Matalik na magkaibigan sina Eric at Dexter. Sabay silang lumaki pagkat matalik ding magkaibigan ang kanilang mga ina. Kahit magkapatid ang turing ng dalawa sa isat-isa, malaki ang pagkakaiba ng kanilang mga personalidad.
Mahiyain si Eric at may pagkasanggano naman si Dexter. Dahil may pagka-lampa noong kabataan itong si Eric, lagi siyang ipinagtatanggol ni Dexter sa lahat ng nangungutya sa kaniya. Ni sino walang makakakanti kay Eric pagkat laging nariyan ang matalik na kaibigan.
Sa pag-aaral naman, lagi nasa top si Eric at si Dexter naman ay kasali sa mga magugulo sa silid-aralan.
Nang mag high school ang dalawa, napasama sa isang gang si Dexter. Si Eric naman ay nagsisilbi sa simbahan bilang Sakristan. At nang mag-kolehiyo, hindi na mabilang kung ilang gulo at basag ulo na ang kinabilangan ni Dexter habang si Eric naman ay naging isang masipag na working student.
Dahil dito, hindi nakatapos ng pag-aaral si Dexter at sa hindi inaasahang pagkakataon, nakabuntis siya sa murang edad na dalawamput isa. Paglipas ng ilang buwan, nasilayan ni Dexter ang bata bigla na lamang siyang natauhan.
Hindi sa lahat ng pagkakataon ay dapat maging happy-go-lucky ang kanyang buhay lalo pa ngayon na may umaasa na sa kaniya. Dahil hindi rin tanggap ng mga magulang ng babae ang sinapit ng anak, wala silang ibang kamag-anak na matakbuhan.
Dahil hindi nga nakatapos ng kolehiyo si Dexter, kung anu-ano na lamang na trabaho ang pinasukan niya. Nariyan ang naging construction worker siya, isang batilyo sa punduhan at kargador sa palengke, subalit hindi kailanman sasapat ang kinikita niya.
Sa hirap ng buhay nagpasya siyang maghanap ng swerte sa ibang bansa. Nangutang si Dexter kay Eric na ngayo’y isa nang supervisor sa isang kilalang botika. Pinalad naman siya, sapagkat hindi naglaon ay nakahanap na din si Dexter ng trabaho sa Dubai.
Hindi naging madali ang buhay ni Dexter doon. Nariyan ang home sickness at hirap ng pakikisama sa ibang lahi. Naging isang assistant electrician si Dexter at dahil sa kanyang pagpupursigi, napromote siya at di naglaon ay naging manager.
Napakalaki ng nagbago sa buhay ni Dexter. Kailanma’y hindi na nila magiging problema pa ang pera. At dahil nga tuloy tuloy ang trabaho, marangyang namumuhay dito sa Pilipinas ang kanyang mag-ina. At siya naman doon, kabi-kabila din ang inuman na madalas ay siya ang sumasagot ng bayarin.
“Pare, huwag mo naman mamasamain, gusto lang kita payuhan na mag-ipon ka. Magpundar ka ng bahay o kaya negosyo dito. Para kung sakaling nais mo nang umuwi, o may mangyaring hindi inaasahan sa kumpanya mo, huwag naman sana, ay handa ka. Lagi mong iisipin ang mag-ina mo,” pagpapaalala ni Eric nang mag-usap sila ng bestfriend sa telepono.
“Alam ko, pare! Darating tayo diyan. Ngayon ay hayaan mo muna akong i-enjoy ang lahat ng ito. Kasi alam mo naman, ang hirap na dinanas ko ‘di ba? Ngayon, pwede ko nang gawin ang lahat at pwede ko nang mabili ang gusto ko at ng pamilya ko,” diin ni Dexter.
“Naroon na ako, pare, pero narinig ko sa pinsan mo, wala daw humpay ang pag-iinuman n’yo riyan. Bukod sa ipon, pre, kailangan mo ding alagaan ang sarili mo. Hinay-hinay lang!” patuloy na pagpapaalala ni Eric.
Tinawanan lang ni Dexter ang kaibigan.
