Inday TrendingInday Trending
Nawala ng Ama ang Kaniyang Anak sa Paghahangad na Mapasaya Ito; Mahanap Niya Kaya Ito sa Pagtitinda ng Sorbetes sa Parke?

Nawala ng Ama ang Kaniyang Anak sa Paghahangad na Mapasaya Ito; Mahanap Niya Kaya Ito sa Pagtitinda ng Sorbetes sa Parke?

Pinasyal ni Hernan ang kaniyang anak na si Makoy sa parke upang ipagdiwang ang kaarawan nito. Hinayaan niya itong maglaro at magsaya sa palaruan doon kasama ng iba pang mga bata.

Nang mapagod na ito at nagpahinga ay mayroon itong nakitang sorbetero kaya naman nagpabili ito sa kaniya. Napatingin siya sa natitirang barya sa kaniyang bulsa at biglang namroblema.

“Kulang na kasi ‘tong pera natin anak, pero sige, titingnan ko kung magagawan ko ng paraan. Pupuntahan ko lang ‘yong sorbetero. Dito ka lang maglaro ah. ‘Wag kang lalayo at aalis,” bilin ni Hernan.

Pinuntahan ni Hernan ang sorbetero at pinakiusapan ito kung maari siyang pagbilhin nito ng naaayon sa natitira niyang barya kahit maliit lamang para sa kaarawan ng kaniyang anak. Nakita ng sorbetero ang paghahangad niya na mapasaya ang kaniyang anak. Dahil dito ay naantig ang puso nito sapagkat ama rin ito at naiintindihan nito ang sitwasyon ni Hernan kaya naman ibinigay na lang nito nang libre para sa bata.

Pinasalamatan ni Hernan ang sorbetero at bumalik sa palaruan upang iabot ang sorbetes sa kaniyang anak ngunit hindi niya na ito makita roon. Ipinagtanong niya ito sa mga batang kalaro nito ngunit walang nakapansin sa kaniyang anak. Biglang siyang nag-alala at hinanap ang kaniyang anak sa buong parke ngunit hindi niya ito makita.

Dahil dito ay humingi na siya ng tulong sa mga security ngunit wala rin silang naitulong sapagkat nagkataon na sira ang mga CCTV sa parke. Humingi rin siya ng tulong sa mga pulis ngunit matapos siyang hingan ng detalye at litrato ng kaniyang anak ay sinabihan siya na babalitaan na lamang nila kapag mayroon na silang nakuhang impormasyon.

Dahil sa pakiramdam ni Hernan na maaring hindi siya agad matutulungan ng mga awtoridad at dahil sa kaniyang pagsisisi na napabayaan niya ang kaniyang anak ay siya na lang mismo ang nagpabalik-balik sa parke upang hanapin at ipagtanong ang nawawala niyang anak.

Dahil dito ay napabayaan niya ang kaniyang trabaho kaya siya natanggal. Ngunit kahit na ganoon ay mapalad pa rin siya nang alukin siya ng trabaho ng kaniyang kumpare upang maging isa sa mga sorbetero sa negosyo nito. Pinayagan din siya nito na doon sa parke magtinda upang maisabay sa kaniyang trabaho ang paghahanap sa kaniyang anak.

Naging malaking tulong ito para kay Hernan at malaki rin ang pasasalamat niya rito.

Mula noon, kada ika-lima ng bawat buwan ay nanlilibre si Hernan ng sorbetes sa mga bata sa parke gamit ang naipon niyang pera. Ginawa niya ito sa pagbabaka sakaling mahahanap niya ang kaniyang anak sa paraang iyon.

Sa ilang buwan na paggawa niya nito ay may mga bata nang nakakakilala sa kaniya roon ngunit kahit na mag-iisang taon na ay hindi niya pa rin nahahanap ang kaniyang nawawalang anak.

Isang araw sa kaniyang pagtitinda sa parke ay mayroon siyang nakilalang batang kalye na nagngangalang Kiko. Binigyan niya ito ng limos na tinapay. Nakita niya ang paghati nito ng tinapay sa dalawa na tila ba may pagbibigyan pa itong ibang tao.

Nang mapansin niya na madalas din itong naroon sa parke at nanghihingi ng limos ay parati niya na itong binibigyan ng makakain hanggang sa nakapagkuwentuhan na rin sila. Doon niya nalaman na ulila na pala itong lubos at tanging nakababatang kapatid lamang nito na may sakit ang kasama nito sa kalye.

