Isang Maitim na Lihim Pala ang Itinatago ng Misis Kung Kaya Hindi Sila Magkaanak Mag-asawa Kahit Magpatingin Sila sa Doktor
Bago pa lamang na magkasintahan sina Evelyn at ang kanyang nobyo, sa katunayan ay kase-celebrate lamang nila ng kanilang unang monthsary noong isang araw. Nakilala niya ang lalaki sa opisina at saglit lamang siyang niligawan nito. Dahil gwapo ay sinagot niya ito agad at ibinigay niya na rito ang kanyang sarili matapos lamang ang isang linggo. Ngayon ay napakalaki ng problema niya, delayed kasi ang regla niya.
Agad niyang inutusan ang nobyo na bumili ng pregnancy test kit sa botika at tumalima naman ang lalaki, bagamat mahahalatang hindi na maganda ang hilatsa ng mukha nito. Tatlo ang ipinabili niya para sigurado, at iisa lang ang resulta ng mga iyon- positive.
“Hindi, hindi pwede.” di makapaniwalang sabi niya. Masisira ang mga plano niya! Balak niya pa namang mag cliff diving sa Palawan sa isang buwan, pagkatapos noon ay may tour pa sila sa Thailand ng kanyang nobyo. Walang matutupad sa mga pangarap niya kung buntis siya.
“Sigurado ka ba? Relax ka lang babe,may paraan pa dyan.” makahulugang sabi ng lalaki. Napatingin naman si Evelyn sa nobyo at tila alam na niya ang sinasabi ng mga mata nito, ipalaglag ang bata.
Pero sa halip na tumutol ay sumagot siya, “May alam ka ba?”
Napagkasunduan na lang na sa Linggo ipapalaglag ang bata, habang maaga ay mas maganda. Pagsapit ng araw na iyon ay sinundo siya ng nobyo sa kanyang apartment at sumakay sila ng jeep patungo sa bahay ng doktor na magsasagawa sa kanya ng operasyon.
Medyo natulala pa si Evelyn nang makita ang karatulang nakadisenyo sa jeep, may nakasulat roon na: God will always provide.
Para bang sinasabihan siya na anu man ang kaharapin niya kung bubuhayin niya ang sanggol ay di naman siya pababayaan ng Diyos. Ah, baka nakukunsensya lamang siya. Ibinaling ni Evelyn sa iba ang kanyang isipan pero bigla namang tumunog ang radyo ng jeep, isang theme song mula sa lumang teleserye;
Masdan kami anghel na ligawWala sa langit kahit anong gawin di makita parin Pag ibig lamang ang aming hiling Bakit pinagdamot mga bagay na nanaisin Kaya nangangarap na lamang ng gising Na sana’y marating Mga munting pangarap namin ay Maging abot kamay
Siguro ay 2005 pa ang kantang iyan, nauuso ba ulit para patugtugin sa radyo?
Hindi pa tapos na mag isip si Evelyn nang biglang tumigil ang jeep at nagsalita ang nobyo niya, “Nandito na tayo babe.”
Inalalayan siya nitong makababa sa sasakyan at nagdire-diretso na sila sa lumang building. Pagpasok niya ay sinalubong sila ng matandang babae na kahit hindi magtanong ay tila alam na ang pakay nila. Pagdating nila sa isang lumang kwarto ay naroon ang isang may edad na lalaking may takip ang mukha, sinenyasan siya nitong humiga sa lumang kama na galing sa isang ospital.
Kinakalawang na ang gilid noon at lumalangitngit tuwing gagalaw siya. Maya maya pa ay may itinurok sa kanya ang lalaki dahilan upang humilab nang pagkasakit sakit ang tyan niya.
Pagkatapos noon ay tumulo sa hita niya ang walang humpay na dugo, may ginalaw ang lalaki gamit ang forceps nito, maya maya pa ay nagsalita ito,”Tapos na.”
Nanghihina pa si Evelyn kaya nanatili na muna siya sa lugar na iyon, di nya namalayang nakatulog na pala siya.
Makalipas ang limang taon ay kasal na si Evelyn, pero hindi sa kanyang dating nobyo, naghiwalay rin kasi sila ng lalaking iyon matapos ang isang buwan. Ang mister nya ay isang mabait na negosyante, nakilala niya ito minsang nagpunta siya sa Baguio.
“Babe ano?” excited na sabi nito sa labas ng pinto ng banyo.
“Negative,” malungkot na sabi niya.
Hindi maiwasang mapaluha ni Evelyn, ilang taon na rin kasi silang nagsasama ay di talaga sila makabuo. Wala namang diperensya sa mister niya, healthy ito pero siya ay hindi, hindi maipaliwanag ng OB Gyne ni Evelyn pero tila may damage ang kanyang fallopian tube, ito ang dinadaluyan ng sperm cell ng lalaki upang makatagpo ang egg cell ng babae at makabuo ng bata.
Pero si Evelyn, alam niya ang dahilan- ang pagpapalaglag niya noon. Kahit anong gamot at exercise ang ipagawa nito sa kanila ay di talaga tumatalab. Di tuloy maiwasang isipin ni Evelyn na ito na ang karma niya sa kasalanang ginawa noon, kung kailan gusto na niyang magkaanak ay ayaw nang ibigay sa kanya.
“Anak, nasaan ka man, patawarin mo sana ako. Diyos ko, bigyan nyo pa ho sana ako ng pagkakataon.” paulit ulit na dasal ni Evelyn.
Iyon na lamang kasi ang tanging magagawa niya sa ngayon, humiling sa Diyos na muli siyang pagkatiwalaan sa isa sa mga anghel nito. Sana ay pakinggan siya, sa tamang panahon.
Sana ay nakinig na siya at inisip niya ang mga sign na ipinakita ng Diyos noon, edi sana, hindi siya ganitong ka-miserable ngayon.