Nangangailangan ng Malaking Pera ang Binata nang Makapulot Siya ng Pitaka na Mayroong Laman na Malaking Halaga; Doon Sinukat ang Kanyang Katapatan

Bunso si Lando sa limang magkakapatid. Ang nanay niya ay isang labandera at plantsadora, at ang namayapa niyang ama ay dating construction worker. Nangungupahan lamang sila noon sa isang maliit na bahay na halos mabaklas na ang mga bubong at uka-ukang ang mga pader.

Simula pagkabata ay nakikita na nila ang sakripisyo ng kanilang ina at pagpapakahirap nito upang maitaguyod lamang sila. Dahil maagang binawian ng buhay ang padre de pamilya, ay lalong nagdoble ng kayod ang kanilang ina upang mabuhay ang limang supling na umaasa sa kanya.

“’Nay, tulungan na po kita riyan. Baka masyado na ninyong inaabuso ang sarili niyo sa paglalaba,” nag-aalalang sabi ng batang si Lando.

“Nako, anak ko. Ayos lamang si nanay, ha? Huwag mo akong intindihin dito. Mabuti pa ay magbukas ka na lamang ng libro at magbasa-basa ng mga susunod na aralin,” nakangiting tugon naman ng ina.

“Pero ‘nay, halos gabundok na iyang labahin ninyo, mamamalantsa pa kayo pagkatapos niyan. Baka po magkasakit ka na kasi kaya tutulungan ko na po kayo,” pagpupumilit pa ng anak.

“O sige na nga at dahil mapilit ka, tulungan mo na lang akong magbanlaw ng mga ito at pagkatapos ay pumasok ka na upang mag-aral anak,” sagot naman ng pagod na pagod na ina.

Ngumiti lamang si Lando at saka tinulungan ang ina sa kanyang gawain. Dahil sa nakikitang sakripisyo at pagod ng kanilang ina, ay lalong namang nagpursigi at nagsipag sa pag-aaral ang magkakapatid, kaya’t wala sa kanila ang naligaw ng landas.

Naging inspirirasyon naman ni Lando ang hirap na dinaranas upang maging masigasig sa pag-aaral at makatulong sa kanyang ina balang-araw. Tanging edukasyon lamang ang nakikita niyang susi upang makabangon sa hirap na kinalulugmukan.

Advertisement

Sa tuwing gumigising sila sa umaga ay nakahanda na ang kanilang almusal. Isang latang sardinas na pantay na hinati-hati para sa limang magkakapatid. Kung makakaluwag-luwag naman ay masarap na corned beef o hotdog ang kanilang kinakain, subalit pag walang-wala talaga ay nagtitiis sila sa kanin na binudburan ng asin o kaya nama’y toyo na mayroong mantika lamang.

Sa murang edad ay natutunan ni Lando na magtulak ng kariton. Bago pa man sumikat ang araw ay naghahanda na siya upang mangalakal ng bote, bakal at mga plastik na maaaring ibenta sa junk shop. Ang lahat ng kanyang kinikita ay ginagamit niyang pambaon sa araw-araw.

Simula elementarya hanggang tumungtong ng hayskul ay pagbobote’t bakal ang kanyang naging trabaho upang maibenta at maitawid ang isang araw sa eskwela. Nang magbinata naman ay tila ba nahiya na siyang magtulak ng kariton, kaya itinigil niya ito at namasukan bilang waiter sa ilang catering services.

Maagang namulat ang kaisipan ni Lando, kaya’t ang mga nagiging kaibigan niya ay mas matatanda pa sa kanya, ngunit napabarkada naman siya sa mga taong may mabubuting loob. Nang makatapos ng 4th year high school ay isang masamang balita naman ang natanggap niya mula sa kanyang ina.

“Anak, hindi na kaya ni nanay na pag-aralin ka pa ng kolehiyo. Araw-araw ay tila ba palaki ng palaki na ang mga gastusin kasi. Sana maintindihan mo anak,” malungkot na pagkakasabi ng kanyang ina.

“Naiintindihan ko po kayo, ‘nay. Nakakalungkot man, pero kailangan ko rin naman makatulong sa inyo. Magtatrabaho po muna ako para rin makaipon po tayo kahit papaano,” sagot naman ni Lando sa kanyang ina.

Labis ang lungkot at panghihinayang ang nadama niya nang malaman na hindi na siya makakapagtuloy ng kolehiyo. Maayos naman ang kanyang grado at nagtapos naman siya ng may mataas na karangalan, ngunit dahil sa kahirapan at nahinto pansamantala ang kanyang pangarap.

At dahil napilitan huminto ang binatang si Lando sa pag-aaral, sinubukan niyang humanap ng trabaho na pasok sa lebel ng edukasyong kanyang nakuha. Paekstra-ekstra siya ng pagwe-waiter, pero nakakuha naman siya ng permanenteng trabaho sa isang mall malapit sa Recto bilang isang bagger doon.

Advertisement

Madalas niyang nakikita ang ilang kaeskuwela noong hayskul na nag-aaral sa ilang malalaking unibersidad sa Maynila. Ang iba ay natatawa sa kinahinatnan niya, pero mayroon din namang sinasabihan siyang ituloy ang pag-aaral dahil sayang ang sipag at talino niya kung hindi daw siya makakapagtapos.

“Bagger ka na lang pala, Lando?” natatawang bati sa kanya ng dating kaklase na lalaki noong hayskul, “Isipin mo nga naman, valedictorian ka namin nung hayskul tapos taga-plastik at taga-kahon ka na lamang dito,” dagdag pa ng hambog na lalaki habang natatawa.

