Inday TrendingInday Trending
Itinakwil ng mga Kamag-anak ang Mayamang Mag-asawa nang Mawalan ng Yaman; May Pinaplano Pala ang mga Ito

Itinakwil ng mga Kamag-anak ang Mayamang Mag-asawa nang Mawalan ng Yaman; May Pinaplano Pala ang mga Ito

Tuwing may okasyon ay bumabaha ng masasarap na pagkain at bonggang regalo sa tahanan nila Dr. Renato, 75 at Dra. Sylvia, 71. Nakagawian na ng buong pamilya na doon magdiwang ng kaarawan, pasko at bagong taon.

Masaya ang mag-asawa tuwing may okasyon sapagkat nakikita nila ang kanilang mga anak, apo, pamangkin, at mga kapatid. Ilang dekada din silang subsob sa trabaho sa Amerika. Kaya naman malaki na ang ipon ng mga ito nang magretiro. Marami na rin silang naipundar na mga apartment buildings sa Pilipinas at patuloy na dumarating ang kanilang pensiyon.

Matapos ang alas-dose ng Enero 1, unti-unti nang nagsiuwian ang mga bisita. Nalungkot na naman ang dalawang matanda sapagkat wala na naman silang ibang makakasama kung hindi ang isa’t-isa at ang kanilang katiwala na si Mercy.

“Matulog na ho kayo’t magsisimba pa kayong mag-asawa bukas. Tama nang pasweet-sweet ninyo d’yan.” Pabirong saway ni Mercy sa mag-asawa.

“Mercy, napaka-loyal mo sa amin. Ikaw ba ay may oras pa para sa sarili mong anak at asawa? Por Diyos, Por Santo, ayaw mong magpa-awat. Umuwi ka na at hinihintay ka na nila doon.” Ika ni Dra. Sylvia.

Tila wala namang narinig si Mercy. Alam naman ng mga ito na ayaw niyang basta na lamang iwan ang mag-asawa. Lalo na’t nagiging makakalimutin na ang dalawa. Hindi mapapatawad ni Mercy ang sarili kapag may nangyaring aksidente sa mga ito.

Nang makatulog na ang mag-asawa ay saka pa lamang umuwi si Mercy. Pag-uwi nito ng bandang alas-3 ng umaga’y doon pa lamang sila nagdiwang ng bagong taon kasama ang sariling pamilya. Kahit paanyayahan ng ilang ulit ng mag-asawa ang pamilya ni Mercy ay hindi nagpapaunlak ang mga ito.

Palibhasa’y nadala sila sa minsang pagpunta nang makita na mga matapobre ang halos lahat ng kamag-anak ng mga doktor na amo ng kanilang nanay. Nagtataka sila kung bakit ganoon ang asal ng mga ito samantalang halos umaasa lamang silang lahat sa mayamang mag-asawa.

Tila hindi makatulog ang mag-asawa. “Darling, naloko yata natin si Mercy. Akala’y tulog na tayo. Ayon, sa wakas ay umuwi na. Ayaw paawat sa trabaho ng batang iyon. Hindi ko alam kung ako’y matutuwa o maiinis.” Ika ni Dr. Renato.

“Aba’y pareho tayo. We’re on the same page, darling. Parang ang pakiramdam ko nga ay siya lang talaga ang may tunay na malasakit sa atin. Aba, yung mga anak natin darating lamang dito dahil kailangan ng pera.” Sagot ni Dra. Sylvia.

At doon nabuo ang plano ng mag-asawa.

“Mabuti naman at nakapunta kayong lahat. Gusto lang naming malaman ninyo na dahil sa aming paginvest ng pera sa stock market ay nalugi ang aming bilyones. Matagal na itong nangyayari ngunit inililihim lamang namin. Bale ang natira na lamang ay yun pangpalibing namin kung sakaling mawala na kami. Huwag kayong mag-alala at hindi namin kayo aabalahin sa gastos kapag kami’y namatay.”

Hindi maipinta ang mukha ng lahat.

“Mom, Dad… Paano si Dylan sa International school siya naka enroll? Di bale, may pensiyon pa naman ho kayo ‘di ‘ba?” Natatarantang tanong ni Richard, ang kanilang panganay.

