Matapos Makapag-aral ng Ilang Taon sa Mamahaling Unibersidad sa Maynila ay Malaki ang Pinagbago ng Dalagang Ito; Magugulat Siya Sa Kaniyang Matutuklasan Pagkauwi Niya sa Probinsiya
Sa pagbabalik probinsiya ni Gloria mula sa Maynila bilang isang bagong gradweyt ay nagpaka abala sa paghahanda ang kaniyang mga magulang na sina Berting at Gracia katulong ang kanilang mga kamag-anakan upang bigyan siya ng isang pagdiriwang. Labis ang kagalakan nila sapagkat nakapagtapos siya sa magandang unibersidad kaya naman para sa kaniya ay nagpakatay pa sila ng mga baboy at naghanda na para bang fiesta sa dami ng kanilang inihain.
Ilang sandali ay nakauwi na si Gloria sa kanilang tahanan kung saan hindi siya agad nakilala ng mga taga roon sapagkat ibang-iba na ang kaniyang postura kaysa sa huling kita nila noon sa kaniya.
“Gloria? Anak, ikaw na ba ‘yan? Aba’y ang laki ng ipinagbago ng itsura mo. Napakaganda mo anak. Kamusta ka na? Kamusta ang biyahe? Napagod ka ba? Halika umupo ka muna,” sambit ni Berting.
“Daddy, it’s Lorie. ‘Yun na po ang tawag sa akin sa Manila. Don’t call me Gloria, it’s so baduy. And yes, bukod po sa nakakapagod bumiyahe eh sobrang init pa rito sa lugar natin. Puwede po bang patapat ng dalawang electric fan sa akin? Dapat din po siguro eh magpa-aircon na rin tayo rito sa bahay, grabe talaga kasi ‘yung init ng panahon. Paano kayo nakakatagal sa ganito?” pahayag ni Gloria.
“Anak, ganito na ang kinalakihan namin. Sanay na kami sa ganito. Mahangin naman kaya mapresko na rin,” pag singit ni Gracia sa pag-uusap ng mag-ama.
Itinutok na lamang ni Berting ang dalawang bentilador kay Gloria bago kuhaan ng mga inihanda nilang pagkain at ialok ito sa kaniyang anak.
“Anak, kumain ka muna oh. Baka nagugutom ka na. Marami akong ipinahanda para sa pagdiriwang mo ngayong naka gradweyt ka na. At saka tignan mo ‘to oh. Dinamihan ko talaga ang kuha ko rito sa paborito mong nilupak dahil paniguradong na-miss mo ang luto nito rito. Marahil ay ibang-iba ‘to sa mga nabibili sa Maynila,” alok ni Berting.
“Naku, Daddy, hindi na po kasi ako kumakain niyan. Mayroon po ba tayong vegetable salad diyan? ‘Yun na po kasi ‘yung madalas na kinakain ko ngayon. Anyway, hayaan niyo na lang po akong mamili dun sa mga ipinaluto niyo,” sambit ni Gloria.
Ikinalungkot ni Berting ang naging tugon na ‘iyon ni Gloria habang napasimangot naman sa dismaya ang kaniyang ina. Kitang-kita nito ang laki ng ipinagbago niya. Mula sa kaniyang pananamit, pananalita, pagiging maarte at maselan sa pagkain. Ibang-iba na siya sa dating Gloria na nakasalamuha nila noon sa bukid.
Kinahapunan, sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap sa salo-salo ay natanong si Gloria ng kaniyang mga kamag-anakan kung saan na niya balak magtrabaho.
“Naku! Sa ganda ng tinapos niyang kurso mula sa kilalang unibersidad, mabilis ‘yang magkakatrabaho. Siguradong maraming kumpaniya ang magnanais na kuhain siya,” wika ng isa sa kaniyang mga tiyahin.
“Hindi naman po ‘yun ganun. At saka hindi muna po ako maghahanap ng trabaho. May plano na po kasi kami ng mga kaibigan ko na magbakasyon sa iba’t-ibang tourist destinations for a month,” tugon ni Gloria.
Ikinagulat ng lahat ang sinabing iyon ni Gloria. ‘Di nila inaasahan ang plano niyang iyon pero hinayaan na lamang siya ng mga ‘to.
Nang matapos ang salo-salo ay kinausap ni Gloria ang kaniyang mga magulang tungkol sa bakasyon na nabanggit niya. Hiniling niya na matustusan siya ng mga ‘to para sa mga gastusin sa kanilang lakad.
Agad itong tinanggihan ng kaniyang ina sapagkat malaking halaga ang hinihingi niya ngunit pinagbigyan siya ng kaniyang ama. Gagawa umano ito ng paraan upang siya ay makasama roon at hindi mapahiya sa kaniyang mga kaibigan.
Labis ang pasasalamat ni Gloria sa kaniyang ama dahil dun habang nangangamba naman ang kaniyang ina kung saan na naman sila kukuha ng pera para rito.
Kinabukasan, naglakad-lakad si Gloria sa kanilang lupain. Napansin niyang may parte roon na mayroon ng bakod na kaniyang pinagtaka. Nasalubong niya rin ang kaniyang kababata na si Kaloy na sinusundo ang kanilang kalabaw.
“Uy! Kaloy, hiniram ba uli ng Tatang mo ‘yang kalabaw namin?” tanong ni Gloria.
“Wala ka talagang alam eh noh?” wika ni Kaloy.
Natahimik sa pagtataka si Gloria kaya naman nagsalita na lang si Kaloy, “Marami ng sinanla si Manong Berting na mga alaga at lupain niyo para sa pag-aaral mo sa Maynila. Akala nga namin matitigil na siya sa pagsasanla nung naka gradweyt ka na eh. Pero nagulat kami nung bigla niyang kinausap si Tatang kagabi para isanla ‘tong kalabaw niyo. Kailangan mo raw kasi.”
Biglang napaisip si Gloria at napagtanto niya na ginawa iyon ng kaniyang ama para sa isang buwang bakasyon na nais niya kasama ang kaniyang mga kaibigan.
Agad niyang pinuntahan ang kaniyang ama upang kausapin tungkol dito. Sa pag-uusap nilang iyon ay nakumpirma na marami na nga silang mga ari-arian na nakasanla. Napaamin niya rin ito na ang ilan sa kanilang mga lupain ay maaring mawala sa kaniya kapag hindi sila nakapagbayad sa tamang panahon.
Dahil sa pag-uusap nilang ito ay nakonsensiya si Gloria. Hindi niya naisip noon kung anong paraan ang ginawa ng kaniyang mga magulang para lang mapa aral siya sa mamahaling unibersidad at kung paano pa nila nagagawang magpadala ng pera para sa panggastos niya gayung alam niya na man na hindi ganun kalaki ang kitaan sa bukid. Masyado siyang nadala sa mga kaklase niya at sa pamumuhay ng mga taga Maynila na nalimutan niya kung hanggang saan lang ang kaya nilang ilabas na pera.
Natauhan si Gloria na marami na ang mga ginawang sakripisyo ng kaniyang mga magulang kaya pinagsisihan niya ang mga panahon na winawaldas niya ang perang pinapadala nila sa mga walang kabuluhang mga luho at parties na pinupuntahan niya. Humingi siya ng kapatawaran sa kaniyang ama at nangako siyang tutulong siya upang mabawi ang kanilang mga ari-arian.
Pagkabalik niyang Maynila ay agad siyang naghanap ng trabaho at hindi na siya sumama sa bakasyon nilang magkakaibigan.
‘Di nagtagal ay nakapasok siya sa isang magandang kumpaniya kung saan malaki ang naitulong ng pagtatrabaho niya rito upang unti-unting maisalba ang kanilang mga ari-arian.