Inday TrendingInday Trending
Ang Pinto sa Panaginip

Ang Pinto sa Panaginip

Naalimpungatan si Xander mula sa pagkakahimbing. Hinihingal at hapung-hapo. Pangatlong gabi na siyang binabangungot ngayong linggo at hindi niya alam kung bakit. Ni hindi niya rin matandaan nang malinaw kung ano’ng nilalaman ng kaniyang mga panaginip. Ang tanging naaalala niya lamang sa tuwing siya’y magigising, nakikita niya ang mismong pinto ng kaniyang kwarto.

Sumilip siya sa kaniyang relo. “Four o‘clock na pala.” Napakamot siya sa ulo. Male-late na naman siya nito! Alas sais kasi ang call time niya sa trabaho, ngunit paniguradong aabutin na naman siya ng siyam-siyam dahil sa traffic. Lagi kasing traffic sa daanan niya papuntang trabaho dahil ginagawa ang kalsada, e, wala namang ibang kalsada na puwedeng daanan.

Nang makarating siya ng opisina ay agad siyang sinalubong ng isa sa mga officemates niyang si Patrick.

“Uy, pare, nabalitaan mo na ba ‘yong nangyari kay Mang Ambo?” Napaisip siya sa tanong ni Patrick. Kahapon lang ay ito rin ang tanong nito, ah? Minsan, hindi niya talaga natantya ang kaibigang ito.

“Alin? ‘Yong nakita siyang nakahandusay sa bodega?” tanong niya.

“Oo, ‘yon nga. Akala ko hindi mo pa alam, eh,” kakamot-kamot sa ulong sabi nito.

Natawa siya. Paanong hindi niya malalaman ‘yon, eh, kahapon pa nito iyon ibinabalita sa kaniya? Ang weird talaga ng taong ‘to.

Natapos ang araw ni Alex sa trabaho. Agad siyang umuwi pagkatapos ng shift niya upang makabawi man lang ng tulog. Pakiramdam niya kasi ay puyat na puyat siya. Kulang na kulang ang tulog niya.

Ngunit kagaya ng tatlong sunod-sunod nang gabi ay naalimpungatan na naman siya sa kasarapan ng kaniyang pagkahimbing. Ganoon ulit ang senaryo. Ang misteryosong pinto na naman ang laman ng kaniyang panaginip. Naghanda na siya upang pumasok sa trabaho at sa kung pang-ilan nang pagkakataon ay late na naman siya.

“Ano ba namang klaseng buhay ito!” hiyaw ng kaniyang isipan.

“Uy, p’re!” muli na naman siyang sinalubong ni Patrick nang dumating siya sa opisina.

“Heto na naman ang tsismoso!” Gusto sana niyang isatinig, ngunit pinigilan na lamang niya ang sarili, bagkus ay binati na lamang ito pabalik. “Yo!”

“Nabalitaan mo na ba ‘yong nangyari kay Mang Ambo?” tanong na naman nito.

Napasimangot siya sa muling pagtatanong nito ng ganoon kaya naman sa buwisit niya’y nilampasan na lamang niya ito at hindi na pinansin pa. Nagmadali siyang makarating sa puwesto. Nabunggo pa nga niya ang bisor nila! Kilala pa naman itong malupit at basta na lamang nagtatanggal ng taong hindi nito magugustuhan ang kilos. Mabuti na lamang at hindi siya pinansin nito o nilingon man lamang. Dire-diretso lamang ito na animo hindi siya nakita.

Kinabukasan, asusual, late na naman siya. Pagtapak pa lamang niya sa opisina ay nakita na niya si Patrick. Iiwas sana siya ngunit agad siyang hinawakan nito sa braso.

“Pare, nabalitaan mo na ba ang nangyari kay Mang Ambo?” tanong nito sa seryosong mukha.

“Oo nga! Ba’t ba ang kulit mo? Sinabi nang alam ko’ng natagpuan siyang nakahandusay doon sa lumang bodega! Tadtad ng saksak!” pabalang namang sagot niya sabay tabig sa kamay nito. Naiinis na siya sa kakulitan ng katrabaho.

“Oo, Pare. Pati nga ako, natagpuan na…” biglang sabi nito. Nagtaka siya.

“H-ha?” ang tanging nasambit ni Xander.

“Oo, pare, natagpuan na ako kanina, nabalitaan mo ba?” seryoso pang tanong nito. “Ikaw na lang ang hinahanap ngayon. Saan mo ba kinitil ang iyong buhay matapos mong makonsiyensiya sa ginawa mo sa ‘min nang mahuli namin ang ginagawa mong anomalya sa kompaniya?”

Bigla siyang napaisip…

Ngayo’y alam na niya kung bakit laman ng kaniyang bangungot ang pintong iyon ng kaniyang kwarto.

“Pare, bakit ginawa mo sa ʼmin ʼyon? Pinagkatiwalaan kita. Itinuring kitang kaibigan. May pamilya pang binubuhay si Mang Ambo!” nahihirapang tanong ni Patrick kay Xander na ngayon ay napayuko na lang.

Nagnanakaw ng pera sa kompanya si Xander. Isa kasi siyang expert IT at napasok niya ang system ng kanilang finance. Ngunit nahuli siya ni Patrick. Nagtalo sila noon at nakita sila ni Mang Ambo. Natakot siyang baka magsumbong ang mga ito, kaya ganoon na lang ang naging kilos niya. Nalilito na kasi siya kaya nagawa niyang paslangin si Mang Ambo at Patrick. Natapos iyon ay umuwi siya sa kaniyang bahay. Pumasok siya sa kaniyang kuwarto at doon kinitil ang sarili niyang buhay. Hindi niya kinaya ang parusa ng kaniyang konsensya.

“Akala mo ba matatakasan mo ang ginawa mo, pare?” malungkot na sabi ni Patrick. “Nagkakamali ka, Pare, dahil ngayon ay magsisimulang muli ang parusa mo. Babalik at babalik ka sa panahong pinakagusto mong kalimutan. Patuloy kang guguluhin ng iyong konsensiya.”

Iyon ang huling naging salita ni Patrick kay Xander. Iniwan siyang nagsisisi sa kasalanang ginawa, kahit huli na ang lahat.

Advertisement