Hindi Matanggap ng Milyonaryong Pamilya ng Babae ang Lalake Dahil Janitor Lamang daw Ito; Umurong ang Mga Dila Nila Nang Manalo Ito sa Lotto
“Ano ba naman ‘yan, Princess? Hindi ka namin pinag-aral sa Amerika para lamang makipagnobyo diyan kay Jim. Bakit ba sa dinamirami ng nanliligaw sa iyo ay si Jim pa ang nagustuhan mo?” Wika ni Don Mario sa kaisa-isang anak na babae.
“Hindi ho basta-basta lamang si Jim, Papa. May dignidad siya, maaasahan, maginoo, may prinsipyo sa buhay. Hindi naman ho por que iyan ang trabaho niya ngayon eh wala na siyang mararating. Nagkataon lamang na sa edad niyang 25 ay nag-aaral pa rin siya. Hindi naman ho panghabangbuhay ang pagiging janitor niya. Kung hindi sana nagkasakit ang tatay nya, maayos naman ang buhay niya.” Pagtatanggol ni Princess sa nobyo.
Hindi naman nagustuhan ng ama at ina ang narinig.
“Talagang humaling na humaling ka na sa lalakeng iyan! Ikaw lamang ang kaisa-isa kong anak na babae tapos ay pumatol ka pa sa mababang uri! Ano na lamang ang sasabihin ng mga kaibigan namin ng papa mo? Hindi mo ba nakikita ang mga kapatid mo? Mga kapwa milyornarya ang mga asawa! Ang gaganda na ng buhay nila! Mukhang desidido ka nang lumihis ng landas! Sa oras na malaman kong hindi ka pa nakikipag-kalas sa lalakeng iyan ay magkalimutan na tayo!” Gatong ng kaniyang inang si Donya Mirasol.
Hindi naman nagpatinag si Princess at tuloy pa rin ang pakikipag-relasyon kay Jim. Sa katunaya’y sinusundo pa niya ito sa mall na pinagtratrabahuhan nito gabi-gabi. Palibhasa’y halos pareho lang din naman ang kanilang iskedyul. Ganoong oras din nagsasara ang pabrika ng mga laruan na pinamamahalaan ni Princess. Pag-aari ito ng kaniyang mga magulang.
“Papa! Nakita ko si Princess sa mall. Magkahawak pa sila ng kamay noong janitor. Nakikipag-kuwentuhan pa kamo doon sa mga kapwa janitor ng nobyo niyang mukhang butiki!” Sumbong ng panganay na kapatid ni Princess.
“Bukas na bukas din ay huwag ninyong papapasukin si Princess sa pabrika. I-cancel ninyo ang lahat ng credit cards at ipasarado ninyo ang lahat ng bank accounts niya!” Agad na tinawagan ng ama ang kaniyang sekretarya.
“Mario, baka naman nabibigla ka lamang. Kawawa naman si Princess. Hindi sanay ang anak natin sa ganyang buhay.” Saad ng ina.
“Mama, huwag ka nang tumutol! Malamang ‘yan ay ginagatasan pa ng lalakeng ‘yon si ate!” Saad ng bunsong si Marco.
Lingid sa kaalaman ng lahat ay walang ginagastos ni piso si Princess tuwing kasama niya si Jim. Palibhasa’y magaling itong Math tutor kaya’t marami din itong kinita sa pagraraket lalo pa’t mga kapwa estudyante ang kanyang tinuturuan.
Mahusay si Jim sa mga numero. Palaging ikinukuwento ng kaniyang inang si Aling Badeth kay Princess na noong ito ay baby pa lang ay humahagikgik ito tuwing nakakakita ng kalendaryo. Valedictorian ito noong nagtapos ng elementarya at hayskul.
Kung hindi lamang sila nabaon sa utang nang magkaroon ng malubhang sakit ang ama’y magiging masagana pa rin sana ang kanilang buhay.
“Honey, dahil sa ‘yo eh inspiradong-inspirado ako. Pinatawag ako ng aming adviser. Lahat ng major subjects ko ay uno. Dean’s lister ako!” Masayang saad ni Jim nang sunduin ng kasintahan.
“Hon, hindi ako ang dahilan ng tagumpay mo! Lahat naman ng major subjects mo ay Math kaya’t madali lang iyan sa iyo. Pero lalo naman akong na in love sa ‘yo. Bukod sa mabait ka na, guwapo at matalino pa.” Nakangiting tugon ni Princess.
“Halika, ililibre kita ng mamahaling dinner. Tutal ay sahod ngayon at nakabenta din si nanay ng lupang pagmamay-ari ng kaniyang kumare sa Laguna. Sabi niya’y huwag na daw akong magbigay ng pambili ng ulam at pambayad ng kuryente ng dalawang buwan. Mag-celebrate naman tayo, honey. At bibilhan kita ng kuwintas na silver.” Tila hindi maipinta ang galak sa mga labi ng binata.
Agad namang tumungo si Princess sa ATM machine sa loob ng mall.
“Ako naman ang taya, honey! Ikaw itong mataas ang grado, ikaw pa ang manlilibre. Isa pa’y ngayon lamang kita ililibre. Bawal kang tumanggi!” Kinikilig pang saad ng dalaga.
Tila nawala ang ngiti nito sa mga labi nang isa-isa niyang ipinasok sa machine ang card ngunit tila wala nang laman ang mga ito.
“Hon, kilala ko si papa! Sigurado akong siya ang may pakana ng lahat ng ito.” Lumuluhang saad ng dalaga.
“Huwag kang mag-alala! Ako’ng bahala sa ‘yo.” Wika ni Jim.
Nang mga sumunod na araw ay nagtataka ang mga magulang at kapatid ni Princess. Hindi man lamang sila sinita nito. Hindi man lamang din daw ito nagpumilit makapasok ng pabrika.
“Ano? Hindi mo pa rin ba kakalasan ‘yang pobre mong syota?” Sita ng kanyang ama.
“Hinding-hindi niyo po kami mapaghihiwalay, papa! Kahit palayasin niyo pa ako!” Mariing tugon ng dalaga.
“Ah ganon!? Sige! Lumayas ka! Pero wala kang ibang dadalhing mga materyal na bagay kung hindi ang mga binili mo lamang gamit ang sarili mong pera! Layas!”
Akmang pipigilan pa ni Donya Marisol ang mister ngunit tinabig pa nito ang kaniyang kamay.
Umalis si Princess sa kanilang bahay na nakapambahay. Kahit ang cellphone nito ay iniwan niya.
Nagulat ang mag-inang sila Jim at Aling Badeth nang makita ang lumuluhang si Princess sa labas ng kanilang bahay.
“Honey, ano’ng nangyari!?” Agad niyakap ng kasintahan ang binata.
“Iuuwi kita sa inyo, Princess. Hindi pa kayo kasal ni Jim. Hindi kayo puwedeng magsama sa iisang bahay.” Nag-aalalang wika ni Aling Badeth.
“Jim, minamaliit ka nila! Napakahayop ng ugali ng pamilya ko! Kinasusuklaman ko sila! Ayoko na sa amin, ‘nay!” Wika ng dalaga habang humahagulgol ito.
“Nak, magbigay ka sa akin ng numero. Tataya tayo sa lotto. Alam niyo, bata pa lamang si Jim… Lahat ng numerong ibinibigay niya sa amin ay tumatama… Sa mga ending, pustahan, at kung ano-ano pa… Kaya lamang ay ayaw malabisin ng aking mister ang kakayahan niyang iyan… Isa pa’y galit sa sugal ang aking asawa. Ngunit, sa pagkakataong ito. Hindi naman siguro masamang umasa. Asawa ko, patawarin mo ako… Gusto ko lang tulungan ang anak natin…” Wika ni Aling Badeth.
“Nanay Badeth, hindi ho pera ang solusyon sa aming problema. Huwag na ho ninyong suwayin si tatay.” Saad ni Princess.
“Hayaan mo na si nanay, Princess… Isa pa’y tumatanda na rin siya. Gusto kong ibigay ang lahat-lahat sa kanya.” Wika ni Jim. Sabay sulat sa papel ng tatlong pangkat ng mga numero.
Matapos tumaya sa lotto ay agad tumungo ang mag-ina sa mansiyon nila Don Mario upang ihatid ang dalaga.
“Aba! Mukhang nagpapasikat ang mga ito! Prinsipyo kuno! Akin na ang anak ko!” Wika ni Donya Mirasol.
Bago umalis ay binigyan pa ni Don Mario ng checke ang mag-ina. “1 Million Pesos”
“Tanggapin niyo iyan at huwag na huwag na kayong magpapakita sa anak ko at sa pamilya namin! Wala na kayong mahihita sa amin! Siguro naman ay sobra-sobra pa iyan para sa mga mumurahin ninyong mga pangangailangan!”
Agad namang pinunit ni Badeth sa harap ng pamilya ni Princess ang cheke.
“Hinding-hingi ko ipagpapalit ang kabutihan ng aking loob sa yaman ninyo! Marami kayong pera ngunit naglulupa ang inyong mga espiritu! Wala kayong mga kuwentang tao! Ang sasama ninyo! Huling beses niyo nang pangiinsulto ito sa amin!” Galit na galit na saad ng ina ni Jim.