“Sige na, pre. Tawagan kita ulit kasi narito na yung mga kasamahan ko. May bago daw bar dito pupuntahan namin,” pagpapaalam ni Dexter.
Binaba na ni Dexter ang telepono at si Eric naman ay napabuntong hininga sa ginagawa ng matalik na kaibigan.
Sa kanilang muling pag-uusap, muling pinaalalahanan ni Eric ang matalik na kaibigan ukol sa wais na pangangalaga sa kanyang pinaghirapan. Ngunit tulad ng dati, parang binabalewala na lamang ito ni Dexter.
Lubusan ang pag-aalala ni Eric kay Dexter. Dahil sa laki ng kita nito ay ganoon na lamang itong magwaldas ng salapi. Kung may nangungutang sa kanya, agad naman itong nagbibigay at pag nakalimutan ay hindi na niya ito sinisingil. Nabalitaan naman ito ni Eric.
Isang umaga, nakatanggap ng mensahe si Dexter mula kay Eric. Nanghihiram ito ng walumpung libong piso para raw sa pagpapaayos ng titulo ng lupa nila at mga kukumpunihin para sa bahay. Walang dalawang salita, ipinadala agad ito ni Dexter.
Nang sumunod na buwan naman ay nang hiram muli ito ng tatlumpung libong piso. Nakiusap si Eric na kung maaari ay maipadala ito agad ni Dexter sapagkat gagamitin itong pambayad sa iba pang bayarin.
Ganito lagi ang naging senaryo. Madalas ang pangungutang ni Eric kay Dexter. Mula sa pinakamalit na halagang dalawang libong piso hanggang sa pinakamalaking isang daang libong piso.
Pinapahiram na lamang din ito ni Dexter upang makaiwas sa mga pangaral at payo ng kaibigan. Masarap nga naman ng walang nangingialam sa iyo.
Ngunit isang araw, nangyari ang hindi inaasahan. Nagkaroon ng matinding pagkalugi ang kumpanyang pinapasukan ni Dexter. Sa isang iglap lahat sila ay nawalan ng trabaho. At kailangan na rin niyang umuwi, dahil mapapaso na ang kanyang visa.
Pinilit ni Dexter na humanap ng trabaho doon ng mabilisan. Wala syang pinagsabihan tungkol sa nangyari. Ngunit sa maikling panahon na nalalabi sa kanyang pananatili sa Dubai, wala siyang nakuhang kapalit na hanapbuhay.
Humingi sya ng tulong sa ibang mga kasamahan at nakilala niya roon. Yung mga taong palagi niyang nakakasama sa bar, ngunit lahat sila ay tumanggi na bigyan siya ng matutuluyan. Hindi na rin sapat ang hawak niyang pera para manatili pa sya doon. Sobrang sama ng loob ni Dexter sa pag iisip na ang mga tinuturing niyang kaibigan noong marami pa siyang pera ay nagsipaglaho na lahat.
Nakatanggap na naman ng isang text message si Dexter mula kay Eric. Nanghihiram naman ito ng pera dahil may kailangan itong ayusin.
Hindi maiwasan ni Dexter na mapagbuntungan ng init ng ulo ang matalik na kaibigan.
“Pwede ba, Pre ‘wag ngayon! Wala ka na ba talagang gagawin kundi manghiram ng manghiram sa akin. Akala ko ba supervisor ka riyan. Kulang ba masyado ang kinikita mo?
Bakit parang lagi ka na ring nakaasa sa akin tulad nila? Dahil ba alam mo na hindi ko pababayaran sayo iyan, kaya ganyan ka na lang mangutang sa akin? Alam mo, Pre, akala ko iba ka. Pero tulad ka rin nila. Mga manggagamit kayo!” galit na reply ni Dexter.
Nang mabasa ito ni Eric, alam nyang may mali sa kaibigan. Tinawagan niya ito at sobrang lasing na si Dexter ng makausap niya.
“Pare, may problema ba?” tanong ni Eric.
“Pre, alam mo ba, wala na akong trabaho? Kung manghihiram ka sa akin na naman ay hindi ngayon ang tamang panahon,” pananarkastiko ni Dexter.
“Ano ba ang nangyari?” pagtataka ni Eric.
