
Napuno ng Poot ang Puso ng Magkapatid na Ito nang Iwan Sila ng Kanilang Ina; Labis Ang Kanilang Kalungkutan Nang Malamang ang Katotohanan
Ang lahat ay nakapalibot sa amang yumao. Nag-iiyakan at ang iba’y pigil pang nilalabas ang kanilang emosyon. Ang iba naman ay abala sa paghahanda ng kanilang bahay upang doon ay paglamayan si Roy na ama ng kambal na sina Ella at Marvin.
Hindi nila matanggap ang nangyaring ito sa ama. Matapos kasi nitong magpagod sa kakatrabaho at pagkayod upang makapagtapos sila sa pag-aaral, saka naman ito binawian ng buhay. Pangarap sana nilang makabawi man lang sa ama ngunit ngayon, hindi na nila iyon magagawa.
“Parang kailan lang noong grumaduate kami ni Marvin, pa. Bakit ka agad umalis?” wika ni Ella habang kausap ang ama na nasa kabaong.
Patuloy ang pag-iyak nito habang si Marvin naman na kaniyang kambal ay patuloy din sa pag-alo habang pinipigil ang kaniyang mga luha. Maya-maya ay napatigil silang lahat nang may pumasok na babae sa silid kung saan nakalagak ang mga labi ni Roy. Nanlaki ang kanilang mga mata at halos panghinaan nang mamukhaang ito ay ang kanilang ina na nang-iwan sa kanila noong sila’y maliliit pa.
“Ano’ng ginagawa mo rito? Bakit ka nandito? Sino ang pinunta mo rito?” marahas na tanong ni Marvin sa babae.
“A-anak. Mga anak ko…” mahinang wika nito habang patuloy sa pagluha.
“Anong anak?! Wala kang anak dito! Wala kang pamilya! Dahil matagal na kaming nawalan ng ina simula pa noong iniwan mo kami!” pasigaw na tugon ni Ella.
Patuloy pa rin sa paglapit ang ina sa dalawang magkapatid. Subalit itinaboy siya ng dalawa at sinabing huwag nang babalik pa kahit na kailan. Bagamat patuloy siya sa paghingi ng tawad sa dalawang anak, hindi siya pinatawad ng mga ito.
Habang nakaupo sa may gilid, maga na ang mata ni Ella sa kaiiyak. Si Marvin naman ay halos hindi mapakali dahil sa nangyari kanina.
“Ang kapal talaga ng mukha ng nanay mo, Ella! Pagkatapos niyang iwanan si papa pati tayong dalawa doon sa probinsya, magpapakita siya sa atin ngayon!” galit na sabi nito.
“Anong nanay ko? Nanay mo din ‘yon! Isa pa, huwag mo nang isipin ‘yon! Sa susunod na pumunta pa siya ulit dito, hinding-hindi ako mag-aatubiling tumawag ng barangay at ipa-blotter siya!” tugon naman ni Ella.
Minabuti nilang huwag na ulit pag-usapan pa ang tungkol sa kanilang ina. Matigas ang kanilang puso at desidido na huwag patawarin ang ina. Ang kwento kasi ng ama sa kanila ay nag-abroad iyon at hindi na kailanman babalik pa. Kaya naman, malaki ang galit ng dalawa sa kanilang ina. Kung may magtanong man sa kanila, palaging sagot nila ay yumao na ito.
Hindi naging madali para sa dalawa ang paglisan ng kanilang ina. Wari bigla na lamang dumating ang isang araw na lumuwas na sila ng Maynila kasama ang ama. Doon sila nagsimula ng panibagong buhay na tatatlo na lamang sila.
Dumating ang sumunod na araw at sumunod pang mga araw, hindi umaalis doon ang ina. Nagbabaka-sakali na kausapin siya ng kaniyang mga anak. Halos manikluhod ito sa dalawa ngunit hindi siya pinapansin ng mga iyon at pinagsasaraduhan pa ng pinto. Hanggang sa nanghina ito at bigla na lamang inatake at sinugod sa ospital.
Nabalitaan iyon ng kambal ngunit para sa kanila, karma na iyon ng ina. Wala silang pakialam sa kung anuman ang mangyari doon. Masaya pa silang malaman na ganoon ang nangyari dito dahil hindi na iyon makakapang-gulo pa sa kanila.
Dalawang araw na lamang at malapit nang ilibing ang kanilang ama. Nagsidatingan na ang kanilang lolo at lola na galing pa ng probinsya. Magalang at masaya nila itong sinalubong dahil bata pa lamang sila nang huli nilang makita ang mga iyon. Ngunit sa kabilang banda, nananaig pa rin ang kalungkutan dahil sa pagpanaw ng kanilang mahal na ama.
Pagkaraan ng ilang oras, lumabas si Marvin upang abangan ang pagkain na kanilang pina-order. Sa ‘di kalayuan ay may dalawang babae na nag-uusap at narinig niya iyon.
