Inday TrendingInday Trending
Dahil Mataba, Niloko ang Babae ng Nobyo at Ipinagpalit sa Sexy; Isang Lalaki ang Dumating sa Buhay Niya Upang Iparamdam Kung Gaano Siya Kaganda

Dahil Mataba, Niloko ang Babae ng Nobyo at Ipinagpalit sa Sexy; Isang Lalaki ang Dumating sa Buhay Niya Upang Iparamdam Kung Gaano Siya Kaganda

​Bata pa lamang ay tampulan na ng tukso si Lara dahil sa timbang nito. Naroon na tawagin siyang aparador, baboy, batchoy, taba, at kung ano-ano pang masasakit na salita. Ika ng iba, kapag matagal ka nang nasasaktan ay tila nagiging manhid ka na’t ​​nasasanay. Ngunit isa si Lara sa makapagpapatunay na hindi sa lahat ng pagkakataon ay totoo ito. Sa dalawampu’t pitong taon niya sa mundo’y tila napakasakit pa rin para sa kanya ang mapamukhaan.

“Hoy, ano na? Ako, may lakad pa ako. Kung wala ka nang ibang gagawin, mauuna na ko. Napakabagal mong maglakad!” Inis na inis na saad ni John; ang kasintahan ni Lara.

Hindi na bago kay Lara ang masigawan at maliitin ng kasintahan. Mas pinipili na lamang niyang alalahanin ang masasaya nilang nakaraan. Iniisip niya na lamang na naiistress ito sa trabaho kaya’t nagiging iritable. Hinayaan na lamang niyang iwan siya nito sa daan kahit hatinggabi na para wala na lamang away.

Nang makarating sa bahay ay nagtatakang nagtanong ang kaniyang inang si Aling Nora. “Nak, hindi sa nakikialam ako pero parang ganoon na nga.” Pabirong bungad ng ina. “Nitong mga nakaraang linggo, wala nang naghahatid sa iyo. Kamusta na kayo ni John?”

Hindi makasagot si Lara sa ina. Agad namang sumali sa usapan ang kapatid nitong si Kim. “Ma, sabihin mo na kay Ate. Tandaan niyo, walang sikreto sa pamilyang ito. Solid tayo sa isa’t isa.” Napapaisip si Lara kung ano ang nais sabihin ng mga ito ngunit nagsisimula ng bumilis ang tibok ng kaniyang puso.

“Nak, nakita ni Kim si John mo kanina sa mall, may kasamang ibang babae. Maputi, maliit, mahaba ang buhok.” Bigla namang sumabad ang bunsong kapatid na si Camille. “Ang ikli nga ng palda e. Ang sarap kurutin sa singit.”

Halos maubusan ng hangin si Lara sa narinig. Hindi na niya pinatapos ang pagsasalita ng nagkakagulong mga kapatid, agad tumakbo si Lara sa kaniyang silid at nagkulong. Nakatulog ang pobreng dalaga kakaiyak. Lahat ng tanong sa kaniyang isip ay nasagot na. Kinabukasan ay niyaya niya ang nobyong makipag-usap.

“Sorry, Lara. Pagod na ako. Wala kang ibang bukambibig kung hindi mataba ka, panget ka, boring ang buhay mo. Kailan ka magiging masaya sa kung anong meron ka, Lara? Pagod na ako sa mga negatibo. Wala akong balak samahan ka sa pagka-miserable mo. Kung gusto mong magbago ang buhay mo, simulan mo! I’m sorry.” Mabigat ang dibdib na pahayag ni John.

“John, sana man lang sinabi mo. Hindi yung kung hindi ka pa nakita ng kapatid kong may kasamang iba. Hindi ko pa malalaman!” Galit na saad ni Lara.

“Ah si Gretchen ba? Kaibigan ko lang yon. Pero kung iniisip niyong may malisya don. Bahala kayo. Di ko na problema yon. Ayoko na. Sige na, uuwi na ko.”

Walang lingon lingon ay tuluyang iniwan ni John si Lara sa coffee shop. Doon niya naisip na tila isang malaking kapalpakan ang kaniyang buhay.

Dumaan ang ilang linggo, hindi na halos lumalabas ng silid si Lara at ayaw nitong kumain o maligo man lamang. Nag resign na din ito sa trabaho. Hindi naman malaman ni Aling Nora ang gagawin, gusto niyang tulungan ang anak ngunit ayaw nitong tulungan ang kaniyang sarili.

Sa pag-aakalang dito siya papayat, ay walang kinakaing kahit ano si Lara. Nagpapanggap lamang ito na kinakain ang mga dinadala ng ina sa kaniyang silid. Dumating ang araw na kitatakutan ni Aling Nora, bumigay ang katawan ni Lara at nawalan ito ng malay.

Nang dalhin ito sa ospital ay inassign ang nurse na si Jerome upang mag ronda sa kanilang ward.

“Taba! Ayusin mo shift mo ha. Huwag puro kain!” Pabirong bulong ng isang nurse kay Jerome, nakahawak pa ito sa medyo may kahabaan nitong baba.

“Utot mo! Kainin mo baba mo, Mang Buwan!” Natatawang patol ni Jerome dito.

Kahit nanghihina ay naririnig ni Lara ang dalawa at agad itong nairita sa narinig.

“Ano ba! Mga nurse kayo ha bakit ang ingay ingay niyo? O pinaparinggan niyo ba ko?” Sita ng dalaga.

Namula naman ang dalawang nurse sa narinig.

“Sorry po, close po kasi kami. Ganito lang kaming magbiruan. Huwag na po kayong magalit, Madam. Sayang ang ganda niyo”. Nanunuyong sagot ni Jerome.