Hindi naman na kumibo ang binata ngunit napakasama rin ng loob nito. Lalo pa’t humahabol ng husto ang nobya sa kaniya at nagmamakaawa na isama na siya sa kanilang pag-alis.
“Princess.. Mahal ko… Magkikita pa tayong muli! Pangako! Sa tamang panahon…”
Kinabukasan ay inabangang maigi ng mag-ina ang draw sa lotto. Isa-isang tinawag ang kanilang numero at bam!!! Isa lamang daw set ng winning numbers ang nanalo at sila na nga iyon!
Sa isang iglap ay milyonaryo na ang mag-ina!
“P756,439,454”
“Nay! Kinikilabutan ako! Araw-arawin kaya natin ito?” Pagbibiro pa ni Jim habang pinanonood ang inang naglululundag sa saya.
“Tay, kung nauunawaan mo kami! Paramdam ka naman! Sana ay umambon!” Natatawa pa si Aling Badeth nang sabihin iyon.
Maya-maya’y tila narinig nga siya ng asawa. Unti-unti’y may pumatak na maninipis na tubig mula sa langit.
Agad lumabas ang mag-ina at tila mga bata itong naliligo sa napakahinang ulan.
“Mahal na mahal ka namin at miss na miss pa, tay!” Umaagos ang luha ng mag-ina habang nagyayakapan.
Lumipas ang dalawang taon at nakapagtapos na ng pag-aaral si Jim. Mayroon na itong sariling pagawaan ng mga damit, sapatos at bag. May ilan din itong branches ng mga sikat na fastfood chains. Ang dating sira-sirang bahay ay isa nang mansiyon. Hindi na mabilang ang dami ng sasakyan ni Jim. Dalawang bahay ampunan na rin ang kanilang naipatayo.
“Nay, ito na ang ipinangako ko kay Princess. Ang tamang panahon. Ngunit sana’y dininig ng Diyos ang dalawa kong panalangin. Una, sana’y nagkamali ako ng kalkulasyon sa kanilang mga negosyo. Nang magpatulong sa akin si Princess mag-audit ng kanilang kinikita ay marami akong maling namatygan. May mali sa pamamalakad ng kaniyang mga kapatid na posible nilang ikalugi. Ipinalangin kong sana’y hindi bumagsak ang kanilang mga negosyo. Ang pangalawang panalangain ko’y sa tamang panahon ay handa pa rin akong tanggapin ni Princess. Na sana’y nahintay niya ako at walang ibang lalakeng pumalit sa akin sa puso niya.
“Nak, kaya mo ‘yan. Araw-araw ko din siyang ipinagdarasal. Dali na, ‘nak! Baka maunahan ka pa! Ang daming guwapo diyan!” Pangangantyaw pa ng ina.
Agad tumungo si Jim sa mansiyon nila Don Mario ngunit iba na ang nagmamay-ari nito. Nabalitaan niyang nalugi nga raw ang negosyo ng mga ito at napilitan silang umuwi sa Bicol sapagkat ang bahay na lamang daw doon ang natira sa kanilang mga ari-arian.
Nang makuha ang address nila Princess sa Bicol ay agad bumiyahe si Jim patungo roon.
Pagod na pagod na ang binata sa haba ng biyahe kaya’t naisipan niyang huminto muna sa isang kainan sa expressway.
Habang umoorder ay napukaw ang atensyon ng binata sa isang napakagandang babaeng bumaba ng kakarag-karag na sasakyan.
Tumungo ito ng counter at saka nagtama ang kanilang mga mata.
“Princess?”
“Jim?”
“Ito na ba ang tamang panahon, honey?” Saad ni Princess habang tumutulo ang luha sa kaniyang mga mata.
“Ito na nga, mahal ko…” Saka nito mariing hinalikan sa labi ang dalaga.
“Kaytagal ko itong hinintay, honey. Mahal na mahal kita.”
“Uhm, sir… Ma’am… Oorder po ba kayo?” Saad ng crew sa magkasintahan.
“Ay… Sorry… Hahaha!” At nagtawanan ang lahat.
Wala pang isang buwan ay nagpakasal na ang dalawa. Halos punasan naman ni Don Mario at Donya Marisol ultimo ang pawis ni Jim at Aling Badeth. Grabeng magsilbi ang mga ito sa mag-ina at ngayo’y pati ang mga kapatid ni Princess ay saludo na kay Jim.
Kahit pa naging masama ang mga ito sa mag-ina’y tinulungan pa rin nila ang pamilya ni Princess na makabangong muli.