Inday Trending

Inday Trending

Nakunan ang Babae sa Kabila ng Ilang Taong Pagsusubok Magbuntis; Isang Kamanghamanghang Pangyayari Pala ang Nag-iintay sa Kanilang Mag-asawa

Nakunan ang Babae sa Kabila ng Ilang Taong Pagsusubok Magbuntis; Isang Kamanghamanghang Pangyayari Pala ang Nag-iintay sa Kanilang Mag-asawa
LoveMiracleStories

Taong 2008 ikinasal ang mag-asawang sina Alex at Jenny. Pareho silang nagtatrabaho sa isang pribadong kompanya. Bilang bagong kasal, naisipan ng dalawa na magpakasaya muna bilang mag-asawa bago iplano ang pagkakaroon ng sariling anak.

Lumipas ang mga araw, buwan at taon, napagdesisyunan din nilang magkaroon na ng sariling anak, subalit kahit anong subok nila ay hindi pa rin sila nabibiyayaan. Napakarami na nilang sinubukang pamamaraan, ngunit kahit isa ay walang gumana.

“Honey, subukan kaya natin iyong mga sinasabi ng kaibigan natin na mga herbal medicine, baka sakaling gumana at magkababy na tayo,” saad ni Alex.

“Sige. Itatanong ko sa kanila yung gamot na kanilang sinasabi. Okay din siguro kung mag pa-pray over tayo sa mga madre at magpahilot, lahat subukan na natin para lamang magkaroon na tayo ng anak,” tugon naman ni Jenny.

Isa-isa nilang sinubukan ang lahat ng iminungkahi ng mga kakilala at kaibigan. Naranasan nilang gumamit ng mga halamang gamot, dumaan sa mga magagaling daw na manghihilot at nagpadasal sa mga madre, ngunit wala kahit isa rito ang gumana upang magbuntis ang babae.

Hanggang isang araw ay naisipan nilang bumisita sa isang doktor upang kumonsulta. Lumabas naman sa resulta ng mga pagsusuri na normal naman ang bilang ng mga semilya ng lalaki. Kaya’t niresetahan si Jenny ng mga tabletas na makakatulong upang siya’y magbuntis.

Isang araw habang nasa mall ay nakasalubong nila ang isang kaibigan. Nakita nilang may dalawang maliit na anak na ito at masayang naglalaro sa mall. Agad naman sila nitong binati at kinumusta.

“Alex, Jen! Nandito pala kayo?” nakangiting bati ng kanilang kaibigang babae.

“Ah oo, manonood kasi kami ng sine,” nakangiting tugon naman ni Jenny.

“Kumusta naman kayo? May baby na ba kayo? Nakakadalawa na kami ni Oscar, pero ‘di pa rin kayo bumubuo. Hindi naman na kayo bumabata kaya habang fresh pa, magparami na kaagad!” biro pa ng babae sa kanila.

“Darating din tayo doon. Sa ngayon ay mag eenjoy muna kami ni Alex sa buhay mag-asawa. Pag ready na kami at saka siguro namin paplanuhin na lang ang pagkakaroon ng baby,” pagsisinungaling naman ni Jenny.

Ngumiti lamang ang mag-asawa at saka nagpaalam sa kaibigan. Ipakita man nilang masaya sila sa harap ng ibang tao, ngunit sa puso nila ay alam nilang labis ang lungkot na kanilang nadarama dahil wala pa rin sila anak. Matinding presyur na rin ang kanilang natatanggap mula sa kanilang magulang at ilang kamag-anak.

Dahil hindi pa rin umeepekto ang mga gamot na iniinom ng babae ay naisipan na lamang nilang humanap at kumonsulta sa ibang doktor. Baka sakaling sa pagkakataong ito ay umubra na at mabiyayaan sila ng sanggol.

“I would suggest na gawin na lamang po natin ang artificial insemination. Dito ay i-inject po natin ang semilya ng asawa ninyo sa inyong ari o matres upang magdalang tao po kayo,” paliwanag ng doktor.

