Iniwan ng Babae ang Asawang Magsasaka para sa Lalaking Taga-Maynila, Pagbalik Niya sa Probinsya ay Haciendero na ang Mister

Iniwan ng Babae ang Asawang Magsasaka para sa Lalaking Taga-Maynila, Pagbalik Niya sa Probinsya ay Haciendero na ang Mister

KarmaStoriesSuccess

Tagaktak ang pawis ni Anita, may electric fan nga siyang kakarag-karag pero halos apoy sa init rin naman ang ibinubuga noon kaya pinatay niya nalang.

Dinampot niya ang kartong pamaypay at malakas na pinahanginan ang sarili, lumabas siya sa maliit na kubo at naupo sa hagdan noon.

“Nanay!” malayo palang ay tawag ng anak niyang si Gil, walong taong gulang. Bakasyon ngayon kaya wala itong pasok sa eskwela. Kasunod nito ang nakangiting ama, si Imo.

“Sinabi nang wag magbibilad sa araw! Ang init! Tingnan mo, sunog na ang balat mo,” sermon niya sa bata.

Hindi naman ito nagpapigil sa kwento. Excited itong nagsalita, “Bukas raw ay isasama ako ni Tatay sa pabrika. Makakakita ako ng mga silkworms!”

“Diyos ko anak, para lang sa uod ay ganyan ka ka-saya?” sabi niya rito.

Kilala ang probinsya nila sa paggawa ng mga de kalidad na telang seda na mula sa mga uri ng uod na kung tawagin ay ‘silkworms’. Isa ang kanyang mister na si Imo sa mga manggagawa roon kapag wala itong ani.

Kapag naman regular na araw, isa itong magsasaka ng mga tubo.

“Hayaan mo na ang bata, kaysa naman sumasama sa pinsan niya sa pamumulot ng tira-tirang tubo. Malay mo, doon rin siya magtrabaho pagdating ng araw. Diba anak?” nakangiting sabi ni Imo, ginulo pa ang buhok ng bata.

Palihim na napairap si Anita. Nagsasawa na kasi siya sa ganitong buhay, ang bwisit niyang asawa ay kuntento na sa kahirapan. Ayaw niya nito, ang gusto niya ay iyong aircon, mansiyon, nakakabili ng mamahaling bag at cellphone. Ang gamit niyang cellphone ay de-pindot at hindi iyong touchscreen.

Kung hindi nga siya nabuntis ni Imo, edi sana ay nag-Japan nalang siya. Kung alam niya lang na ganito ang kahahantungan ng buhay niya, sana ipinalaglag niya na lang si Gil.

“Nagsaing kana ba mahal?” nanlalatang sabi ng mister. Inilapag ang mga bitbit na tubo.

Umiling si Anita habang nakabusangot ang mukha.

Tumango lang naman si Imo, naiintindihan niyang hindi masaya ang misis sa buhay nila. Ginagawa niya naman ang lahat para maging maginhawa ito, sa kubo nga lang ito maghapon at siya lang ang nagbabanat ng buto.

Halos doblehin niya ang pagkayod maibili lamang ito ng cellphone na inuungot sa kanya. Kaya lang hindi yata bagong modelo iyong nabili niya dahil nakasimangot pa rin si Anita.

“Tena ‘nak, samahan mo ang tatay magsaing sa likod. Mahal, nakita mo iyang maraming tubo? Ibebenta ko, tapos ang matitira ay gawin nating Piaya ha? Pang-meryenda ng pogi kong anak,” tapik niya sa balikat ni Anita, umaasang mapapalubag noon ang loob ng babae.

Kinabukasan ay maagang umalis ang mag-ama. Si Anita naman ay mabilis na naligo, nagpahid siya ng kaunting lipstick sa labi at sa pisngi para mamula-mula. Nagwisik rin siya ng cologne.

Ilang sandali pa ay nakarinig na siya ng mahihinang katok mula sa pinto. Malaki ang ngiting binuksan niya iyon.

“Uy, teka lang- ano ba! Baka makita tayo ng kapitbahay,” malanding wika niya habang humahagikgik. Dali-dali niyang hinila papasok sa loob ang lalaki, si Delfin.

Nakilala niya ito minsang magsimba siya sa bayan, ayon sa lalaki ay nagtatrabaho ito sa Maynila at dinadalaw lang ang pinsan dito sa probinsya. Kaunting bola ay bumigay siya kaagad, may tatlong buwan na ang kanilang relasyon.

“Sumama ka na kasi sa akin, ang hirap ng ganitong patakas-takas. Miss na miss kita palagi,” sabi ni Delfin sa pagitan ng halik.

Napangiti naman si Anita. Iyon naman talaga ang gusto niya, ang magandang buhay sa Maynila. At alam niyang si Delfin lang ang makakapagbigay noon sa kanya.

Matapos ang kanilang pagtataksil ay umalis rin ang lalaki at nagsabing hihintayin siya sa bayan. Nag-isip ng mabuti si Anita.

Kung hindi siya aalis ngayon, kailan pa? Baka magbago na ang isip ni Delfin. Tamang-tama dahil mamayang madaling araw rin ang luwas ng binata sa Maynila.

Mabilis niyang inempake ang kakaunting damit at nang palabas na siya ng kubo ay siyang pasok naman ng gulat niyang mag-ama.

“O..mahal? Bakit dala mo ang mga gamit mo?” sabi ni Imo.