“Kailangan ko kasi magtigil para makatulong sa amin. Hindi naman kasi ako pinanganak na may kaya tulad mo,” seryosong sagot naman ng binata.

“O eto, sana makatulong sa’yo!” kumuha ang lalaki ng isang daang piso at saka ibinato sa may paanan ni Lando, “tip ko na ‘yan sayo. Ipangkain mo na lang,” pagyayabang pa ng lalaki at saka umalis taglay ang mga pinamili.

Labis na nasaktan si Lando sa ginawa ng dating kamag-aral. Nakaramdam siya ng labis na pagkainggit at lihim na umiiyak kapag walang nakatingin. Hindi ito ang buhay na pinangarap niya at hindi rin niya matanggap na baka hanggang dito na nga lamang siya.

“Hindi ito ang buhay na ninais ko para sa akin at para sa pamilya ko. Wala akong mararating sa buhay ko kung hindi ako kikilos,” mahinang bulong niya sa kanyang sarili habang pumapatak ang mga luha.

Nagdesisyon siyang ipagpatuloy ang pag-aaral habang nagtatrabaho. Alam niyang hindi ito magiging madali, subalit wala siyang mararating kung sasabay lamang siya sa hirap ng buhay.

Sinubukan niyang kumuha ng mga entrance exam sa mga unibersidad at suwerte namang natanggap siya sa lahat ng paaralang inaplayan. Ngayon ay tanging iskolarship na lamang ang kailangan upang maabot na ang pinapangarap na diploma.

Advertisement

Nang matanggap ang iskolarship ay buong puso siyang pumasok sa unibersidad. Sa umaga ay pumapasok siya sa klase, sa hapon naman ay trabaho ang kanyang inaatupag.

Isang araw habang nasa banyo ng restawran kung saan namamasukan ang binata bilang waiter ay natagpuan niya ang isang maliit na bag. Dahan-dahan niya itong binuksan at laking gulat niya ng makita ang makapal na pera sa loob nito.

Higit kumulang dalawang daang libong piso siguro ito. Lumakas naman ang kabog ng kanyang dibdib at saka napaisip ng malalim. Marami na siyang magagawa at mabibili sa laki ng halaga ng nasa loob ng pitaka. Kaya na rin nitong mausportahan ang kanyang pag-aaral.

Subalit alam niya sa puso niya na mali ang kumuha ng pag-aari ng iba. Pikit mata niyang tinanggihan ang tukso ng salapi. Hinanap niya ang ID sa loob ng pitaka at saka tinawagan ang numero na kalakip doon.

“Napakabuti ng loob mo, hijo, dahil nagawa mong ibalik sa akin ang ganito kalaking halaga ng pera. Lubos akong nagpapasalamat sa kabutihan mo,” nakangiting wika ng isang matandang negosyante.

“Sa inyo po iyan, kaya nararapat lamang na maibalik po sa inyo ang pera,” tugon naman ni Lando.

“O eto, tanggapin mo ang halagang ito. Bilang pasasalamat ko sa kabutihan ng iyong loob,” saad ng matanda habang inaabot ang malaking halaga ng salapi.

Ngumiti lamang si Lando at saka nagsalita, “maraming salamat po sa pabuya ninyo, pero patawarin ninyo po ako dahil hindi ko po ito magagawang matanggap. Naiwan ninyo po ang bag na ito, kaya’t nararapat lamang na maibalik din po sa inyo.

Advertisement

Sapat na sa akin na malamang naibalik ito sa tamang may-ari. Yung maibalik ko ang perang hindi naman sa akin ay isang malaking pabuya na dahil alam kong nagbunga ang kabutihang loob na itinanim sa amin noon ng aking inay. Salamat na lamang po sir,” magalang na pagtanggi ng binata sa matanda.

“Basta kung kailanganin mo ako balang-araw, ito ang aking numero. Tawagan mo ako at agad akong tutugon sa iyo. Nawa’y pagpalain ka pa ng ating Diyos,” masayang sagot naman ng matandang negosyante.

Lumipas pa ang mga taon at nakapagtapos din si Lando ng kolehiyo. Buong sikap niyang iginapang ang pag-aaral at pilit na iniabot ang inaasam na pangarap. Nakakuha siya ng magandang trabaho na mayroong malaking sweldo.

Nagtatrabaho siya ngayon bilang manager at may mataas na tungkulin sa kompanya ng matandang negosyante na nakawala noon ng bag na may malaking salapi. Napakabait sa kanya ng matanda at buong-buo ang tiwalang ibinigay sa kanya.

Pinagbutihan pa niya ang kanyang trabaho at ipinamalas ang matinding sipag at tiyaga upang mas mapalago pa ang kompanya. Hindi rin niya inaasahan na magiging empleyado niya ang hambog na lalaking nanlait sa kanya noon sa mall na pinagtatrabahuhan. Labis ang hiya ng lalaki dahil ang lalaking nilait-lait niya noon ay boss na niya ngayon.

Nakapagpundar na si Lando ng sariling bahay at malapit na rin matapos sa sasakyang binabayaran. Nakaangat na sila sa buhay at unti-unti na niyang nararating ang mga pangarap niya noon.

Dahil sa pagsusumikap niya at kabutihang loob ay lubos ang pagpapala na umulan sa kanyang buhay. Sa buhay na ito ay napatunayan din niyang nakasalalay sa pagkilos at tamang pagpapasya ang tagumpay ng isang tao. Ang tagumpay pala ay parang kariton na dati niyang itinutulak, hindi ka aandar at aasenso kung hindi mo itutulak ang sarili mo.