Inday TrendingInday Trending
Napaiyak ang Lalaki nang Matikman ang Nilutong Ulam ng Nobya; Nanariwa Pala Dito ang Masakit na Nakaraan

Napaiyak ang Lalaki nang Matikman ang Nilutong Ulam ng Nobya; Nanariwa Pala Dito ang Masakit na Nakaraan

Ilang beses nang sumusulyap si Aljur sa suot niyang relo, kanina pa siyang alas siyete naghihintay sa tapat ng building na pinapasukan ng nobya niyang si Jade. Sinulyapan niya ang orasan, 8:30 na. Sa halip na galit ay pag-aalala ang una niyang naramdaman, bakit ni hindi man lang ito nagtext sa kanya kung may pupuntahan man? Posible kayang nalimutan siya ng babae?

Habang naghihintay siya ay may batang kumalabit sa kanya, gulat pa siyang napatingin rito habang nakasandal siya sa kotse. Hindi naman mukhang kawatan ang bata, may bitbit pa nga itong mga sampaguita. Naalala niya tuloy ang kanyang ina.

“Kuya, sampung piso lang po.” sabi ng bata.

Sa awa ni Aljur ay inabutan niya ito ng 100 pesos pero isang sampaguita lamang ang kanyang kinuha, napangiti rin siya nang todo pasasalamat ang bata. Siguro, kung buhay pa ang nanay niya ay mapapangiti rin ito kung uuwian niya ng sampaguita, lagi niyang ginagawa iyon noon bago ito pumanaw sa sakit na breast cancer, miss na miss niya na ang nanay niya pati ang pag-aasikaso nito at pagluluto. Isinasabit pa nga noon ng ale ang mga uwi niyang sampaguita sa Sto.Nino nito, sayang, hindi na naabutan nito si Jade.

Sabi niya pa nga pagkamatay ng nanay niya, paano nalang siya? Balak niya pa naman ay magmahal ng isang babaeng pasado sa nanay niya, paano niya malalaman kung boto ang ginang sa girlfriend niya kung patay na ito ngayon.

“Ling?” napapitlag si Aljur, kanina pa pala sa harap niya si Jade.

“Uy, andyan kana pala.” sabi niya na lang sa babae.

“Nagtatampo ka ba? Sorry hindi kasi pumasok ang kashift ko kaya napilitan akong mag-overtime. Nalowbat yung cellphone ko kaya hindi kita naitext, nakitext lang ako sa kasamahan ko nareceive mo ba?” sabi nito sa kanya.

Kinuha ni Aljur ang cellphone, kapapasok lang ng text ng babae kanina. “Ah, now ko lang nareceive.” sabi niya.

“Ay, hala hala nagtatampo ang darling ko,” sabi nito pinipisil-pisil pa ang pisngi niya.

Hindi naman talaga sya nagtatampo, pero pinanindigan niya na dahil nag eenjoy siya sa lambing ng babae. Hindi siya kumikibo at hinabaan niya lang ang nguso niya.

“Oh sige para hindi kana magtampo, pumunta ka sa bahay paglulutuan kita.” sabi nito. Napangiti naman si Aljur dahil iniisip niyang hindi naman marunong magluto ang nobya niya, sa kinis ng kamay nito ay halatang wala itong alam sa bahay pero sadyang mahal lang talaga siya kaya nag eeffort ng ganito.

“Ano iluluto mo, cup noodles o itlog?” pang-aasar nya.

“Aba, hinahamon mo ko ah, sige.” sabi ng babae. Sumakay na ito sa kotse niya at sinabihan siyang magmaneho na papunta sa apartment nito. Sumakay din naman siya pinipigil niya ang ngiti dahil na-challenge niya ang girlfriend.

Pag uwi sa apartment nito ay inaasahan niya na manonood ito sa internet ng mga video kung pano magluto, kaldereta kasi ang napili nito. Specialty pa ng nanay niya, baka ni hindi pa makakalahati ito sa sarap noon. Pero ayos lang dahil mahal niya pa rin ito.

Ganon nalang ang pagkagulat niya dahil alam pala nito pati ang tamang hiwa sa mga gulay. Inirapan pa nga siya nang subukan niyang tumulong. Ilang oras lang ay luto na ang putahe ng babae.

“Ayan, mmm tikman mo nga. Be honest ha.” sabi ni Jade habang iniaabot ang kutsarang may lamang sabaw sa bibig ng boyfriend. Ngumisi naman ang lalaki, naghahanda na sa masamang lasa.

Pagkasubo ni Jade sa kutsara ay nagulat pa siya dahil natulala si Aljur.

“Huy ano?” ano ba ang tinutulala nito? Masarap naman nang tikman nya kanina ha!

“Isa pa” sabi ng lalaki pero tulala pa rin. Sinunod niya naman ito, nagulat siya nang unti unting tumulo ang luha sa mata nito. May paminta ba siyang nailagay?

Hanggang sa humagulgol na ito.”Darling ano na ba ang nangyayari? Sabihin mo lang kung hindi masarap wag mo akong dramahan!” sabi niya at akmang ilalayo na ang tasa ng kaldereta sa ibabaw ng mesa pero niyakap siya ng lalaki ang higpit higpit pa.

Nalilito siya sa inaasal nito, “Sorry napaiyak ako,” sabi nito humihikbi pa.

“Magiging honest ka lang naman hindi mo na kailangan mag best actor dyan okay lang sakin kung di ka nasarapan.” sabi niya rito.

“Masarap, sobrang sarap. Kalasa ng luto ng nanay ko,”

Totoo iyon, kaya nga natulala si Aljur at napaiyak nalang bigla dahil na-miss niya bigla ang ina. Kaya rin nayakap niya ang nobya ng mahigpit dahil alam niya, tila ito isang sign na botong boto ang nanay niya sa kanyang girlfriend.

Maraming Salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement