Inday Trending

Inday Trending

Hinamak at Minaliit ng mga Kapitbahay ang Babaeng may Malaki at Mabuhok na Balat sa Mukha, Ito Pa Pala ang Makakatulong sa Problema Nila

Hinamak at Minaliit ng mga Kapitbahay ang Babaeng may Malaki at Mabuhok na Balat sa Mukha, Ito Pa Pala ang Makakatulong sa Problema Nila
InspiringStoriesSuccess

“Si Mayang baboy, si Mayang baboy!”

Iyan ang palaging tukso ng mga bata kay Maya mula noong bata pa siya. Hindi dahil sa matabang pangangatawan kundi dahil sa malaki at mabuhok na balat sa kanyang mukha na parang mabalahibong balat ng baboy ramo.

Hindi maiwasan na masaktan si Maya kapag tinutukso ng mga kapitbahay at mga kaklase ngunit kahit ganoon ay positibo pa rin ang tingin niya sa buhay.

“Alam mo inay, gusto ko pong maging doktor,” aniya.

“Naku, kayang-kaya mo iyan anak. Ikaw pa ba, e matalino kang bata at candidate for valeditorian ka pa sa eskwelahan niyo!” sabi ni Aling Nena.

“Kaso po, may problema…”

“Anong problema naman, anak?”

“Baka kapag naging doktor po ako ay matakot sa akin ang mga pasyente dahil sa mukha ko,” malungkot na sabi ng dalagita.

“Anak, hindi sukatan ang hitsura ng isang tao sa pagiging mahusay nito sa isang bagay. Iyan ang palagi mong tatandaan ha?” anito.

Nang makapagtapos sa high school at nagdalaga ay agad na nakapasok sa kolehiyo si Maya dahil sa mataas na markang nakuha niya sa entrance exam. Nakakuha siya ng scholarship kaya wala na siyang babayaran na matrikula.

“Inay, itay, nakakuha po ako ng scholarship. Makakapag-aral na ako ng libre!” masayang balita niya sa mga magulang.

“Ang galing-galing talaga nitong anak ko, manang-mana sa tatay,” wika ni Mang Pebre.

“Binabati ka namin, anak! Masaya at proud na proud kami ng tatay mo sa iyo!” bati naman ni Aling Nena.

Nabalitaan ng mga kapitbahay ang nangyari kay Maya ngunit ilan sa mga ito ang nagsabi ng mga negatibong komento.

“Nakakuha nga ng scholarship, pero ang tanong kapag naka-graduate kaya ang batang iyan ay makakakuha ng trabaho? E, sa hitsura pa lang niya ay wala nang tatanggap sa kanya,” tatawa-tawang sabi ni Aling Digna.

“Oo nga. Ang mga natatanggap pa naman ngayon sa trabaho ay iyong mga magaganda at may mga hitsura. Tiyak laglag na agad itong si Maya,” wika pa ni Mang Waldo.

“Tapos medisina pa ang kinuhang kurso? Ang taas ng lipad ng pangarap, baka mataas din ang bagsak!” gatol pa ni Aling Dolores.

Lingid sa kanilang kaalaman ay nakarating ang kanilang mga sinabi kay Aling Nena.

“Sobra na ang mga tsismosang iyan, ha Pebre. Kung lait-laitin ang anak natin ay ganoon na lang!”

“Hayaan mo na lang sila. Magsasawa rin ang mga iyan. Huwag na nating patulan.”

Narinig naman ni Maya ang pinag-uusapan ng mga magulang. Lihim siyang napaluha sa mga narinig.

“Tutuparin ko ang mga pangarap ko. Hindi ako magpapaapekto,” aniya sa sarili.

Pinaghusayan ni Maya ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo. Hindi naging hadlang ang kanyang malaking balat sa mukha para makapag-aral. May mga nangungutya pa rin sa kanya ngunit mayroon din siyang mga naging kaibigan kaya hindi siya napanghinaan ng loob. Hindi rin madali ang kinuha niyang kurso ngunit dahil determinado siyang matupad ang pangarap na maging doktor ay nagtiis at pinaghirapan niya ito hanggang sa makatapos siya sa kursong medisina na may mataas na karangalan.