“Mare! Iyang si Roy na pinaglalamayan nila ngayon, dumating daw ang asawa. Araw-araw nandiyan kaso nga lang hindi ata sila maayos nung mga anak! Parang nagloko daw ata?” sabi ng isa.
“Hala ka! Hindi man ganiyan ang pagkakaalam ko, mare. Ang sabi noong bata pa iyang kambal na ‘yan lumuwas ng Maynila si Roy kasama ang dalawang anak dahil utos daw ng magulang. Ayaw daw kasi ata doon sa ina dahil nga napulot lang daw ni Roy iyon sa iskwater!” tugon naman ng isa pa.
“Ay, sus! Napaka-mama’s boy naman pala ng Roy na ‘yan!” sambit pa ng isa.
Walang reaksyon si Marvin nang mga oras na iyon. Naapektuhan ata siya ng mga sinabi ng dalawang tsismosa. Ngunit alam niyang walang katotohanan ang mga iyon. Tinaboy niya ang dalawa sa isip at saka pumasok muli sa loob ng bahay pagkarating ng hinihintay niyang pagkain.
Pagpasok niya sa bahay ay naroon si Ella na natutulog sa may sofa habang nagbabantay sa kaniyang ama. Sumilip siya sa ama at kinausap ito.
“Hindi naman ‘yon totoo, pa, ‘di ba? Kalokohan iyon!” wika niya. Umakyat siya sa itaas upang alukin sana ng pagkain ang kaniyang lolo at lola na nag-uusap noon dahil malayo pa ang pinanggalingan ng dalawang matanda.
“Sa tingin mo ba Joe, kailangan na ba natin sabihin sa mga apo natin ang totoo?” wika ng kaniyang lola.
“Anong sabihin? Hindi maaari! Ayokong magalit ang mga iyan sa atin. Mas mabuti nang kamuhian nila ang ina nilang laki lang naman sa iskwater!” tugon ng lolo niya.
“Pero dadating pa rin ang panahong malalaman nila iyon,” muling sagot ng lola.
“Mananatili ang sikreto sa ating dalawa, kay Roy at wala ng iba pa. Kung tatahimik tayo na iniutos natin ang paglisan nila kay Maricel at hindi na ulit iyon pag-uusapan pa, wala nang makakaalam pang iba. Kaya isara mo na ‘yang bibig mo diyan at baka maringgan pa tayo ng dalawa,” pagpapaliwanag ng kaniyang lolo.
Bigla silang nagulat nang makita si Marvin na nakatayo sa kanilang likuran. Umiiyak iyon at walang masambit.
“M-marvin…” hahawakan sana siya ng kaniyang lola ngunit umiwas siya.
“Totoo bang utos niyo na iwanan ni papa si mama kasama kami at lumuwas dito sa Maynila?” wika niya sa lolo at lola.
“H-ha? Ano bang pinagsasasabi..” nauutal na tanong ng lolo niya.
“Totoo po ba, lo? Lola! Sabihin niyo po ang totoo!” biglang pagtaas ng boses niya. Nagising si Ella na natutulog sa sofa at pumunta sa kinaroroonan nila.
“Totoo, hijo. Patawarin mo kami. Patawarin mo kami ng lolo at ama mo, hijo…” pag-iyak ng kaniyang lola.
Umalis siya ng silid na iyon at sinama din si Ella. Habang naglalakad, pilit na tinatanong ni Ella kung ano ang nangyayari. Pinaliwanag lahat ni Marvin ang mga nangyari katulad ng pagkasabi sa kaniya ng lola. Agad na nagtungo ang dalawa sa ospital kung saan sinugod ang ina.
Pagkarating sa ospital, natuwa ang ina sa kaniyang nakita. Agad itong lumuha habang papalapit sa kaniya ang dalawa.
“Ma, sorry! Alam naming mahirap ang pinagdaanan mo. Sorry, ma!” wika ni Marvin sa ina.
“Patawad po, ma… Sorry po sa lahat lahat. Hindi po namin alam, ma. Sorry po…” sambit naman ni Ella.
Itinayo sila ng ina mula sa pagkakaluhod. Tumambad sa kanila ang mukha ng inang punong-puno ng luha sa kaniyang mga mata at niyakap sila nito nang mahigpit.
“Ayos lang mga anak ko. Hindi niyo alam kung gaano ako kasaya na nayayakap ko na ulit kayo, mga anak ko!” sambit ng ina sa dalawa.
Samantala, nagpagdesisyunan nila na ihatid nang payapa ang ama sa kaniyang huling hantungan. Ganoon din ay ang patawarin ang lolo at lola na humingi naman ng tawad sa kanila. Naging malungkot man sila dahil sa yumaong ama, napalitan naman iyon ng saya sa kanilang pagtuklas ng katotohanan. Hindi man sila makabawi sa ama, nangako ang dalawa na mamahalin at iingatan ang ina na napalayo sa kanila nang matagal na panahon.