Isang masipag na fourth year high school student si Jasmine. Bukod pa roon ay napakaganda at napakatalino niya. Bahay at school lang ang palaging routine ng dalaga, at hindi siya mahilig sa gimik at pakikibarkada tulad ng ibang mga ka-edad niya.
Minsan ay niyaya siya ng mga kaklase at kaibigan niyang uminom. Mariin siyang tumanggi ngunit mapilit ang mga ito. Kasama noon ang crush niyang si Pierre, kaya naman nakatulong iyon upang pumayag siya kahit hindi naman siya sanay sa inuman.
Nalasing ang dalaga. Halos hindi na nga siya makagulapay sa kalasingan. Inalalayan siya ni Pierre na noon ay lasing na rin. Nagkaroon ng hindi sinasadyang pangyayari. Nang mga sandaling iyon ay tila nawala sa sarili si Jasmine. Hindi inaasahang may nangyari sa kanila ni Pierre.
Matapos iyon ay wala silang naging imikan ni Pierre. Alam ni Jasmine na wala siyang mapapala sa binata dahil hindi naman siya nito gusto. Hanggang sa makalipas ang tatlong linggo at nagkaroon siya ng ilang sintomas…
“Buntis ka, hija!” bulalas ng OB sa clinic na pinuntahan niya.
Nanlumo si Jasmine, ngunit tinatagan niya ang kaniyang loob. Hindi niya inisip na saktan o ipalaglag ang kaniyang anak.
Ipinaalam ni Jasmine ang totoo sa kaniyang mga magulang. Siyempre, noong una’y nagalit ang mga ito. Ngunit sabi nga, walang magulang na kayang tiisin ang kaniyang anak, kaya naman mabilis lamang din siyang napatawad ng mga ito.
Ipinagpatuloy ni Jasmine ang pag-aaral ng kolehiyo sa probinsya. Doon ay nakilala niyang muli ang kababatang si Beth na kalaunan ay itinuring niya nang bestfriend.
Sa hirap ng buhay ay kinailangang mag-abroad ni Jasmine nang makatapos siya ng kolehiyo. Iniwan niya ang kaniyang anak sa pangangalaga ng kaniyang kapatid. Ilang taon na ring namamalagi noon si Jasmine sa abroad, at unti-unti na rin silang nawalan ng communication ni Beth. Hanggang isang araw ay nakatanggap siya ng tawag mula rito.
“Bess!” ang bungad ni Beth nang sagutin ni Jasmine ang telepono.
“Hello, bess!” bati naman niya pabalik.
“Oh, God! I missed you so much!” sabi nito.
“I miss you too, bessy! Sorry, ha? Masiyado kasi akong busy, e,” sagot naman niya.
“Hmmp! Oo nga, e. Pati mga social media accounts mo, hindi na rin active,” nagtatampo namang sabi ni Beth sa kabilang linya.
“Sorry talaga, bess. Alam mo naman, kahit noong college, hindi na ako mahilig sa social media, e.”
“Anyways, kaya ako napatawag, kasi gusto kitang imbitahan, bess. Baka naman puwede kang umuwi para sa kasal ko.”
Nagulat si Jasmine sa narinig. “Wow! Ikakasal ka na?!” natutuwang tanong niya.
“Oo, e. Huwag kang mawawala, ha?”
Agad na nag-file ng leave si Jasmine sa trabaho upang makauwi. Dalawang buwan siyang mananatili sa Pilipinas hanggang sa ikasal ang bestfriend niyang si Beth.
Ngunit tila hindi naging maganda ang desisyon niyang iyon… dahil nang ipakilala ni Beth sa kaniya ang Fiance nito’y, hindi niya inaasahan ang pamilyar na lalaking nakita.
Si Pierre! Ang tatay ng kaniyang anak, ay ang fiance ng bestfriend niya!
Kabadong-kabado si Jasmine nang mga sandaling iyon. Kahit si Pierre ay nagulat. Pinagpapawisan nang malagkit si Jasmine, lalo na nang biglang tumakbo papalapit sa kaniya ang anak niyang si Pierra.
“Wait, bess, magkakilala ba kayo?” tanong ni Beth nang mapansing tila nagkagulatan sila.