“Congrats, anak! Naka-graduate ka na, isang hakbang na lang at isa ka nang ganap ng doktor,” sabi ng ina.

“Oo nga po, inay. Kailangan ko pong maipasa ang board exam, kaya ipagdasal niyo po ako!”

“Iyan talaga ang gagawin namin, anak. Ipagdarasal namin ang tagumpay mo. Anuman ang mangyari ay narito kami ng inay mo na palaging nakasuporta sa iyo,” wika ng kanyang ama.

“Salamat po, inay, itay. Para po sa inyo ang lahat ng ito!” aniya.

Kumuha siya ng board exam at makalipas ang ilang buwang paghihintay ay lumabas na ang resulta.

“Anak, anak, pasado ka, pasado ka!” masayang sigaw ni Mang Pebre.

“Itay ano po iyon?” gulat na tanong ni Maya.

“Pasado ka, isa ka nang ganap na doktora!”

“Totoo ba iyan, Pebre. Nakapasa si Maya?” ani Aling Nena.

“Oo nga, Nena. Totoong-totoo ang sinasabi ko. Heto nga o, nakalista ang pangalan ni Maya sa mga nakapasa.” Ipinakita ng lalaki sa asawa ang listahan ng mga nakapasa sa exam sa internet.

“Aba, oo nga! Congrats, anak! Masuwerte talaga ang balat na iyan sa mukha mo!”

“Dyusko, salamat po! Dininig niyo po ang panalangin namin!” sabi ni Maya.

Hindi lang basta nakapasa si Maya sa exam. Isa siya sa mga nakapasok sa limang may pinakamataas na marka sa lahat ng kumuha ng nasabing pagsusulit.

Makalipas ang ilang buwan, sa barrio kung saan naninirahan ang pamilya nina Maya ay nagkaroon ng malaking problema dahil umalis ang doktor na nangangasiwa at tumitingin sa kanilang klinika.

“Wala na si Dr. Alvaro. Paano na ang ating barrio, wala nang doktor na mahihingan natin ng tulong kapag may nagkasakit sa atin!” nag-aalalang wika ni Mang Waldo.

“Napakalayo pa naman ng ospital dito sa barrio natin. Tiyak na mahihirapan tayo kapag nagkataon,” wika pa ni Aling Dolores.

Nang biglang dumating si Aling Digna, humahangos ito at pagod na pagod.

“Magandang balita, narito na raw ang doktor na pumayag na madestino dito sa atin!” masayang sabi ng babae.

“Mabuti naman kung ganoon. Salamat sa Diyos at hindi niya pinababayaan ang ating barrio,” ani Mang Waldo.

Nang puntahan nila ang klinika ay laking gulat nila kung sino ang nadestinong doktor.

“M-Maya? Ikaw ang bagong doktor sa barrio natin?” manghang tanong ni Aling Dolores.

“Opo, ako nga. Mula po nang makatapos ako ng pag-aaral ng medisina hanggang sa pinalad na makapasa sa board exam ay hindi po nawala ang kagustuhan kong makatulong sa ating barrio. Kaya simula ngayon ay ako na ang doktor na maaari niyong lapitan kung kailangan niyo ng aking tulong,” aniya sa mga ito.

Laking pagsisisi ng mga kapitbahay niya sa panghuhusga sa kanya noon. Hindi makapaniwala ang mga ito na sa kabila ng ginawa nilang pangmamaliit at panghahamak sa dalaga ay kabutihan pa ang isinukli nito sa kanila.

Pinatotohanan lamang nito na hindi balakid ang pagkakaroon ng di normal na hitsura para maabot ang pangarap. Sa halip ay ito pa ang nagbibigay ng lakas ng loob para maging matagumpay sa buhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

More Stories