“Malaki po ba ang chances na magbuntis na ang asawa ko, doc?” tanong naman ni Alex.

“Kung susubukan po natin ay maaaring 60% ang chance na magdalang tao na ang inyong misis. Kaya’t makabubuti kung susubukan po natin,” paliwanag muli ng doktor.

Gumastos sila ng halos isang daang libo sa ilang beses na sinubukan nilang gawin ang artificial insemination, subalit nauubos lamang ang kanilang pera, pero wala pa ring resulta sa kanilang ginagawang ito.

Muli silang bumalik sa doktor para sa isang masinsinang pagsusuri. Doon sa resulta ay nalaman nilang ang babae pala ang may diperensya. Kaya hindi sila magkaanak-anak ay dahil may problema sa kanyang obidukto.

“May problem po si misis sa kanyang fallopian tube. Barado po ito, kaya nahihirapan kayong magkaanak,” saad ng doktor.

“Eh doc, paano naman po kami niyan magkakaanak? Gayong may problema naman po pala ako. May pag-asa pa po ba na mabiyayaan pa kami ng anak?” nag-aalalang tanong ni Jenny.

“Ipagtatapat ko na sa inyo misis, mahihirapan na talaga kayong magkaanak. Pero may paraan naman po upang matulungan kayo sa inyong problema. Maaaring dumaan sa operasyon si misis upang matanggal ang bara sa kanyang fallopian tube,” mungkahi naman ng doktor.

“Sige po doc, gawin po natin ang lahat para lamang magkaroon na kami ng anak,” seryosong tugon naman ng babae.

Ibinenta ng mag-asawa ang kanilang sariling sasakyan at ilang mamahaling gamit upang makalikom ng sapat na halaga para sa gagawing operasyon. Lahat ay gagawin na nila upang magkaroon lamang ng sariling anak.

Sumailalim sa maselang operasyon ang babae. Masayang ibinalita naman ng doktor sa mag-asawa na naging matagumpay ang naging operasyon. Konting panahon lamang ang kanilang iintayin at maaari na nilang subukang muli ang magkaroon ng anak.

Lumipas pa ang mga buwan, at kanilang sinubukang muli ang pagkakaroon ng anak. Sa pagkakataong ito ay naging matagumpay sila. Labis na tuwa ang kanilang nadarama dahil kaytagal na panahon din nilang inintay ang pagkakataong ito.

Labis na pag-iingat ang ginawa ng mag-asawa dahil naging mahirap ang proseso bago sila nabiyayaan ng anak, ngunit kahit anong ingat nila, ay pag aksidente ang nangyari, hindi natin naiiwasan ang mga mapapait na naidudulot nito.

Aksidenteng nadulas ang babae sa banyo pagkatapos maligo noon. Nanginig ang buong katawan niya nang makita ang dugo na umaagos sa kanyang mga binti. Napasigaw na lamang siya ng malakas dahil sa sakit at takot na nadarama.

Nang madala sa ospital ay isang masamang balita ang sinabi sa kanila ng doktor, “I am very sorry, pero wala na ang baby ninyo. Nakunan po kayo misis,” malungkot na balita ng doktor.

Labis naman ang pagluha ni Jenny dahil hindi niya matanggap ang mabilis na pangyayari. Hindi niya maiwasan maitanong kung bakit kailangan mangyari pa ng ganitong klaseng mga bagay. Bakit nga ba patikim lamang ang buhay na ito?

Awang-awa si Alex sa sinapit ng kanyang magiging anak dapat, pero mas lalo siyang naawa sa kanyang asawa. Minsan ay nakikita na lamang niya itong umiiyak sa isang sulok at walang imik. Napakasakit para sa kanya na makitang ganoon ang sitwasyon ng mahal na asawa.

Naisipan nilang mag-ampon na lamang, subalit tumutol naman ang kanilang mga pamilya. Hindi na nila alam kung anong gagawin pa upang masolusyonan ang problemang pinagdadaanan.