“Huwag niyo na kaming intindihin, kaya namin mga sarili namin. Basta pagkasyahin niyo lang ang pensiyon niyo dahil ang kinikinita naming mag-asawa ay sakto lang para sa aming pamilya. Kuya Richard, huwag mo nang pakialaman yung pensiyon ng matatanda, panggastos na nila yon! Ang laki mong tao, magtrabaho ka! International school mo pa ipinasok anak mo!” Galit na galit na saad ni Alice ang pangalawa nilang anak.

“Bakit niyo naman hinayaang mangyari yan? Hindi niyo man lang ako kinunsolta! Puwes, mag-dusa kayo! Pinagmamalaki ko pa naman sa mga anak ko na marami silang mamanahin sa inyo, na masipag kayo at matatalino kaya’t dapat kayong pamarisan! Huwag na lang. Pabaya kayo sa kayamanan niyo! Wala na tuloy natira para sa ming mga anak niyo. Nagtiis kami ng walang magulang ng ilang dekada para sa wala!”

Parang nilamukos ang puso ni Mercy at ng mag-asawa sa narinig.

Walang sali-salita, ang mga kapatid naman ng mag-asawa ay nagsialisan nang malaman ang pekeng balita.

Lumipas ang ilang linggo, kahit isang tawag mula sa pamilya’y walang dumating. Ni anino ng mga ito’y wala.

Si Mercy ay nanatiling nagsisilbi at nagaaruga sa mag-asawa. Nagulat ang mga ito isang araw sapagkat inaabot nito sa dalawa ang isang makapal na sobre.

“Alam niyo ho bang noong nasa Amerika kayo’t inaalagaan ko ang mga anak niyo, bawat dolyar na ipinadadala ninyo sa akin ay hindi ko ginagalaw? Ang tanging ginagastos ko ay ang aking suweldo. Nang kami ay mapaalis sa tinitirhan naming bahay, natukso akong galawin ito ngunit sa halip, binilhan ninyo ako ng bahay at lupa. Napakabuti ninyong tao. Karapat-dapat na kayo ay tulungan at mahalin. Hindi ko maintindihan ang pamilya nyo…..” Madamdaming paglalahad ni Mercy.

Tila hindi makapaniwala ang dalawa sa narinig.

“Mercy, sa iyo yan. Hindi namin iyan kailangan. Makikita mo, dadami pa iyan lalo dahil sa kabutihan mo.”

Lalong nalugmok ang kasambahay sa narinig. Paano na ang mga ito gayong hindi sapat ang pensiyon nila para sa mga gastusin buwan buwan.

Makalipas ang isang buwan ay ipinatawag muli ng mag-asawa ang mga anak at mga kapatid. Sa unang pagkakataon, hindi lahat ay nakapunta. Tanging mga anak lamang nito at ilang kapatid ang sumipot.

Ipinaalam ng matanda ang katotohanan at tila nalugi sa sugal ang mga ito.

“Sa nakaraang buwan, naramdaman naming mag-asawa ang tunay na pagmamahal. Pagmamahal na walang katumbas, walang presyo, walang hinihinging kapalit. Aming napagdesisyonang sa isang tao lamang namin ibibigay ang aming kayamanan. Nasa sa kaniya na lamang kung gusto niya itong ibahagi sa inyo. Buong buhay namin ay isinakripisyo namin upang mabuhay kayo ng marangya at maayos hanggang sa mga anak at apo ninyo ngunit ito lamang pala ang isusukli ninyo sa amin. Samantalang si Mercy, inialay ang buong buhay para sa amin. Hindi niya nakakapiling ang kaniyang mga anak at asawa sa mahahalagang okasyon upang pagsilbihan kami at kayo.”

Ilang taon pa ang lumipas at magkasunod na yumao ang mag-asawa.

Bilang likas na mapagmahal at mapagbigay si Mercy ay binigyan pa rin niya ng parte ng mana ang mga ito at tila siya na rin ang tumayong magulang ng mga anak ng mag-asawa.

Isang malaking sampal sa buong pamilya ang nangyari at paglipas ng panahon ay unti-unti namang nagbago ang mga ito. Yun nga lamang ay huli na ang lahat. Wala na ang kanilang mga magulang.

Kung kayo ang nasa katayuan ng mag-asawa, hindi rin ba ninyo bibigyan ng mana ang sarili ninyong mga anak? Ano ang masasabi ninyo sa kuwento? sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement