Inday TrendingInday Trending
Sa Paghahanap ng mga Nawawalang Alahas ay Mas Mahalagang Yaman ang Kanilang Matatagpuan; Ano Kaya Ito Para Ikagulat Nilang Lahat?

Sa Paghahanap ng mga Nawawalang Alahas ay Mas Mahalagang Yaman ang Kanilang Matatagpuan; Ano Kaya Ito Para Ikagulat Nilang Lahat?

Huminto sa pag-aaral si Alicia at naghanap ng mapapasukang trabaho upang matustusan at mapagamot ang kaniyang Lola na kumupkop sa kaniya nang mawala ang kaniyang ina.

Nang makapasok siya sa malaking mansyon bilang isang kasambahay ay malaki ang kaniyang pasasalamat lalo na’t mas maayos ang kalagayan niya kaysa sa ibang mga kakilala niyang kasambahay. Mabilis niya ring nakasundo ang kanilang biyudong amo na si Sir Anton kung saan nagawa niyang maikuwento ang pagiging ulila niya sa mga magulang. Nabanggit niya rito na hindi niya na umano nakilala pa ang kaniyang ama at ang kaniyang ina naman ay maagang namayapa nang dahil sa sakit.

Dahil dito at dahil sa pagiging likas niyang mabuti ay kinagiliwan siya ni Sir Anton. Madalas ay siya na ang pinapatawag nito imbes na si Rhona na dating nagsisilbi rito at matagal na nilang kasambahay sa mansyon.

Hindi ito nagustuhan ni Rhona kaya naman pinag-initan nito si Alicia. Pakiramdam nito’y sinasapawan siya ng baguhang kasambahay at kinaiinggitan din nito ang mga pabor na nakukuha niya mula sa kanilang amo kaya naman gumawa ito ng paraan upang sirain ang dalaga.

Kinabukasan ay biglang pinatawag ng ina ni Sir Anton si Alicia upang makausap.

“Alam mo bang sa tinagal-tagal ng mga kasamahan mong kasambahay dito ay ngayon lang ako nawalan ng mga alahas? Ngayon lang kung kailan may bago kaming kasambahay, which is you. Ikaw na may matinding pangangailangan para sa Lola mo, hindi ba? Puwes, bibigyan kita ng pagkakataon para umamin. Ikaw ba ang kumuha ng mga alahas ko?” ani Donya Criselda na ina ni Sir Anton.

“Po?! Wala po akong kinukuhang kahit na ano,” tanggi ni Alicia.

“Mama! Sigurado akong hindi ‘yun magagawa ng batang ‘yan,” sambit ni Sir Anton.

“Well, let’s find out! Let’s check her things!” giit ni Donya Criselda.

Nagpunta sila sa silid ng mga kasambahay at pinahalughog ng Donya ang mga kagamitan ni Alicia. Laking gulat nila nang matagpuan ang iba’t-ibang mga alahas sa bagahe ng dalaga.

“Paano napunta ang mga ‘yan sa gamit ko? Hindi po ako ang kumuha ng mga ‘yan! Wala po akong alam diyan!” wika ni Alicia.

“Nagdedeny ka pa, eh nandiyan na nga sa harapan naming lahat ang ebidensiya,” sambit ni Rhona.

“Mayroon pa po ditong isang nakahiwalay,” saad ng guwardiya nila.

“Teka lang po! ‘Yang kuwintas na ‘yan, akin po talaga ‘yan,” wika ni Alicia.

“Talaga palang malikot ‘yang kamay mo! Paano naman magiging sa’yo ‘yan eh mukha ‘yang mamahalin,” panggatong ni Rhona sa sitwasyon.

Nanlaki ang mga mata ni Sir Anton nang makita ang kuwintas.

“Teka! Patingin nga ako niyan nang maigi. Pamilyar sa akin ‘tong kuwintas na ‘to. Saan mo nakuha ‘to? Paano napunta sa’yo ‘to?” pag-uusisa ni Sir Anton.

“Sa akin po ‘yan. Binigay po ‘yan ng Nanay ko sa akin nung nabubuhay pa siya. ‘Yan na lang po ang naiwan niyang alaala sa akin,” sagot ni Alicia.

Nagulat si Sir Anton sa sinabing iyon ni Alicia kaya naman sinubukan niyang buksan ang palawit ng kwintas. Nagulat ang lahat nang bumukas ito, lalo na ang dalaga na hindi alam nabubuksan pala ito.

Doon ay nakita nina Alicia at Sir Anton ang litrato ng dalawang magkasintahan. Litrato ito ni Sir Anton at ina ng dalaga.

“Si Priscilla ba ang nanay mo?” maluha-luhang tanong ni Sir Anton

“O-opo…paano niyo po nalaman ang pangalan ng nanay ko? At saka, bakit parang kamukha niyo po ‘yung kasama niya diyan?” naguguluhang tanong ni Alicia.

Biglang tumulo ang luha sa mga mata ni Sir Anton at niyakap si Alicia na ikinagulat ng lahat.

“Anak! Matagal kitang hinanap. Sa wakas nagkita na tayo!” saad ni Sir Anton.

Napaatras si Alicia sa sinabing iyon ni Sir Anton. Hindi siya makapaniwala rito kaya naman ipinaalam nito kung ano ang nangyari bakit hindi sila nagkasama-sama noon ng kaniyang ina. Isinalaysay nito na pilit umano silang pinaghiwalay ni Donya Criselda noon upang ipakasal sa babaeng mula sa prominenteng pamilya. Huli na raw nang malaman nito na nagdadalantao pala ang ina niya bago sila magkahiwalay. Ginawa raw niya ang lahat upang mahanap sila ngunit nabigo lamang ito. Dahil dito at dahil si Priscilla pa rin daw ang nasa puso ng kaniyang ama ay hindi raw naging maayos ang pagsasama nila hanggang sa huling hininga ng namayapa niyang asawa.

“Patawarin mo ako, anak. Hindi ko nagawang ipagtanggol at panindigan ang nanay mo kay Mama. Kung nagawa ko sana ‘yun noon ay hindi siguro kayo nahirapan sa buhay at naranasan mo sanang magkaroon ng buong pamilya,” saad ni Sir Anton.

Humingi rin ng kapatawaran si Donya Criselda sa mag-ama dahil sa pangingialam niya sa buhay nila noon. Kundi dahil sa ginawa niya ay naging masaya sana ang buhay ng kaniyang anak at hindi sana sila nagkahiwalay na mag-ama.

Naiyak na lang si Alicia sa mga nangyari lalo na sa pagkakabunyag ng relasyon nila ni Sir Anton at Donya Criselda. ‘Di niya kasi inaasahan na magtatagpo pa sila ng amang matagal niya ng ninanais na makita at makilala.

Sa kabilang banda, si Rhona ay gulat na gulat pa rin sa nangyari. ‘Di niya akalaing maling tao ang binangga at pinag-initan niya.

Bandang huli ay nalantad din na si Rhona ang may pakana ng pagkawala ng mga alahas ni Donya Criselda upang idiin si Alicia matapos magsalita ng dalawa pa nilang kasambahay na nakita ang ginawa niya.

Dahil dito ay agad na tinanggal sa trabaho si Rhona. Habang si Alicia naman ay kinilala ng lahat ng kasambahay sa mansyon bilang bago nilang amo na parte ng pamilyang pinagsisilbihan nila.

Mula noon ay ibinigay nina Sir Anton at Donya Criselda ang lahat ng pangangailangan niya. Pinag-aral siya ng mga ito sa maganda at kilalang unibersidad. Pinagamot din nila at pinatira sa kanilang mansyon ang Lola ni Alicia na nag-alaga sa kaniya noong bata pa siya. Naging maayos na rin ang buhay ng dalaga sa pagmamahal na ipinapamalas ng kaniyang ama at mga lola.

Advertisement