Dumating na rin siya sa puntong inaaway na siya ng kanyang asawa, “siguro nambababae ka na ‘no? Siguro ay may iba ka na kasi hindi kita mabigyan ng anak. Napakawala kong kwentang babae. Hindi man lang kita mabigyan ng anak,” lumuluhang saad ni Jenny.

Dumating sila sa puntong muntikan na silang magkahiwalay dahil sa madalas na awayan, pero ipinaglaban pa rin ni Alex ang pagmamahal niya sa kanyang asawa. Mas ipinakita ang kanyang lubos pagmamahal kahit na anong pagsubok pa ang pinagdaraanan nila.

Isang araw ay naimbitahan sila sa isang gawain ng pagtulong. Doon nila nakilala si Pastor Vic. Nilapitan nila ito at nakiusap na ipagdasal ang kanilang pagsasama. Taimtim naman silang ipinagdasal ng pastor. Matapos nito ay kinausap sila nito.

“Maging matatag lamang kayo at hindi kayo bibiguin ng Diyos,” saad ng pastor.

“Lahat po kasi nasubukan na namin. Nagpadasal na nga rin po kami sa mga madre, pero wala pong tagumpay sa mga paraan na sinubukan namin,” pagpapaliwanag naman ni Alex.

“Nasubukan na pala ninyo ang magpadasal na din sa iba, pero matanong ko lamang sa inyo, kayo ba ay lumapit na mismo sa Diyos upang personal na hingiin sa kanya ang biyaya ng pagkakaroon ng sariling anak?” tanong ng pastor.

Napaisip naman saglit ang mag-asawa. Lahat ay nasubukan na nila subalit hindi ang magdasal ng taimtim upang hingiin sa Diyos ang tsansa na magkaroon ng sarili anak. Hindi sila nakahingi ng patnubay sa Panginoon sa bawat plano nilang ginagawa.

“H-hindi pa po,” nahihiyang tugon naman ng lalaki.

Ngumiti lamang ang pastor at muli silang inimbitahan na magdasal ng sabay-sabay. Napaluha naman sila ng maramdaman ang umiikot na presensyang nadarama ng kanilang kaluluwa. Hindi nila maipaliwanag, ngunit sa pagkakataong ito ay bumubuhos na ang kanilang mga luha.

“Magdasal kayo araw-araw at gabi-gabi sa Diyos. Inyong matatanggap ang Kanyang milagro. Ipinagdarasal ko na magbukas ang iyong bahay bata at mabiyayaan kayo ng malusog na supling,” wika ng pastor.

Sinunod naman ng mag-asawa ang bilin ng pastor. Sa pag gising sa umaga hanggang sa pagpikit nila ng mata ay taimtim silang nagdarasal. Sa Diyos sila kumapit at saka nanampalataya na isang araw ay bibiyayaan din sila ng sariling anak.

Taong 2018, sampung taon matapos silang ikasal ay isang magandang balita naman ang dumating sa kanila. Sumubok ng pregnancy test si Jenny at nalamang nagdadalang tao na siya.

Napalundag naman sa saya si Alex sa magandang balita. Bumalik sila sa doktor at nakangiting ipinarinig sa kanila ang pagtibok ng puso ng sanggol na dala ng babae sa kanyang sinapupunan. Mas lalo pa nilang tinatagan ang kanilang pagsasama dahil sa isang milagrong natanggap nila.

Lumipas ang siyam buwan at naisilang ni Jenny ang isang malusog na lalaking sanggol. Dininig ng Diyos ang kanilang ginawang panalangin at ngayo’y mamumuhay na sila bilang isang ganap na pamilya, na mayroon ama, ina, at anak.

Ngayong nalalapit na ang ika-unang kaarawan ng kanilang anak ay napatunayan nilang wala talagang imposible sa Diyos at tunay ngang makapangyarihan ang taimtim na pagdarasal.

Naririnig ng Diyos ang bawat hinaing natin at gumagawa siya ng paraan upang matugunan tayo. Kaya sa gitna ng ating mga pagdurusa, kumapit lamang tayo ng mahigpit sa ating pananampalataya.

More Stories