“Maʼam, nawawala po ang cellphone ni Mel!” sigaw ng isa sa kaniyang mga estudyante pagkatapos niyang makapasok sa room.
Kagagaling lang niya sa kabilang klase at mainit ang ulo niya dahil sa ingay ng mga iyon, pagkatapos ay ito pa ang sasalubong sa kaniya ngayon dito?
“Sino sa inyo ang kumuha?! Inspect all their things!” galit na utos niya na agad namang sinunod ng mga estudyante.
“Maʼam nandito po sa bag ni Andrea!” maya-maya paʼy sigaw ng estudyanteng nawawalan ng cellphone.
Napatingin siya sa estudyanteng may-ari ng bag. Tila nagulat ito. Sa isip ni Melissa ay nagkukunwari pa itong walang alam.
“Maʼam, hindi po ako ang kumuha!” pagtanggi nito.
“Nagsisinungaling ka pang magnanakaw ka! Bakit nangunguha ka ng gamit nang may gamit? Naiinggit ka kay Mel?” sabi niya. Natigilan ang halos buong klase dahil sa isinigaw niya.
“Maʼam, hindi po! Maʼam, hindi po ako ang kumuha!” muli pang tanggi nito. Paiyak na.
“Manahimik ka! Ibabagsak kita. Ipapaalam ko sa ibang teachers ang ginawa mo. Hindi tino-tolerate ng eskuwelahang ito ang mga kagaya mong magnanakaw! Iyan ba ang itinuturo sa iyo ng mga magulang mo?!”
Dahil doon ay napahagulgol na nang tuluyan si Andrea. Hiyang-hiya siya dahil sa mga salitang ibinato ng kanilang guro sa kaniya.
Natapos ang klase nang nakayuko lang si Andrea at umiiyak.
Kinabukasan…
Palabas na sana ang gurong si Melissa sa kanilang faculty room, dahil siya na lang ang natitira doon. Nagpatawag kasi ng urgent general meeting ang principal ng pinagtatrabahuhan niyang eskwelahan, nang makarinig siya ng ilang estudyanteng nagbubulungan sa tapat ng bintana ng kaniyang kinaroroonan.
“Natatakot ako, bes!” anang isa sa nanginginig na tinig.
“Ako rin, bes… pero, ‘di ba sabi mo kahapon, sure ka naman na si Andrea ang nagnakaw ng cellphone mo?” saad naman ng kausap nito.
“B-Bes, na-misplace ko lang pala. Napagkamalan kong bag ko ʼyong bag ni Andrea kaya doon ko nailagay! Parehas kasi ng kulay ang bag namin, e!” anito bago humagulgol sa kausap. Pahid ito nang pahid ng luha sa ilalim ng suot nitong salamin sa mata, na kahapon ay hindi nito dala.
“P-paano ‘yan, bes?!” natataranta na ang kausap niya.
“Ewan ko… Hindi ko naman alam na ipapahiya siya ni Ma’am sa buong klase natin, e. Ano’ng gagawin ko?!” umiiyak pang sagot ng tinawag na Bess ng kausap.
Naiinis na lumabas si Melissa mula sa loob ng faculty room dahil sa kaniyang mga narinig. Agad siyang nilukob ng kaniyang konsensiya nang mag-balik sa kaniyanh ala-ala ang umiiyak na mukha ng batang ipinahiya niya kahapon dahil sa inaakala niyang kasalanang ginawa nito. Nagbalik sa kaniyang balintataw ang umiiyak nitong mukha na pinapahid ng patpatin at maitim nitong mga kamay.
Akmang lalapitan niya na ang dalawang estudyanteng iyon nang muling magsalita ang isa.
“Paano ‘yan, bes? W-wala na raw si Andrea… kinitil niya ang sariling buhay kanina dahil sa ginawa ni Ma’am!” tanong nito.
Agad na nagimbal ang gurong si Melissa sa kaniyang narinig. Literal siyang napahinto at napaupo sa sahig… at agad siyang nanginig sa takot, nang sa tapat ng mismong tainga niya ay may narinig siyang tinig na nagsalita…
“Sabi ko sa iyo, Ma’am, e. Hindi ako ang kumuha,” ang sabi ng pamilyar na tinig na nagpagimbal sa kaniya.
Kinilabutan ang guro. Natatakot siyang lumingon sa kaniyang gilid. Ngunit hindi na pala kailangan…
Bigla na lang lumitaw ang nakalutang na si Andrea sa kaniyang harapan!
Umiiyak ito at nakaturo sa kaniya.
“Ikaw ang may kasalanan, Maʼam! Nang mabalitaan ng mama ko na napagbintangan akong nagnakaw ay sumama ang loob niya. Inatake sa puso si Mama! Kasalanan mo! Ikaw ang may kasalanan!” sigaw nito.
Naiiyak na ang guro. Lumuhod siya sa harapan ng kaluluwa ni Andrea at humingi ng tawad. Dahil sa mali niyang akala ay dalawang buhay ang nasayang at tama ang bata! Siya ang may kasalanan!
Matapos ang pangyayaring iyon ay natanggalan ng lisensiya bilang guro si Melissa. Simula noon ay hindi na naalis sa utak niya ang pangyayaring naging dahilan ng pagkasira ng kaniyang pangalan. Dahil sa isang maling akala ay naging mitsa iyon ng dalawang buhay. Hindi kinaya ng konsensiya ni Melissa ang nangyari kaya nasira ang ulo nito.
Kung noon ay paaralan ang pangalawa niyang tahanan, ngayon ay nakakulong na lamang siya sa tahanan ng mga baliw at patuloy na kinukulit ng kaniyang konsensiya.