“M-magkaklase kami no’ng highschool…” si Pierre ang sumagot habang titig na titig kay Pierra.
Lalong kinabahan si Jasmine. Dahil kamukhang-kamukha ni Pierre ang anak nila!
“B-Bess, pasensiya ka na, sumama kasi ang pakiramdam ko, e. P’wede bang umuwi na muna ako?” bigla siyang nagpaalam kay Beth, na nang mga sandaling iyon ay mahahalatang nagtataka na.
“S-sige, bess, okay ka lang ba? Gusto mo bang ihatid ka na namin?” tanong pa nito ngunit mariin nang tumanggi si Jasmine.
Matapos iyon ay hindi na muna nagpakita pa si Jasmine sa mga ito. Hindi niya sinasagot ang tawag ng kaniyang bestfriend na si Beth. Ayaw niyang makagulo sa mga ito. Ayaw niyang masira silang magkaibigan!
Ngunit sadya nga yatang mapagbiro ang tadhana. Dahil isang araw, nang magpunta siya sa grocery store ay nagkita sila ni Pierre.
“Bakit hindi mo sinabing may anak tayo?” tanong nito.
Siyempre, tumanggi siya. Ngunit biglang naglabas ng picture si Pierre mula sa kaniyang bulsa. Picture ito ng lalaki noong bata siya, at walang duda, doon pa lang ay alam nang ito nga ang ama ni Pierra.
“Pananagutan kita, Jasmine! Hindi ko itutuloy ang kasal namin ni Beth!”
Nagulat siya sa sinabi ng lalaki.
“A-anong sinasabi mo?! Hindi mo p’wdeng gawin ’yan!” saad niya. Ayaw niyang magkasira silang magkaibigan. Wala namang ipinakitang masama sa kaniya si Beth, kahit kailan!
“Sa ’yo ako may pananagutan, Jasmine. Kailangan ng anak natin ng ama!”
Hindi nakasagot si Jasmine. Matagal din siyang nag-isip. Ngunit hindi nagbago ang desisyon niya.
“No, Pierre, hindi ako papayag. Pakasalan mo ang bestfriend ko!” mariing pahayag niya.
“I knew it!”
Napalingon sina Jasmine at Pierre nang marinig mula sa likod nila ang boses na iyon ni Beth. Nanlaki ang kanilang mga mata.
“B-Bess, magpapaliwanag ak—”
“Okay lang, bess!” hindi na natapos pa ni Jasmine ang sasabihin. “Noong una pa lang ay may hinala na akong si Pierre nga ang ama ni Pierra. Sa pangalan pa lang, e. Plus, nakita ko ’yong pictures niya noong bata siya, so confirmed!”
Nakangiti lang si Beth. Tila hindi iniinda ang nangyayari na ipinagtataka naman ni Jasmine.
“Ako rin, may aaminin sa inyo,” sabi nito. “Wala talaga akong feelings kay Pierre. Na-pressure lang akong magpakasal kaya umoo ako noong mag-propose siya. Sina Mommy kasi, pinipilit na akong mag-asawa,” pag-amin pa nito.
Napangiti na lang si Pierre. “Me too,” sagot ng lalaki. Nagkatawanan pa sina Beth at Pierre sa mga nalaman nila, habang si Jasmine ay naiwang tulala.
“Can somebody tell me what is happening in this world?” tanong niya, ngunit wala nang naging pag-uusap pa nang itulak ni Beth si Pierre sa kaniyang tabi, dahilan upang ma-out of balance ang lalaki at mapayakap kay Jasmine.
“I wish you all the best, Bestfriend. Please accept him. Gusto kong mabuo ang pamilya n’yo para maging masaya na rin ang inaanak ko,” nakangiting sabi ni Beth bago siya niyakap nito.
Hindi niya alam kung ano ang sasabihin ngunit nang mga sandaling iyon ay niyakap niya pabalik ang kaibigan. Alam niyang iyon na ang simula ng tuluyang pagsasaayos ng buhay nilang mag-ina. Salamat kay Pierre na handa siyang panagutan maging sa bestfriend niyang handang magparaya.