mag-isa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement