Pinalayas at Kinaladkad ng Maangas na Guwardiya ang Matandang Nagtitinda ng Ulam, Labis ang Pagsisisi Niya sa Ginawa Rito
Kinaiinisan ng mga empleyado ang lalaking guwardiya na nagbabantay sa gusali ng kanilang kumpanyang pinagtatrabahuhan dahil sa sobrang angas at may pagka-mayabang ito.
“Hep, hep bag mo boss!” maangas na wika ng guwardiya.
“Teka naman, kailangan bang kalkalin pati ang wallet ko?” sabi ng lalaking empleyado.
“Boss trabaho lang, walang personalan!” wika ng guwardiya na parang nananakot pa ang boses.
Kaya sa loob ng opisina ay usap-usapan ito kapag sumasapit ang break time.
“Alam niyo ba iyang guwardiya sa baba, akala mo kung sino! Grabe ba naman makakapkap sa akin akala mo magnanakaw ako,” inis na sabi ni Elvin.
“Napakayabang pa kamo. Akala mo kung sinong naghahari-harian kapag pumapasok ang mga empleyado!” dagdag pa ni Gretch.
“Hindi ba natin puwedeng ireport ang guwardiyang iyan para mapalitan?” ani Bill.
“Ewan ko lang. Kasi ang alam ko malakas ang nagpasok diyan, e. Kamag-anak raw ng isa sa mga matataas ang posisyon dito sa opisina,” bunyag ni Lety.
“Buti nga at absent siya ngayon. Iyong mabait na babaeng guwardiya lang ng nagbabantay.” wika pa ni Elvin.
Mayamaya ay dumating ang kasamahan nilang si Belle na may dalang plastic na may lamang lutong ulam.
“Uy, kanina ka pa namin inaatay. Saan ka ba galing. Marami na kaming napagkuwentuhan tapos ngayon ka lang dumating?”
“Sorry na guys, kasi bumili ako ng lutong ulam sa baba. Mayroong matandang lalaki na nagtitinda at mukhang masarap.”
“Talaga ba? Wait at tikman natin!” sabi ni Gretch sa kasama.
Nang matikman ang ulam na dala ng ka-opisina ay nanlaki ang mga mata ng babae.
“Wow, ang sarap naman nitong Caldereta!” Magkano ang bili mo?”
“Kuwarenta pesos lang. Di ba masarap na, mura pa?”
“Bukas ay dun na rin ako bibili ng ulam. Sa labas kasi sisenta pesos at wala namang lasa.” sabi pa ng babae.
Kinaumagahan ay nagsibilihan ang mga empleyado sa itinitindang ulam ng matandang lalaki. Nakarating din sa iba ang masarap na ulam nito kaya imbes na kumain sa labas at bumili sa iba ay sa matanda bumili ang mga ito. Nang matikman nila ang lutong ulam ng matanda ay tuwang-tuwa ang mga empleyado. Nasarapan na, nakatipid pa sila.
Inusisa naman ni Belle ang nagtitinda ng ulam.
“Manong, kayo po ba ang nagluluto ng mga itinitinda niyo?” tanong ng babae.
“Aba, oo. Nagustuhan mo ba hija?”
“Gustung-gusto ko po! Kaya araw-araw po kayong magtinda dito, ha!” aniya.
“Sige, hija. Makakaasa ka,” sabi ng matanda.
Nang biglang may narinig ang babae na isang pamilyar na boses.
“Hoy, tanda, bakit ka nagtitinda dito sa loob? Bawal magtinda dito!” maangas na wika ng lalaking guwardiya.
“A, e pasensya ka na. Ayoko kasing lumabas pa at mainitan ang mga customer ko kaya dito na ako sa loob nagtinda,” paliwanag nito.
“Hindi, hindi maaari! Sa labas ka lang puwedeng magtinda. Hindi dito sa loob. Kaya labas, labas!” anito sa kausap na parang nagtataboy lang ng aso.
Nakatungong lumabas ng gusali ang matandang lalaki.
Maraming nakasaksi sa ginawa ng guwardiya na pagtataboy sa tindero ng ulam kaya ang resulta ay pinagtsitsmisan na naman ito ng mga asar na asar at galit na galit na mga empleyado.
“Grabe na talaga ang guwardiyang iyan. Kung itaboy iyong matanda kanina akala mo kung sino!” inis na sabi ni Belle.
“Bastos na nga, wala pang modo. Ipaalam na kaya natin sa management?” ani Gretch.
“Makakakuha rin ng katapat iyan!” gatol pa ni Bill.
Nang sumunod na araw ay dumagsa na naman ang mga gutum na gutom na empleyado sa baba ng gusali dahil naroon na naman ang matandang nagtitinda ng ulam. Abala ito sa pagbibigay ng order ng mga customer nang singhalan na naman siya ng maangas na guwardiya.
“Hoy, tanda! Gumamit lang ako ng palikuran ay nakapasok ka na naman dito? Di ba sabi ko sa iyo na bawal magtinda dito?” sigaw nito.
Hindi kumibo ang matanda at sa halip ay ipinagpatuloy ang pagtitinda.
Hindi na nakatiis ang guwardiya at hinawakan sa braso ang matanda at kinaladkad palabas ng gusali at itinapon sa labas ang mga tinda nitong ulam.
“Simula ngayon hindi ka na puwedeng magtinda dito!”
Nang may pumara na isang magandang kotse sa tapat ng gusali at bumaba sa sasakyan ang isang lalaki na nakasuot ng pormal na damit. Iyon ay walang iba kundi ang Bise Presidente ng kumpanya at nakita nito ang pagpapalayas ng guwardiya sa matanda.
“What’s happening here?” tanong ng lalaki.
Di sinasadyang nakilala nito ang tindero ng ulam.
“M-Mr. President, bakit ganyan po ang ayos niyo?”
Nagulat ang lahat sa sinabi ng lalaki. Ang matandang nagtitinda ng ulam ay siya palang Presidente ng kumpanya na kanilang pinagtatrabahuhan.
“Ayos lang po ba kayo, Mr. President?” nag-aalalang tanong ng lalaki.
“’I’m okay, Mr. Galvan. Ngayong napatunayan ko na totoo ang mga reklamo ng mga empleyado ay hindi na ako magdadalawang-isip pa na sisantehin ang lalaking iyan!” wika ng matanda sabay turo sa lalaking guwardiya.
Labis-labis ang pagkapahiya at pagsisisi ng guwardiya sa ginawa niya rito kaya nagmakaawa ito sa Presidente para hindi siya tanggalin sa serbisyo.
“Parang awa na po niyo, Mr. President. Nagsisisi na po ako sa ginawa ko!” pakiusap ng lalaki.
“Nung una mo akong ipagtabuyan ay pinagbigyan pa kita. Akala ko ay mapagtatanto mo ang iyong ginawa pero nagkamali ako. Kaya pasensya ka na, kailangan mong pagbayaran ang pagkakamali mo.”
Nagpanggap lang pala na tindero ng ulam ang Presidente para masaksihan nito kung may katotohanan nga ang mga narinig nitong mga reklamo tungkol sa maangas na guwardiya. Nang mapatunayan na totoo iyon ay agad niyang tinanggal sa trabaho ang guwardiya para bigyan ito ng aral.
Masaya at panatag na ang mga empleyado sa ginawang desisyon ng Presidente. Wala na ang bastos, maangas at mayabang na guwardiya sa kanilang opisina. Pinuri rin nila ito dahil sa sarap nitong magluto. Nangako naman ang Presidente na magtitinda ulit ito ng ulam kapag hindi na ito abala sa trabaho.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!