Walang Ginawa ang Ginang Kundi Ipagmayabang na Tanging Magaling ang Kaniyang Anak; Pahiya Siya nang Gawin sa Kaniya Ito ng Sariling Pamangkin

Mabigat man ang paa ay walang magawa si Minda kung hindi dumalo sa kanilang family reunion. Ayaw sana niyang magpunta pa sapagkat tulad ng mga nakaraang taon ay nasusuya na siya sa pakikipag plastikan ng iba nilang kamag-anak sa isa’t-isa. Hindi rin niya masikmura ang pagyayabangan ng mga ito at lalo pa ang mga walang katapusang tanong kung nasaan na ang ama ng kaniyang kaisa-isang anak na si Borgy. 

Pero alam niyang mas magiging issue pa ang hindi niya pagpunta kaya kasama ang anak ay nagmaneho siya patungo sa venue.

“Anak, sandali lamang tayo doon. Marami kang pinsan na makikita, puwede kang makipaglaro sa kanila. Pero kung ayaw mo naman ay tatandaan mo lang na nandito lamang ang mommy at hindi kita papabayaan,” wika ni Minda sa anak. 

Nang makarating na sila sa party ay agad silang sinalubong ng ibang kamag-anak. Magara ang suot ng lahat at kani-kaniyang kwentuhan at kainan. May mga nagkakantahan din at naglalaro ng party games. 

Maya-maya ay lumapit kay Minda ang kaniyang pinsang si Bea. 

“Kumusta ka na, pinsan? Parang nahihiyang tayo sa kung anuman ang pinagkakaabalahan mo ngayon, a!” biro ni Bea kay Minda. 

“Nakabakasyon ako ngayon. Wala kasing yaya itong si Borgy,” tugon ni Minda.

“Nasaan na ba ulit ang tatay niyang si Borgy? Bakit kasi hindi ka kumuha ng sustento sa tatay niyan para hindi ka sobra-sobra kung magtrabaho?” pakikialam ni Bea. 

Advertisement

“Hindi ko na mahagilap,” matipid na sagot ni Minda.

“Pinsan, naroon nga pala ang anak ko. Hindi ba magka-edad sila ni Borgy. Baka gusto nilang maglaro,” paanyaya ng pinsan. 

“Anak, gusto mo bang makipaglaro sa mga pinsan mo?” tanong ni Minda sa anak. Umiling lamang si Borgy.

“Apat na taon na rin si Borgy, Minda, tama ba? Bakit hanggang ngayon ay hindi pa ata siya bihasa sa pagsasalita. Ni hindi ko pa nga naririnig ang boses niya,” usyoso ni Bea.

“Mahiyain lang talaga itong si Borgy,” tugon ni Minda.

“Sigurado ka? Parang mayroong hindi tama sa anak mo. Napatingnan mo na ba siya? Kasi ang anak ko bukod sa masigla ay isang taon pa lamang ay nakakapagsalita na. Baka kailangan niya ng propesyunal na tulong. Hindi naman sa pakikialam, Minda. Isang suhestiyon lang ang sa akin,” dagdag pa ng pinsan. 

“Ayos lang ang anak ko, Bea. Katunayan, napatignan ko na siya sa doktor at wala namang nakitang mali sa kaniya. Iba-iba lang talaga ang mga bata,” pinipilit pa rin ni Minda ang ngumiti kahit na inis na inis na siya sa mga sinasabi ni Bea. 

Sa totoo lamang ay ito rin ang iniiwasan ni Minda. Dahil nga magkaedad ang anak nilang magpinsan ay hindi maiwasan na laging kinukumpara si Borgy sa anak ni Bea. Ang anak kasi ni Bea ay maagang naglakad. Isang taon pa lamang ito ay alam na rin ang alpabeto at marami na ring siyang bagay na nasasabi. Magiliw din ito at napakabibo. Hindi katulad ng anak ni Minda na madalas ay makikita mong may binubutinting at hindi masyadong masalita.

Advertisement

Sa paglipas ng panahon ay hindi pa rin natatapos ang kumpetisyon sa pagitan ng dalawang bata. Patuloy si Bea sa pagyayabang ng lahat ng karangalan na natatanggap ng kaniyang anak. 

Sa tuwing may award ang anak niya ay kinakamusta nito ang anak ni Minda na para bang pinapamukha pa niya ang husay at galing ng kaniyang anak. 

“Anak, huwag mo silang intindihin. Sa akin, basta hindi ka bumabagsak at masaya ka sa mga ginagawa mo ay ayos lang,” sambit ni Minda sa anak.

Sa mga pagtitipon ay palagi na lamang bida ang anak ni Bea.

“Minda, tingnan mo ang anak ni Bea, nangunguna na naman sa paaralan. Si Borgy ba pang ilan?”

“May karangalan din siya. Nakakuha siya ng third honor,” nakangiting tugon ni Minda.

“Hay, kung ang lahat ng bata kagaya ng anak ni Bea, ang saya siguro ng lahat ng magulang,” sambit ng kamag-anak.

“Bakit? Masaya naman ako sa natatamo ng anak ko. Saka may panahon ang bawat bata. Para silang mga bulaklak na mamumukadkad sa tamang panahon,” wika ni Minda.

Advertisement

Kahit ano pa ang sabihin ng ilang kamag-anak nila ay hindi ito pinapansin ni Minda. Basta siya ay lagi lamang nakasuporta sa anak. Hanggang sa nagbinata na ito.

“Inaanyayahan tayo sa party ng pinsan mo, Borgy. Ipagdidiwang daw ang pagkakapasa niya bilang iskolar sa isang prestihiyosong unibersidad dito sa bansa. Gusto mo bang pumunta?” tanong ni Minda.

“Kayo po ang bahala, ma. Basta hindi po kayo ma-iistres,” pagbibiro ni Borgy. Alam kasi niya ang mga inaabot ng ina sa mga sinasabi ng iba nilang kamag-anak. 

Nagtungo sa party ang mag-ina. Inaasahan na nila ang mga mangyayari. Sa piging ay bidang-bida ang anak ni Bea. 

“Natutuwa ako at nakarating kayong mag-ina,” sambit ni Bea sa pinsan.

“Inaasahan na namin na papasa ang anak ko. Kasi alam naman naming magaling siya. Bata pa lamang siya ay alam na natin ang kakayahan ng anak ko, hindi ba pinsan?” nagmamalaking wika ng ginang.

Hindi na matago pa ni Minda ang pakairita sa pinsan sapagkat alam niyang patungkol na naman ito sa kanyang anak.

Habang may mga ibang kausap itong si Bea ay tinawag niya ang pinsan.

Advertisement

“Minda, tara dito at makisali ka sa amin,” paanyaya ni Bea.

“Ito ang pinsan kong si Minda. Kaedad niya ang anak ko. Minda, saan nga ba mag-aaral ang anak mo?” nakangising tanong ni Bea sa pinsan.

“Ay teka, nakapasa ba siya sa hayskul at makakapagkolehiyo?” natatawa pa niyang dagdag. “Alam nyo kasi ang anak nito ay parang espesyal. Bata pa lang ang anak ng pinsan ko na iyon ay sinabihan ko na siyang ipatingin ang anak niya. Ibang-iba ang batang ‘yon sa anak ko,” sambit ni Bea.

Hindi na nakapagtimpi pa si Minda.

“Bea, kung pinapunta mo lamang kami dito para ipahiya ay aalis na lamang kami. Bakit ba wala kang ginawa kung hindi pagkumparahin na lamang ang dalawang binatang anak natin? Ano ba ang mangyayari sa iyo kung mas magaling ang anak mo kaysa sa anak ko?” nagtaas na ng boses si Minda sa kanyang pinsan. 

“Oo, sige, espesyal na ang anak ko. Kung ‘yan ang tingin mo sa kaniya. Pero para sabihin ko sa’yo, ang anak kong minamata-mata mo ay nakatanggap ng iskolarsyip sa lahat ng prestihiyosong unibersidad dito sa Pilipinas at maging sa ibang bansa. Sa katunayan nga ay abala kami sa pag-aayos ng mga papeles sa pag-alis namin ng bansa. Isiningit ko lamang talaga ang party mo dahil alam kong importante ito sa inyong mag-anak,” pag-amin ni Minda. 

“Tandaan mo, Bea, kahit kailan ay hindi ako nawalan ng tiwala sa anak ko na magaling siya. Kahit na palagi niyo siyang ibinababa at kinukumpara. Maging masaya ka sana sa party niyo ngayon. Congrats sa pagkakapasa ng anak mo,” sambit pa ni Minda sabay aya sa anak para umalis.

Gulat na gulat si Bea sa narinig niya kay Minda. Hindi niya akalain na mas higit pa pala ang tinamo ng anak nito kaysa sa kaniyang anak. Hiyang-hiya siya sa mga bisita. 

Advertisement

Hindi nagtagal ay umalis na ang mag-ina patungong ibang bansa upang doon na ipagpatuloy ni Borgy ang kaniyang pag-aaral. Ngayon ay kinikilala si Borgy bilang isang magaling na doktor at propesor sa ibang bansa. Todo suporta pa rin hanggang ngayon ang kaniyang ina sa lahat ng minimithi ng kaniyang unico hijo sa buhay.