Kinaawaan niya ang mga ‘to at naisip ang kaniyang anak. Napa-isip siya sa kung ano na ang kalagayan nito, kung nakakakain ba ‘to, kung may maayos na natutuluyan at kung may tao kayang gaya niya ay nagmamagandang loob na tulungan ito. Dahil dito at dahil sa pangungulila niya sa kaniyang anak ay napagdesisyunan ni Hernan na magmagandang loob sa magkapatid.

Ilang linggo ang nakalipas at sumapit na ang kaarawan ng kaniyang anak. Isang taon na rin ang nakalipas nang sila ay nagkahiwalay. Gaya ng dati, sa tuwing ika-limang araw ng buwan ay nagpamigay uli siya ng sorbetes sa mga bata sa parke. Doon ay nakita niya uli si Kiko at binigyan ito ng libreng sorbetes.

Matapos abutin ng bata ang kaniyang ibinigay ay nagpasalamat ito. Hindi niya na nagawang kausapin uli ito sapagkat marami pang mga bata ang nakapila sa pinamimigay niyang sorbetes at dahil alam din niya na hahatiran pa nito ang kapatid nitong may sakit.

Ilang sandali ay muling bumalik si Kiko sa kaniya upang manghingi pa uli ng sorbetes.

“Manong, baka puwede pong humingi pa ng isa pang sorbetes bukod sa binigay niyo kanina? Kahit isa na lang po para uli sa kapatid ko. Ngayon daw po pala kasi ang birthday niya,” pakiusap ni Kiko.

“Magkabirthday pa pala sila ng anak ko. Sige, walang problema. Hayaan mong ako ang mag-abot sa kaniya ng sorbetes para mabati ko siya mismo at nang makilala ko na rin siya,” mungkahi ni Hernan.

“Sige po! Maraming salamat po talaga,” wika ni Kiko.

Nangiti si Herman ngunit bigla itong napaisip.

“Teka lang, hindi ba’t sabi mo’y kapatid mo siya? Bakit hindi mo alam na ngayon ang birthday niya?” tanong ni Hernan.

Doon na ikinuwento ni Kiko na hindi niya talaga ito tunay na kapatid. Nagkakilala lang umano sila sa grupong kumuha sa kanila noon. Sa pagtulong daw nito sa kaniya upang makatakas ay natapilok daw ito at muntik pang mapahamak. Kung hindi raw dahil dito ay hindi siya makakatakas sa grupo ng s*ndikato kaya mula noon ay tinuring niya na ito bilang nakababatang kapatid.

“Mabuti na nga lang po at ang balita namin ay nahuli na ‘yong grupong kumuha sa amin noon kaya nakakaikot-ikot na kami rito ngayon. Hindi po gaya ng dati na parati kaming nagtatago dahil baka mabalik lang uli kami sa kanila,” kwento pa ni Kiko.

Ikinagulat ni Hernan ang sinapit na iyon ng magkapatid. Bigla na naman niyang naisip ang kaniyang anak at tahimik na hiniling habang patuloy silang naglalakad na hindi sana ganoon ang dinanas ng kaniyang anak.

Pagkarating nila sa tinataguan ng dalawang bata ay naiyak si Hernan sa kaniyang nakita.

“M-Makoy? Anak?! Ikaw ba talaga ‘yan?” tanong ni Hernan.

Nagulat si Kiko sa sinabi niya habang si Makoy naman ay napatitig lamang sa kaniya at natagalan bago siya nakilala.

“T-tatay!” iyak ni Makoy.

Agad na nilapitan ni Hernan ang kaniyang anak at niyakap. Humingi siya ng kapatawaran dahil naging pabaya siya noon at natagalan ang paghahanap niya rito. Naiyak din siya sa magkakahalong emosyon ng galak, pangungulila, at galit sa dinanas ng kaniyang anak. ‘Di niya akalain na ang binabanggit na kapatid ni Kiko ay si Makoy pala.

Matapos ang pagtatagpong ‘yon ay agad na isinama pauwi ni Hernan sina Makoy at Kiko. Ipinagdiwang nila ang napakasayang araw na ‘yon bilang kaarawan ng kaniyang anak at muli nilang pagtatagpong mag-ama.

‘Di nagtagal ay kinupkop na rin ni Hernan si Makoy. Tinuring niya ito bilang tunay niyang anak at naging pamilya silang tatlo.

Advertisement