Pinahiya ng Isang Teller sa Bangko ang Isang Ginoo na Nais Mag-impok; Lubos Siyang Napahiya sa Sinabi Nito sa Kaniya

Hindi na naman maipinta ang mukha ni Haydee, isang empleyado, sa bangko sa haba ng pila ng mga taong kailangan nilang asikasuhin. Isang normal na araw lamang iyon ngunit tila sabik na sabik na ang dalaga na makauwi.

“Hindi na ata matatapos ang pilang ito,” saad niya sa kaniyang kasamahan.

“Susunod po!” tawag ni Haydee matapos ang isang transaksiyon.

“Magdedeposito po ako ng pera,” sambit ng isang lalaki habang tangan ang pera at piraso ng papel na kaniyang pinirmahan.

“Kulang-kulang po mga kailangang detalyeng inilagay niyo dito sa papel. Sa susunod po ay kumpletuhin n’yo dahil hindi lamang po kayo ang tao dito sa bangko,” pagsusungit ng dalaga sa lalaki.

“Pasensiya na po. Ngayon lang kasi ako magdedeposito,” paghingi nito ng tawad.

Matagal na ring nagtatrabaho sa naturang bangko si Haydee. Kilala na siya doon bilang masungit at hindi talaga palangiti. Tila ba istres na istres na siya sa kaniyang trabaho lalo na kung maraming tao ang sana bangko upang magdeposito o kumuha ng pera.

Sa tuwing may nagtatanong sa kaniya ay napakaiksi lamang ng kaniyang sagot. Minsan pa ay tila wala itong narinig sa sinasabi ng mga kostumer.

Advertisement

“Naririndi na ako sa paulit-ulit na tanong at mga maling pagsusulat ng mga detalye ng mga tao. Paulit-ulit na lang. May tsek na nga ang kailangan nilang sagutan ngunit pagdating pa rin sa akin ay magtatanong pa. Lalo tuloy humahaba at tumatagal ang pila,” naiinis nitong sambit sa isang kasamahang si Letty.

“Naku, Haydee, h’wag kang magagalit pero may narinig ako kahapon na nag-uusap. Mag-asawa ata sila. Nakita kasi nilang nakasimangot ka at tila ayaw mo raw ng ginagawa mo. Nakita pa nila kung paano mo pinagdabugan daw ang babaeng nakatabig ng lagayan mo ng numero,” wika ni Letty. 

“Wala akong pakialam sa kanila! Sila naman talaga itong may mali. Saka kapag hindi mo sinungitan ang mga iyan ay kung anu-anong pabor ang hihingin nila sa iyo. Mas tatagal pa ang transaksyon. Naiinis nga ako minsan ay napakaliit lang ng idedepositong pera ay kung anu-ano pang itinatanong sa akin. Lalong nagtatagal,” pahayag ng dalaga.

“Kahit na, Haydee. Alam mong ito ang trabaho natin kaya kailangan mo talaga ng pasensiya. Sige ka, baka mamaya ay makahanap ka ng katapat,” saad pa ng dalaga.

Umismid lamang si Haydee.

Kinabukasan ay wala halos tao sa bangko. Maaga sanang magbabalanse itong si Haydee nang sa gayon ay maaga rin siyang makauwi. Ngunit bigla na lamang may dumating na matanda na nais na magbukas ng account sa bangkong iyon.

Simple lamang ang soot ng matanda. Halata ang pagkaluma ng kaniyang suot na polo at pantalon. May luma rin itong bag na dala at saka nakatsinelas lamang ito.

“Hay naku, may humabol pa talaga. Ano kayang gagawin ng matandang ito rito?” inis na wika ng dalaga.

Advertisement

Lumapit sa kaniya ang lalaki. Nagtanong ito kung paano siya makakapagbukas ng isang account sa naturang bangko. Inisa-isa ni Haydee ang mga dokumento na kailangang dala ng matanda upang makapagbukas ito ng account. Dahil sa pagnanais na makauwi na ng maaga at h’wag na siya ang umasikaso sa matanda ay ginawa ni Haydee ang lahat para mapaalis ang matandang lalaki.

Ngunit laking gulat niya na dala nito ang lahat ng kaukulang dokumento. Kaya wala siyang magawa kung hindi asistehin ang matanda.

Inis na inis si Haydee sa bagal ng pagsusulat ng matanda. Napapansin na ng matanda na labag sa kalooban ng dalaga ang ginagawa nito ngunit hindi na lamang niya ito pinansin at patuloy siya sa pagsusulat.

“Miss, maaari mo bang sabihin sa akin ang mga mga kailangan ko pang pirmahan dito? Malabo na kasi ang aking mata at naiwan ko ang aking salamin sa pagmamadali,” pakiusap ng matanda.

“Bakit hindi po kasi kayo nagsama kasi ng kamag-anak ninyo na p’wedeng umalalay sa iyo? Saka p’wede po bang bilisan na natin ito? Marami pa po kasi akong gagawin,” wika ni Haydee.

“Pagpasensiyahan mo na, miss, ang isang matandang kagaya ko. Ngayon lang kasi ako nakahanap ng panahon para makapunta dito,” pahayag ng matanda.

Habang nagsusulat ang matanda ay hindi maiwasan ni Haydee na maglabas ng inis sa kaniyang kasamahan.

“Naku, magkanong pera lang kaya ang idedeposito niyan. Napakatagal pang magsulat. Saka mali-mali pa ang mga pinipirmahan niya. Sana matapos na ang matandang iyan nang matuloy ko na ang pagbabalanse ko!” sambit ng dalaga kay Letty.

Advertisement

“Kahit magkanong halaga, Haydee, kailangan nating gawin ang trabaho natin. Mas mapapabilis siya kung tutulungan mo siya,” suwestiyon ng kasamahan ng dalaga. 

“Sir, mali na naman po ang pinirmhan ninyo. Ilang beses ko na po sinabi na dito po,” sambit ni Haydee sa matanda.

“Saka magkano po ang idedeposito niyo. Kailangan po kasi ay limang libo pataas po. Mayroon po ba kayong ganon? Kanina ko pa po kayo tinatanong d’yan?” saad pa ng dalaga.

“Mayroon akong dalang limang libong piso,” nahihiyang tugon ng matanda.

Nang tapos nang pirmahan ang papeles ng matanda ay kailangan nang hingin ni Haydee ang pera upang maideposito niya ito sa account. Ngunit nagulat na lamang siya ng bigla na lamang pinatawag nito ang manager ng nasabing bangko. 

“Marami ang natatawa sa mga tao na nag-iimpok sa alkansiya, sa mga haligi ng kanilang bahay, sa mga kisame, aparador at kung saan-saan. Ngayon ay alam ko na ang kasagutan kung bakit maraming gumagawa pa rin nito,” panimula ng matanda.

“Pasensiya ka na sa matandang ito, miss, kung lubusang natagalan at kung mali-mali ang pagpirma ko sa mga dokumento. Malabo na kasi ang aking mga mata dahil sa katandaan. Pero nais ko lang sabihin sa iyo na inilagay ka riyan upang gawin mo ang trabaho mo. Kanina ko pa kasi napapansin na tila iritable ka sa pag-aasikaso sa akin,” dagdag pa nito.

“Dahil ba sa kasuotan ko o sa itsura ko o sa aking edad? Kahit gaano pa kaliit o kalaki ang pera ng isang tao ay asikasuhin mo ng bukal sa iyong puso dahil ito ang trabaho mo,” wika pa ng matanda. 

Advertisement

“Nga pala, ito na ang pera na nais ko sanang ideposito sa bangkong ito,” saad pa nito sabay bukas ng kaniyang lumang bag.

Nagulat ang lahat sa limpak-limpak na salapi na kaniyang dala.

“Dalawang milyon ang lahat ng perang ito. Inilalaan ko ito para sa aking anak. Nais ko sana na sa unang pagkakataon ay makapag-impok sa bangko dahil ito ang hindi ko nagawa. Ang pera ko ay laging nasa bahay lamang sa aking lalagyanan at alam kong hindi ito tama ,” muli nitong sambit. 

Tinignan ni Haydee ang dokumento ng matanda at doon ay nakita niya na isa pala itong may-ari ng malaking kumpanya ng mga tela.

Ni hindi na makatingin pa nang diretso si Haydee sa matanda. Lubusang pagpakapahiya ang kaniyang naramdaman dahil sa kaniyang ginawa rito. Hindi niya akalain na darating din ang araw na ito.

Maraming nakarinig ng kuwentong ito lalo na ang mga taong nasungitan at ni Haydee. Agad silang nagtungo sa bangko at inireklamo ang dalaga. Dahil dito ay kahit humingi siya ng kapatawaran sa kumpanya ay hindi ito naging sapat upang siya ay manatili.

Dahil sa dami ng reklamong kaniyang natanggap ay minabuti na ng bangko na tanggalin na ang dalaga mula sa pagtatrabaho sa kanila.

Lubusang pagsisisi ang naramdaman ng dalaga. Hindi niya akalain na ang sama ng kaniyang ugali pala ang magpapatalsik sa kaniya sa kumpanya.