Maagang nainis si Matilda nang araw na iyon. Plano niya kasing mamalengke mamaya pagkatapos niyang magbayad ng kuriyente.
Bago siya umalis ay ginawa muna niya ang ilang mga gawaing bahay dahil sigurado siyang hindi na naman iyon magagawa ng kaniyang asawang si Gilbert. Umagang-umaga kasi ay hawak na naman nito ang alaga nitong manok. Hihimas-himas doon dahil may laban na naman yata mamaya. Asar na asar tuloy siya nang magpasyang umalis na. Kinuha niya ang basket na paglalagyan niya mamaya ng mga pinamili, pati na rin ang sobre kung saan nakalagay ang bill ng kanilang kuriyente. Nakaipit din doon ang nakabukod na perang pambayad niyon.
Walking distance lang naman ang layo ng kanilang tahanan kaya’t hindi na nag-abala pang sumakay si Matilda. Umaga naman at hindi pa tirik ang araw. Agad siyang dumiretso sa Bayad Center at napag-alamang kay haba na pala ng pila! Nakadagdag tuloy sa kaniyang init ng ulo ang sitwasyon.
Maya-maya pa ay sa wakas at natapos din siya sa pagbabayad! Dumiretso na siya sa pamamalengke dahil tanghali na.
Napakunot na naman ang noo ni Matilda nang marating ang pamilihan dahil siksikan na naman ang mga tao!
“Pesteng buhay ito, oh!” napapalatak na lang siya.
“Suki!” sa paglalakad niya sa kahabaan ng palengke ay tinawag siya ng kaniyang suking tindera.
“Oy, suki!” bati niya.
“Ano bang hanap mo ngayon?” agad nitong tanong
“Naku, tamang-tama’t magpapakbet sana ako ngayon!” sabi niya.
Ngunit hindi pa man siya nakakapamili nang maayos ay may biglang sumingit sa tabi niya…
“Pasensiya na po, nagmamadali lang ako. Mayroon po ba kayong tindang luya’t patatas?” ang sabi ng marungis na bata na biglang sumiksik kay Matilda.
“Mayroon, hijo, ito.” Iniabot ng tindera ang mga kailangan nito. Umalis ang bata matapos magbayad.
Magbabayad na rin sana si Matilda nang kapain niya ang bulsa ng kaniyang duster at wala roon ang wallet niya!
“Sandali! Ninakaw no’ng bata kanina ang wallet ko!” hiyaw niya. Walang pagdadalawang isip sa sinabi.
Agad na narinig ng ilan sa mga taong nasa paligid ang sinabi niya. Hindi pa noon nakakaalis nang tuluyan ang bata dahil bumibili pa ito ng karne ng manok.
“Hoy!” sinigawan niya ito. Nasa likod niya ang pulis at ilang usisero.
“B-bakit po?” Bakas sa mukha ng bata ang takot.
“Ninakaw mo ang wallet ko! Nasaan na? Ilabas mo!” galit na sabi ni Matilda.
“Ma’am, pasensiya na po, pero hindi po ako ang kumuha ng wallet n’yo!” pagtanggi naman nito.
“Aba’t nagmamaang-maangan ka pa!” napasigaw na siya sa galit.
“Maniwala po kayo! Wala po akong kinuha, hindi po ako iyon!” sabi nito.
Natapon na ang mga ipinamili ng bata. Kinapkapan pa ito ni Matilda. Nakita niyang may pera sa bulsa nito kaya’t kinuha na niya.
“Huwag n’yo pong kunin iyan! Kinita ko po iyan kahapon. Parang awa niyo na po!” pagmamakaawa nito.
Ngunit tila bato na ang puso ni Matilda. “Hulihin n’yo na iyan, sir,” utos niya sa pulis na kasama. Pagkatapos ay tinalikuran niya na ang mga ito. Iniwan niyang masasama ang tinging ipinupukol ng mga tao sa batang marungis.
Binayaran na ni Matilda ang kaniyang ipinamili. Mabuti na lamang at sapat ang perang natira galing sa kaniyang wallet na ninakaw ng bata. Agad na umuwi si Mailda pagkatapos niyon dahil tanghali na. Kailangan na niyang magluto!
Sinalubong siya ng nakakunot na noo ng asawang si Gilbert. Napataas naman ang kilay niya dahil doon.
“Ano ang problema mo? Alam mo bang napakahirap ng pinagdaanan ko ro’n sa palengke? Diyosmiyo!” aniya sa asawa.
“Aba’y nagtataka lang ako kung saan mo kinuha ang perang ipinamili mo?” tanong nito habang nakatingin sa basket na dala niya.
“Saan pa, e ‘di sa pera ko? Alam mo bang ninakawan pa ako ng wallet? Muntik na akong walang ipinamili, buti na lang at nabawi ko!” sabi naman ni Matilda.
“Paanong mawawala ang wallet mo, ha, Matilda? Eh, naiwan mo nga iyon doon sa ibabaw ng TV!” bulalas ni Gilbert!
“A-ano kamo?” Tila nanghina ang tuhod ni Matilda sa narinig.
“Saan mo binawi ang perang sinasabi mo? Hindi sa iyo ang kinuha mo, Matilda!” asar na sabi ni Gilbert.
“A-akala ko kasi…” hindi na niya natapos pa ang sasabihin.
Nanghina na lamang si Matilda sa narinig. Bumalik sa balintataw niya ang hitsura ng nagmamakaawang mukha ng bata na hanggang ngayon yata ay nakakulong pa. Napaiyak na lang siya sa kaisipang nambintang siya ng isang musmos at kinuha niya pa ang perang pinagpaguran nito! Dahil lang sa isang maling akala, nagdurusa ngayon ang bata!