Kumpiyansa ang Aleng Ito na Hindi Siya Matataman ng Sakit Dahil sa Pagiging Malinis sa Lahat ng Bagay; Sapat Nga Ba Iyon

Kumpiyansa ang Aleng Ito na Hindi Siya Matataman ng Sakit Dahil sa Pagiging Malinis sa Lahat ng Bagay; Sapat Nga Ba Iyon

FamilyFunStories

“Ito na nga bang sinasabi ko, ‘di ba? E ‘di may pinuntahan din ang pagiging maarte ko ngayon sa bahay, kung hindi siguro ako palaging naglilinis ay baka tinamaan na tayo ng COVID-19 na ‘yan! Mabuti na lang talaga at ako ang nanay niyo!” wika ni Aling Maya sa kaniyang pamilya habang naglilinis ito ng kanilang bahay.

“Yung mga pinggan sa lababo, utang na  loob naman! Huwag niyo nang itambak, magsitayo nga kayo riyan at maglinis kayo! Magwawalis pa ako sa labas! Hoy!” sunod nitong sigaw sa kaniyang dalawang anak na kakatapos lamang magtanghalian ay nakatutok na sa telebisyon.

“Alam mo, ‘ma, hindi kami sa COVID matitigok, kung ‘di sa’yo o kaya naman diyan sa sobrang kaaretehan mo. Kaya ka laging pagod kasi bawal may kalat dito sa bahay!” reklamo naman ni Oliver, panganay na anak ng ale.

“Aba, aba! Hindi ka ba nakikinig ng balita? Hindi ba’t sabi ay palaging mag-disinfect! Sa tagalog, palaging maglinis! Huwag kayong mag-alala dahil pasasalamatan niyo rin ako sa kaartehan ko sa bahay natin lalo na kapag ang mga kapitbahay nating mga dugyot ay may sakit na. Tayo lamang ang hindi mahahawa kasi malinis ako sa bahay!” sigaw pang muli ni Aling Maya na tila pinariringgan ang kaniyang mga kapitbahay.

“Hayaan niyo na ‘yang nanay niyo, kumilos na lang kayo. Ang ingay-ingay! Alam niyo naman na hihimatayin ‘yan sa kalat,” reklamo naman ni Mang Hector, ang mister ng ale.

“Hay naku, Hector, kung hindi ako maglilinis at gagaya sa mga kapitbahay natin ay baka bukas makalawa, may sakit na kayong lahat! Magpasalamat ka at nakapangasawa ka ng masipag sa bahay!” baling naman ni Aling Maya sa asawa.

Sadyang napakalinis ng ale sa kaniyang mga gamit, maayos ito sa lahat lalo na sa bahay. Kaunting dumi at alikabok ay kaagad na nakabantay si Aling Maya. Sabi ng kaniyang mga anak ay sakit na raw ang kaartehan ng kanilang nanay pagdating sa kalat, subalit para kay Aling Maya ay normal niya lamang ito. Lumaki siyang kailangan palaging maayos sa lahat ng bagay.

“Hala sige, gusto mo linisin mo na rin ang kalat namin! Kung tatamaan ka ng sakit, tatamaan ka. Hindi paglilinis lang ang sagot ngayon sa panahon na ito, kung ‘di ang pagdarasal sa Diyos!” sigaw naman ni Aling Tess, kaalitang kapitbahay ng ale.

“Diyos? Bakit, naglilinis ba ‘yang Diyos mo? Baka hindi kaya ang kalat kalat sa inyo!” walang pakundangang sagot ni Aling Maya rito.

Magsasabong pa sana ang dalawang ale ngunit parehas na silang pinigilan ng kani-kanilang mga asawa.

“Alam mo, ikaw talaga, Maya, ayos na sana ‘yung pagiging malinis mo sa bahay pero sobrang yabang mo talaga at pati kalat ng iba ay pinapakialaman mo pa. Ang dami mo nang kaaway rito sa atin dahil diyan sa bibig mo!” wika ni Mang Hector sa kaniyang asawa.

Hindi naman na sumagot pa si Aling Maya at kumuha na lamang ito ng basahan tsaka nagpunas ng mga gamit at sumimangot na lamang ito sa isang sulok.

“Pasasalamat niyo rin ako, pagdating ng panahon. Pasasalamat niyo rin ang sipag ko sa paglilinis,”

Hanggang sa pumutok ang balita na mayroong isang nagpositibo sa virus sa kanilang lugar at lumaganap ang tensyon sa lahat ng taga-roon. 

“Huwag kayong mangamba, kasi hindi tayo tatamaan niya dahil sa malinis ako sa bahay!” mayabang pahayag ni Aling Maya sa kaniyang pamilya at dinig iyon ng kaniyang mga kapitbahay na nagbubuhos ng tubig sa kanilang mga harap bahay upang maglinis.

Wala namang pumansin sa ale at patuloy lamang ang lahat sa paglilinis. Nagkaroon ng swab testing sa mga nakasalamuha ng naturang pasyente at sa kasamaang palad ay isa si Aling Maya roon.

“Hindi ko na kailangan niyang, swab testing, malinis ho ako sa katawan, sa bahay at sa lahat kaya hindi ako maapektuhan niyang COVID!” tanggi niya sa health worker na ililista ang kaniyang pangalan. Pinilit man siya ngunit tumanggi rin talaga ang ale at pinagtuturo ang iba niyang kapitbahay na mas dapat raw unahin.

Kinaumagahan ay lumabas na ang resulta ng test at nag-negatibo naman ang mga kapitbahay ng ale, habang siya ay biglang sumama ang pakiramdam.

“Ma! Magpa-swab testing ka na! Baka natalsikan ka ng laway ‘non, Diyos ko naman! Mamaya magpositibo ka pa sa kayabangan mo!” pilit ni Myra, anak ng ale.

Masama man sa loob niya at nahihiya man sa kaniyang mga kapitbahay ay nagpunta ng center ang ale upang magpa-swab test. Doon lumabas na positibo ang ale bagama’t asymptomatic daw siya ay mas piniling hindi ito pauwiin upang maihiwalay sa mga tao.

“Bakit ako tinamaan nito? Napakalinis ko hong tao, Dok,” malungkot na tanong ni Aling Maya sa doktor.

“Dahil po iyan sa pagkakaroon ninyo ng kontak sa taong positibo na. Mabilis lang makahawa ang sakit na ito at kahit ang mga malilinis na taong katulad niyo ay tatamaan kung hindi tayo nag-iingat,” paliwanag ng doktor sa kaniya.

Simula noon ay mas natutong magdasal si Aling Maya at nangakong hindi na siya magyayabang pa at maninita ng kalat ng iba. Tama nga ang kaniyang kapitbahay, Diyos pa rin ang may pinakamalakas na proteksyon sa lahat ng sakit. Hindi ang kasipagan niya o ang kalinisan kung ‘di ang pagtawag sa kaniya at sa kaligtasan ng sanlibutan.

More Stories