Inday TrendingInday Trending
Mula nang Ma-Biyuda ay Tulala nalang ang Babae, Napaiyak Siya sa Ginawa ng Dalawang Niyang Anak

Mula nang Ma-Biyuda ay Tulala nalang ang Babae, Napaiyak Siya sa Ginawa ng Dalawang Niyang Anak

Halos himatayin si Marita habang inilalabas ng mga tanod sa kanilang barung-barong ang ataul ng kanyang mister. Isang Linggo na ang nakalipas nang isugod sa ospital ang lalaki dahil naaksidente ito sa pinagtatrabahuang construction.

Sa kasamaang palad ay hindi na ito umabot ng buhay, inabutan siya ng 45000 ng boss nito na ipinambayad niya rin sa punerarya at sa sementeryo. Naikuha niya ito ng disenteng malilibingan, isang apartment.

“Dahan-dahan, baka umuntog sa bintana. Bawal masagi. Malas raw,” sabi ng isang tanod.

Yakap ng babae ang dalawa niyang anak, sina Roger na walong taong gulang at si Rolly. Parehong umiiyak ang dalawang bata.

“N-Nanay, w-wala na ba t-tatay? T-tulog tatay? B-bakit hindi g-gising?” sabi ng bunsong si Rolly, may diperensya ang bata. Sa edad nitong limang taong gulang ay late ang pag-iisip nito. Hindi rin ito nakakalakad dahil tila ba umurong ang mga buto sa binti.

“Nandiyan lang si tatay mo anak, binabantayan tayo,” paniniguro niya pero ang totoo kahit siya mismo ay nag-aalala. Di niya alam kung paano makakapagsimula.

Ang mister niya ay literal na haligi ng kanilang tahanan, mahirap man ang buhay, responsable ang lalaki. Kailanman ay hindi sila nakaramdam ng gutom na mag-iina, magtitiis ang kanyang mister basta may laman ang tyan nila.

Ilang oras ang nakalipas ay natapos na ang misa sa simbahan at inihahatid na nila sa huling hantungan ang kanyang mister. Isa-isang naghagis ng bulaklak ang kanilang mga kapitbahay, lahat ay naaawa sa naiwang mag-iina.

Nang si Marita na ang sisilip sa ataul ay napuno ang salamin noon ng mga luha niyang ilang araw nang iniipit.

“Ronald, paano na kami? Gabayan mo kami.. ang liliit pa ng mga bata. Paano ako magsisimula? Hindi ko alam kung ano na ang buhay na wala ka,” hinagpis niya.

Nangangatog pa siya at kung hindi siya inalalayan ng isang kapitbahay ay hindi pa niya magagawang bitiwan ang ataul. Isinara na iyon at unti-unting ipinasok sa nitso.

Hanggang matapos simentuhan ang lapida ng kanyang asawa ay di pa rin umuuwi si Marita. Tulala lang siya, bitbit ang dalawang anak. Nang magdidilim na ay saka niya lamang napagpasyahang umalis.

Wala naman siyang ibang masasandalan dahil ulilang lubos na siya. Isa siyang kasambahay sa Maynila nang makilala niya ang mister at mula noon, ito na ang naging pamilya niya. Sandalan sa lahat ng bagay. Kaya ngayong nawala ito, pakiramdam niya ay pilay siya.

“Nanay gusto mo po bang kumain?” tanong ni Roger, tulalang umiling si Marita.

Kanina pa sila nakauwi, alas diyes na ng gabi pero iyak pa rin nang iyak ang babae.

“H-Hindi, o-opo. P-paa, ito, ito p-paa ko,” sabi ni Rolly na nagsasalitang mag-isa. Nalungkot lang lalo si Marita nang masulyapan ito dahil dati rati ay ang ama ng bata ang kalaro nito kapag ganitong oras.

Ma-tyagang kinukwentuhan ni Ronald ang mga anak,lalo na si Rolly upang ma-praktis na magsalita ng diretso.

Ilang araw ang lumipas, palagi pa ring lupaypay si Marita. Ang mga kapitbahay ang nagkakawang gawang magbigay ng pagkain sa kanyang mga anak dahil halos hindi na lumalabas ang babae at tulala lang.

“Nanay, pasukan na po bukas. Binigyan ako ni Ate Maring ng uniporme, ginamit raw ng anak niya noong isang taon. Ihahatid mo po ba ako sa school?” tanong ni Roger.

Sinulyapan niya ito, pero hindi siya umimik. Dati ay si Ronald ang naghahatid rito, tapos ay binabantayan niya si Rolly sa bahay.