Matapang na hinarap ito ni Anita, “Magkatapatan na nga tayo. Alam mo naman siguro na ayoko ng ganitong buhay diba? Ayoko sa lalaking hanggang tubo at asukal lang ang pangarap, na hindi sa mall dinadala ang anak kundi sa paanakan ng uod. Kung ikaw, masaya kana, ako hindi! Wag mo akong hilahin pababa!”

Natulala naman si Imo, labis na nasaktan sa sinabi ng babae. Nangangatog ang lalaki na napatungo nalang habang pinipigil ang luha.

Si Gil naman ay yumakap sa bewang ng ina, “Nanay, wag mo kaming iwan ni tatay. Hindi po namin kaya na wala ka,”

“Isa ka pa. Alam mo sana ay ipinalaglag nalang kita! Maganda sana ang buhay ko ngayon!”

Kinalas ni Anita ang pagkakayakap ng bata at patakbong lumayo sa lugar na iyon. Handang-handa na siya sa magandang buhay na naghihintay sa kanya sa Maynila.

Makalipas ang maraming taon

“Tang*na ka! Sabi mo kaliwa,kanan pala! Akala ko ba taga-rito ka noon?” asar na sabi ni Arturo kay Anita.

Napapahiya namang tumanaw nalang sa labas ang babae. Nakasakay sila ngayon sa owner type jeep. Bakas sa kulubot na kamay niyang mahigpit ang kapit sa gilid ang matinding kahirapang dinanas.

Pagluwas niya noon sa Maynila kasama si Delfin, akala niya ay aasenso na siya pero mali. Itinira siya ng lalaki sa isang mumurahing apartment na mainit pa sa kubo nila noon. Sa bukid ay maaliwalas ang tanawin pero doon, paglabas mo ay sasalubong sayo ang maraming batang nakahubad at mahirap na buhay.

Tuwing Linggo lang siya pinupuntahan ni Delfin, nang tangkain niya itong sundan ay nalaman niyang pamilyado na pala ito. Kaya pala halos itago siya sa mga tao. Sinubukan niyang tumakas pero nananakit ang lalaki, na siyang dahilan rin kaya nakunan siya. Nabuntis pala siya nito.

Sa wakas ay nakatakas siya, para mabuhay ay nagtrabaho siya sa iba’t ibang beerhouse. Doon niya naman nakilala itong si Arturo, magaspang rin ang trato ng lalaki at ipinamumukha sa kanyang marumi siya pero tinitiis niya nalang dahil wala naman siyang ibang mapupuntahan.

Ngayon ay nagpunta sila rito sa probinsyang pinanggalingan niya dahil si Arturo ay may negosyong mga pasalubong, pastilyas, piaya, polvoron at espasol. Mas mura raw kasi kung sa mismong pagawaan bibili ng maramihan kaysa dumaan pa sa supplier.

“Ayan, itigil mo na rito. Maghahanap ako ng kilala ko,” sabi niya.

“Baka bobo kang makipag-usap, sasama na ako. Kailangan natin tumawad,”

Sabay silang naglakad sa malawak na taniman ng tubo, nakita nila ang isang binatang nag-aani.

“Ayan, magtanong ka dyan,” utos ni Arturo.

“Wag na, sa iba na lang.” iwas ni Anita. Natatakot siya dahil baka si Gil iyon, siguro ay ganitong edad na ang kanyang anak. Tiyak niya namang tulad ng ama nito ay magsasaka rin ang kinabagsakan ni Gil.

Inis na naunang maglakad ang lalaki at tinanungan ang isang matandang babaeng nagpapahinga sa gilid.

“Manang, saan ho ba rito iyong Happy Piaya?” tanong ni Arturo.

“Ito na ho mismo. Iisa nalang ang may ari nitong tubuhan, pabrika ng pasalubong at silkworms,” sabi ng matanda. Bagamat itinuro nito sa kanila ang isang maliit na opisina kung saan naroon ang namamahala.

Bago pa sila makalapit ay isang magarang kotse ang tumigil sa tapat noon, nagsalita ang matanda.

“Naku, nandyan pala ang may-ari. Teka lang ho, babatiin ko lang. Mabait iyang si Ser eh,” nagmamadaling naglakad palapit sa kotse ang lola.

Lalapit na rin sana sila pero napahinto si Anita nang makita kung sino ang bumababa.

Ibang-iba na ang itsura pero kilala niya pa rin.

Si Gil. Akay nito ang amang naka-baston na, si Imo.

“Tara na! Gaga ka, kaysa kausapin natin iyong namamahala, sa may ari na tayo mismo sumipsip!” hawak ni Arturo sa kanyang braso.

Pero tinanggal niya iyon at napalakad ng paatras. Hanggang ang lakad ay naging takbo na.

Pahiyang pahiya siya sa kanyang sarili, wala siyang mukhang maihaharap sa mag-amang iniwan niya noon. Minaliit niya ang mga ito, lalo na ang sarili niyang anak.

Lingid sa kaalaman niya ay nagsikap mabuti si Gil, nag-aral. Hanggang matuwa ang unang may ari at pinag-aral ito dahil matalino ang bata. Naging taga-pamahala muna ang binata hanggang unti-unting tumaas ang pwesto, kalaunan nga, nang pumanaw ang naunang may ari ay ipinamana na sa binata ang negosyo.

Nagkamali si Anita, ang inakala niyang hirap ng buhay na magkakaroon ang mag-ama ay siya ang dumaranas ngayon.

More Stories