“Tinanggal kami lahat, Pre! Nagdeklara ng bankruptcy ang kompanyang pinapasukan ko. Ngayon, kailangan ko nang umuwi dyan. Hindi rin ako makahanap ng pamalit agad eh. Pre, paano na naman ang pamilya ko. Naiisip ko ang hirap na dinanas namin noon pero hindi ako nakinig sayo,” hindi mapigilan ni Dexter ang mapaluha sa sinapit.
“Umuwi ka na,” sambit ni Eric sa matalik na kaibigan.
“Umuwi ka na lang, pre. Dito natin pag-usapan yan. May gusto ako sayong sabihin. Pero, pag uwi mo na lamang,” patuloy nito.
Tuluyan na ngang umuwi si Dexter. Mabigat man ang kalooban, kahit paano’y nabawasan ito nang makita nya ang kaniyang mag-ina ng sunduin sya sa Airport.
Nang malaman ni Eric na nakauwi na si Dexter, dali-dali niya itong pinuntahan. Hindi alam ni Dexter ang irereak nang makita niya ang matalik na kaibigan.
“Pare! Maari muna ba kitang mahiram sandali? Gusto ko lamang kausapin ka,” aya ni Eric.
Tumango at sumunod si Dexter sa kanya.
Habang naglalakad, “Pare, pwede ba h’wag mo na muna akong sermunan. Alam ko na ang mga nagawa kong kamalian. Hindi ko kailangan ngayon ng magpapamukha sa akin nyan.”
“Pare, hindi ganoon ang nais kong sabihin. May gusto lamang sana ako sa iyong ipakita,” ani Eric.
“Andito na tayo, pare!” sambit ni Eric habang ipinakikita sa matalik na kaibigan ang isang manukan at maliit na palaisdaan.
“Bakit tayo narito, Pare?” pagtataka ni Dexter.
“Gusto ko lang malaman mo, Pare na lahat ng ito ay sa iyo,” paglalahad ni Eric.
Nagtataka na nagtanong si Dexter, “Pero paanong nangyari na sa akin ang lahat ng iyan?”
“Natatandaan mo ba lahat ng pangungutang ko sa iyo? Dito ko lahat iyon inilagay. Naisip ko kasi na sa uri ng pamumuhay mo roon at sa kahit ano pang pagpapaalala ko sa iyo ay hindi ka nakikinig, nangamba ako.
Nangamba ako na isang araw mawala na lang lahat ng pinagpaguran mo at ang mga tinuturing mong kaibigan ay tatalikuran kapag wala na silang mapala sa iyo,” pagpapaliwanag ni Eric habang nakatingin sa malayo.
“Hindi ko maaatim na makita ka ulit sa ibaba, Pare. Kaya naisip ko na gumawa ng kwento para makahiram ng pera sa iyo. Pinag-aralan kong maigi kung saan ko pwedeng i-invest ang pera mo. Natatandaan mo nung mga bata pa tayo? Ito ang hilig nating gawin. Ang mamingwit ng isda at mag-alaga ng manok. Kaya ito ang naisip ko,” pagpapatuloy ni Eric.
“Heto, Pare!” sambit ni Eric habang may iniaabot na booklet sa kababata.
“Narito ang lahat ng kinita ng manukan at palaisdaan. Maari kang magsimula ulit. Ngunit pinapaalala ko lamang sa iyo na sa pagkakataong ito, sana alagaan mo ang ano mang mayroon ka. At isipin mo ang kinabukasan ninyong mag-anak.” muling pagpapaalala ni Eric.
“Maraming Salamat, Pare! Hindi ko alam kung paano kita mapasasalamatan. Pasensya ka na sa akin, sa lahat ng mga nagawa ko at nasabi ko sa iyo,” nahihiyang paghingi ni Dexter ng paumanhin sa kaibigan.
Mula noon, hindi na naging bulagsak sa pera si Dexter. Natutunan na rin niyang pangalagaan ang lahat ng kinikita. Napayabong nilang magkaibigan ang manukan at palaisdaan. At kahit kailan ay hindi na muling bumalik si Dexter kanyang mga maling gawain.