Alam ng binata kung ano ang nangyari kay Lara sapagkat kanina pa ito kakuwentuhan ni Aling Nora. Ayon pa rito, turuan sana niya ang dalagang mag enjoy sa buhay at huwag maging masyadong seryoso.

Labis ang asikaso ni Jerome kay Lara. Araw-araw pa itong nagdadala ng sunflower para sa dalaga. Tila nakuha naman nito ang kiliti ni Lara at natututo na itong tumawa sa mga biro niya.

Dumating ang araw na pinahintulutan na siyang umuwi ng doktor, tila ang bigat sa loob ni Lara na hindi na sila magkakausap at magkikita ng paborito niyang nurse na si Jerome.

Pagdating sa bahay ay tila naiwan ang puso ni Lara sa ospital. Ika ni Aling Nora, huwag mag-alala ang anak at nangako naman si Jerome na siya ay dadalawin. Hindi naman ito inaasahan pa ni Lara.

Kinabukasan, habang sila ay nanananghalian ay may biglang kumatok at laking gulat ng lahat ng buksan ang pinto. Kilig na kilig si Kim at Camille nang makita si Jerome na may dalang tsokolate at bulaklak.

Muling tumibok ang puso ni Lara. Tila nahulog na ang puso niya kay Jerome. Halos tuwing wala itong pasok ay naroon ang binata sa kanilang bahay. Nakumbinsi rin niya ang dalagang magsimulang muli. Pumapasok na ulit ito sa isang bangko bilang isang teller. Pagkatapos naman ng trabaho ay tumutuloy sila sa gym. Noong nasa ospital pa si Lara ay plinano nilang gawin iyon. Biruan pa nila’y sabay silang magpapaganda ng katawan at pag nangyari iyo’y maglalaway ang kanilang mga ex at hindi na nila babalikan ang mga ito.

Lumipas ang isang taon, napakalaki na ng pagbabago sa buhay ni Lara. Ang dating inaasar na baboy, seksing seksi na. Natuto na rin siyang magbiro at maging masaya sa buhay. Na- promote na din ang dalaga bilang isang bank officer.

Lahat ng ito’y dahil sa pinakita ni Jerome sa kaniya ang tunay niyang halaga bilang tao, bilang babae, bilang indibidwal.

Isang araw sa mall ay nakasalubong ni Lara at Jerome ang ex niyang si John.

Hindi makapaniwala si John sa nakita. “Lara, ikaw ba yan??? Grabe you look so different. Boyfriend mo?” Sabay turo ng binata kay Jerome.

“Ha? Hindi. Uhm.. Ah.. Hindi ko sya boyfriend… Kaibigan ko lang..” Di mapakaling sagot ni Lara.

“Oh. Good to know. You’re so pretty. Ah, my God. Pwede ba kitang iinvite bukas sa bahay namin? Birthday kasi ni Mommy. Lagi ka nga nilang hinahanap sa akin. Namimiss ka na nila.” Paanyaya ni John.

HIndi naman maipinta ang mukha ni Jerome sa nangyayari. Tila nasaktan ito ng husto sa inasal ni Lara.

“Oh.. Ah.. Sige, sige.. Punta na lang ako..” Tulirong sagot ni Lara.

“Ay hindi susunduin kita, ok? See you tomorrow, Lara.” Masayang sagot ni John.

Habang nasa taxi pauwi ay hindi kumikibo si Jerome. Nang ihatid nito si Lara ay tumangging pumasok pa ito ng kanilang bahay at agad ring umalis.

Lumipas ang ilang linggo, tuluyan nang hindi nagpakita pang muli at nagparamdam si Jerome. Tila napakalaki ng pagtatampo nito sa dalaga.

Nagdesisyon si Larang puntahan ito sa ospital.

“So, ano? Bakit ka pa nandito? Okay ka na, di ba? Sexy, maganda, may magandang trabaho, masaya. Bumalik ka na sa ex mo.” Tila selos na selos na wika ni Jerome.

“Siraulo! Bakit ko babalikan yong walang kwentang lalakeng yon? Hindi ko nga sinipot yon nung ininvite nya ako sa kanila!” sabi niya at bahagya pang tinapik ang balikat nito.

Medyo nahihiya man ay ipinagpatuloy niya ang paliwanag, “Nung sinundo niya ako, sabi ko sa kanya, ‘nahihiya lang ako sa kasama ko.. kaya hindi ko sinabing boyfriend ko sya. Pero matagal ko nang mahal yung kasama ko noong araw na yon! Noong nasa ospital pa lang ako, mahal ko na yon!” Pabiro at naglalambing na lahad ni Lara.

Tila kinilig naman ang binata sa narinig. “Totoo ba yan? Parang hindi ako kumbinsido.” Sisimangot pa sana ito ngunit hindi na nito napigilan ang pagngiti sa inilahad ng dalaga.

“Jerome, mahal kita. Mahal na mahal kita.”

“Lara, mahal na mahal na kita sa unang beses pa lang na nasilayan ko ang matamis mong ngiti. Hindi kita minahal dahil sa pagbabago ng itsura mo. Minahal kita dahil sa kung ano ka, dahil maganda ang kalooban mo, basta hindi ko maipaliwanag. Mahal kita, Lara.”

At naglapat na ang kanilang mga labi.

Masayang masaya si Lara dahil nahanap niya na ang lalaking para sa kanya. Sa piling ni Jerome ay alam niyang kahit tumaba pa siya, hinding hindi siya ipagpapalit nito. Dahil ang nakikita nito ay hindi lamang ang panlabas niyang ganda, kung hindi ang kabutihan ng loob niya.

Naranasan mo na din bang iwan ng iyong minamahal at ipagpalit sa iba? Anong aral ang natutunan mo sa iyong pinagdaanan? sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement