Inday TrendingInday Trending
Hiwalayan Dahil sa Bukingan

Hiwalayan Dahil sa Bukingan

Isang masayang pamilya nga kung titingnan ang pamilya nina Mitch at Leo, kasama ang nag-iisa nilang anak na si Baby Paul.

Isang mapagmahal na asawa si Mitch. Alagang-alaga niya ang kaniyang mag-ama, samantalang napaka-responsable namang ama’t asawa ni Leo sa kanila. Nakadagdag pa nga ng saya ng kanilang pagsasama ang biyayang si Baby Paul.

Simula nang dumating si Baby Paul ay naging mas masigla ang kanilang tahanan. Masayang-masaya ang mag-anak dahil napakabibong bata ng tatlong taong gulang nilang anak. Kaya nga siguro ganoon din ang inihahatid na tuwa nito sa mga ninong at ninang nitong walang palyang dumadalaw sa kanilang inaanak. Kasama na roon ang kumpare ni Leo na si Narciso.

“Oh, pare, napadalaw ka?” Minsang dumalaw si Narciso sa bahay nina Leo at Mitch.

“Naku, nami-miss ko na kasi ang inaanak ko, pare, nandiyan ba siya?” tanong naman nito. May bitbit itong paper bags na may mga lamang laruan.

“Ay, oo, sandali at tatawagin ko,” sabi naman ni Leo.

Pumasok siya ng bahay at pinapasok niya rin si Narciso. Pagkatapos ay tinungo niya ang kuwarto at tinawag sina Mitch at Baby Paul.

Bakas ang biglang pagsigla ng mukha ni Mitch nang malamang nariyan si Narciso. Iyon ay agad na ipinagtaka naman ni Leo.

“Baby, look, oh! Nandiyan si Daddy Nars!” ani Mitch sa anak. Sinanay na kasi nitong Daddy ang tawag kay Narciso ni Baby Nars, dahil ang ito ang pinakamalapit na kaibigan nilang mag-asawa. Halos ituring na ngang kapatid ni Leo ito.

“Lalong gumuguwapo ang inaanak ko, ah!” bati ni Narciso sa bata.

“Siyempre naman, mana sa ninong e!” sagot ni Mitch.

Hindi alam ni Leo kung bakit tila hindi niya ikinatuwa ang sinabi ng asawang si Mitch. Ngunit ipinagsawalang bahala na lamang niya iyon.

Habang karga ni Narciso si Paul, ay tila may napansing kakaiba si Leo. Napansin niya kasing parang ito ang mas kamukha ng kaniyang anak.

“Baka guni-guni ko lang ’yon,” pangungumbinsi ni Leo sa kaniyang sarili.

Lumipas ang mga araw at patuloy na binagabag ng ganoong kaisipan si Leo. Palagi niyang isinasantabi ang mga iyon.

“Pare, tingnan mo itong application na ito,” minsa’y anang kaniyang katrabaho sabay pakita ng cellphone nito.

“Ano naman ’yan?” tanong niya.

“Face App ’yan, Pare. P’wede mong i-edit ang sarili mong mukha para makita mo kung ano’ng hitsura mo ’pagtanda,” sabi naman nito.

Tila naman nagkaroon ng ideya si Leo. “Ayos, ah!” sabi niya. “Pasahan mo nga ako.”

Nang matapos siyang pasahan nito’y agad niyang sinubukan ang application. Ini-edit niya ang mukha ng kaniyang anak na si Baby Paul upang makita ang hitsura nito, pagtanda.

Nagbabakasakali kasi siyang magbago pa ang features ng mukha nito at maging kamukha niya—ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang mas lalong lumabas ang katotohanan…

Walang duda, mukha ni Narciso ang lumabas!

Galit na umuwi si Leo nang gabing iyon. Gusto na sana niyang komprontahin si Mitch. Gusto na niyang makipaghiwalay dito. Niloko siya ng asawa niya!

Ngunit nagbago ang kaniyang isip.

Nakita niya ang diary ng asawa.

Naglakas loob siyang basahin ang ilang pahina.

Doon ay nalaman niya ang lahat ng tungkol sa ginawa nito…

Nang ipinanganak ni Mitch ang tunay na anak nila noon sa ospital habang nasa trabaho siya’y lumabas na itong walang buhay. Sinabi ng doktor sa asawa niya na hindi na ito magkakaanak. Ayaw ni Mitch na magbago siya dahil hindi na siya kayang bigyan ng anak ng asawa, kaya naman tinanggap nito ang alok ni Narciso.

May anak si Narciso sa girlfriend nito na parehong ayaw panagutan ng dalawa. Kaya naman ang batang iyon ang kinuha ni Mitch at pinagpanggap na anak nila!

Hindi alam ni Leo kung ano ang kaniyang iisipin, o kung ano ang dapat niyang gawin?

Nahuli siya ni Mitch habang hawak ang diary nito.

Nagulat ang kaniyang asawa at agad na nataranta. “M-mahal…” tawag nito sa kaniya.

Gusto niyang ipukol ang masamang tingin kay Mitch, ngunit nang makita niya ang lumuluha nitont mga mata ay agad na lumambot ang puso niya. Naiintindihan niya ang asawa.

“Mahal, magpapaliwanag ako! Sorry, mahal!” sabi nito.

Tinakbo ni Leo ang kinatatayuan ng asawa at mahigpit itong niyakap.

“Mahal kita, Mitch, kahit na nagkamali ka. Sana, sa susunod, huwag mo na akong pagtataguan. Tandaan mong mamahalin kita, ano man ang mangyari,” saad niya.

Buo na ang desisyon ni Leo. Hindi matutuloy ang hiwalayan nila. Nang dahil sa nangyaring iyon ay mas pinagtibay pa ang kanilang pagsasama.

Advertisement