“O-Opo, p-punta k-kwarto. K-kain kami k-kanina ng t-tinapay. Yun! D-Dog, aso. N-Natahol aso.” maingay naman na sabi ni Rolly.

“Nanay? Naririnig mo po ba ako?” tanong muli ni Roger.

“A-so! Aw aw!” si Rolly.

“Nay?” si Roger.

Narindi si Marita at nahampas nang malakas ang maliit na mesa sa kanyang harapan.

“Ano ba! Napakaingay nyo! Nanay kayo nang nanay, nakakarindi na kayo! Hindi ko alam! Hindi ko alam ang sagot! Hindi ko alam ang pinagsasabi ng kapatid mo, hindi ko alam kung ihahatid kita! Hindi ko alam kung paano mabuhay!” sigaw niya, sinabayan iyon ng paghagulgol, tapos ay tumakbo siya sa kwarto at ikinulong ang sarili.

Simula naman noon ay tumahimik na ang dalawang bata. Hindi namalayan ni Marita na nakatulugan niya na ang pag-iyak, nagising siya sa init at liwanag na pumapasok sa butas ng kanilang bubong.

Medyo masakit ang ulo niya at naalala ang nangyari kagabi. Nakaramdam siya ng matinding pagsisisi at awa sa mga bata, hindi niya dapat sinigawan ang dalawa.

Siguro ay dapat bumawi siya kahit paano, ipagluluto niya ang mga ito ng almusal. Pero ganoon nalang ang gulat niya nang paglabas niya sa kwarto ay wala ang mga ito.

“Roger? Rolly? Nak?” sabi niya, wala ang mga ito sa bahay. Maliit lang ang barung-barong nila kaya tanaw niya ang apat na sulok noon.

Hindi na siya nag-tsinelas at parang nalolokang lumabas, isinigaw niya ang pangalan ng dalawang bata habang umiiyak. Diyos ko, kapag si Roger at Rolly ang nawala sa kanya, ikamamatay niya.

“Marita! Yung mga anak mo andun!” turo ng isang tindera.

Dali-daling nagsuot ng tsinelas ang babae at naglakad patungo sa itinuro nitong direksyon. Di niya namalayan na nakarating na pala siya sa eskwelahan.

Buti nalang ay kilala siya ng gwardiya kaya pinapasok siya, basta raw huwag maingay dahil nagsisimula na ang klase.

Hinanap niya ang classroom ni Roger at napaluha siya lalo sa nasaksihan.

Kandong ng bata ang kanyang kapatid na si Rolly habang nakikinig sa guro.

Nakita siya ng teacher kaya sandali itong nagpaalam sa mga estudyante, “Misis, nakakatuwa ho ang mga anak ninyo. Pasan ho ni Roger si Rolly dahil walang magbabantay ho. Tsaka nais rin ng kapatid niyang matuto.”

Proud na napatango si Marita, mas matatag ang loob ng kanyang anak kaysa sa kanya.

Nang matapos ang klase ay sinalubong niya ang mga ito, “Anak bakit mo naman iyan ginawa? Hindi ka ba nabibigatan kay Rolly?”

Umiling si Roger, “Kapag mahina po ako, ikaw ang nagpapalakas sa akin. Ngayon na mahina ka, ako naman po ang sandalan mo Nanay,”

“T-Tsaka, s-sabi ni t-tatay laban! L-laban lang nang l-laban.” sagot naman ni Rolly.

Napakibit balikat ang kuya,”Ewan ko po kay Rolly, sabi niya si Tatay raw po ang kakwentuhan niya lagi pag nagsasalita siyang mag-isa.”

Nayakap niya ang dalawang bata. Maski pumanaw na ang kanyang asawa ay ginagabayan pa rin pala sila nito. Bukod doon, ipinamana nito sa dalawa ang tatag ng loob na kulang sa kanya.

Mula noon ay kumuha ng lakas si Marita sa kanyang mga anak. Kapag nalulungkot siya ay hindi niya na hinahayaang maapektuhan noon ang pagiging nanay niya sa mga bata dahil hindi lang naman siya ang nawalan ng asawa, nawalan rin ng ama ang dalawa.

Kaya ang isa’t isa ang nagsilbing gabay nila. Nakabangon ang kanilang pamilya, nakapagpatayo si Marita ng maliit na sari-sari store.

Si Roger ay nasa ikalawang taon na ng kolehiyo ngayon, habang si Rolly naman ay scholar rin at pinagtulungang bigyan ng mga teacher ng isang wheelchair.

Advertisement