Patunayan Mong Mahal Mo Ako, I-post Mo!
“Break na tayo!”
Galit na galit ang second year highschool na si Micah habang ipino-post ang mga salitang iyon sa Facebook. Naka-tag din iyon sa boyfriend niyang si Hans.
Maya-maya pa’y tumunog ang kaniyang cellphone dahil sa isang notification. Nagcomment pala roon ang boyfriend niyang kapwa second year highschool pa lang din.
“Bakit naman?” ang comment nito na mayroon pang emoji na umiiyak.
“Puro ka na lang ML! Hindi ka man lang nagpo-post ng tungkol sa akin. Paano mo patutunayang mahal mo ako?” sagot naman ni Micah.
Isinend pa niya sa comment section ng kaniyang post ang isang screen-shot kung saan may lalaking nag-post ng long sweet message para sa weeksary nila ng girlfriend niya. “Ganito ang tunay na lalaki! Kayang ipagmalaki ang girlfriend niya!” sabi pa ni Micah.
“Grabe ka naman! Kapag mahal kailangan naka-post?” tanong pa ni Hans.
Sinagot lang siya ni Micah ng, “Ewan ko sa ’yo!”
Dahil sa pagtatalo nilany iyon sa Facebook ay nakisali ang ilan sa kanilang mga kaklase. Doon sila nag-away-away. Ang iba ay kampi kay Micah, habang ang iba naman ay kay Hans. Nagkahamunan pa roon na magkikita sa eskinita pagkatapos ng klase para magsabunutan at magsuntukan sila.
Hanggang sa mapadaan iyon sa newsfeed ng kanilang guro. Gulat na gulat ito nang makita at mabasa ang nangyari.
“Micah, Hans, ano’ng ibig sabihin nitong pinagpo-post n’yo sa Facebook?!” galit na sabi ng teacher nila.
“Ma’am si Micah po kasi ’yon…” katuwiran ni Hans.
Hindi naman makapagsalita si Micah dahil sa hiya.
“Gusto kong makausap ang mga magulang n’yo. Alam ba nila na ganiyan ang ginagawa n’yo sa facebook?” tanong nito.
Walang naisagot ang dalawa. Ang totoo kasi ay hindi rin alam ng mga magulang nila na nagbo-boyfriend at girlfriend na sila sa napakabatang edad pa lang. Siguradong pagagalitan sila kapag nalaman iyon ng kanilang mga magulang.
Nagpadala ng notice via text message ang kanilang teacher sa kani-kaniyang magulang ng dalawa. Ipinaalam nitong kailangan nilang magkausap-usap sa guidance office ng kanilang eskuwelahan.
“Oras ng klase, pero nakakapag-post kayo ng ganoong mga status?” iiling-iling na tanong ng guidance councilor ng school. “Napakababata n’yo pa, hija’t hijo! Pinagmulan pa kayo ng away ng mga kaklase n’yo!” sabi pa nito.
Samantalang halos hindi naman maiangat ng kanilang mga magulang ang mukha ng mga ito dahil sa kahihiyan. Hindi nila alam kung magagalit ba sa mga anak o kung ano pa ang gagawin nila pagkatapos ng pag-uusap.
“Nakita n’yo na, Micah? Ang mga magulang n’yo ang napapahiya sa ginagawa ninyo! Aba’y mahiya naman kayo sa kanila. Kumakayod ang mga iyan para mabuhay kayo mang maayos, pagkatapos ay ganiyan lang ang ginagawa ninyo!” panenermon ng kanilang guidance councilor.
“Ni hindi pa nga yata nila alam na pumapasok na kayo sa mga relasyon, ano? Pagkatapos, ganiyan pa ang mangyayari!”
“Isa pa, Micah, para sa inyong mga kabataan, nasusukat ba talaga ang pagmamahal sa pamamagitan ng pagpo-post ng long sweet messages? Sweet chat? Bakit ganiyan ang depinisyon ng mga bata ngayon tungkol sa pagmamamahal? Napakababaw!”
Nanatiling nakayuko ang dalawang bata habang pinagsasabihan. Tinatamaan sila sa sinasabi ng guidance councilor.
“Ang mga magulang ba ninyo, hininging i-post n’yo ang messages n’yo sa kanila sa Facebook? Kinailangan ba nila ng long sweet messages sa chat para mapatunayan n’yong mahal n’yo sila bago kayo bigyan ng baon? ’di ba, hindi naman? Ang mga magulang n’yo ang nagbigay ng pagmamahal na kahit anong status sa internet, post sa Facebook, ay hindi mapapantayan!”
Mahaba ang naging litanya ng guro.
“Pasensiya na po, Ma’am,” paghingi na lang ng paumanhin ang tanging nagawa ng nanay ni Micah at ganoon din ang kay Hans.
Halos paiyak na ang dalawang ina. Bakas din ang galit sa mukha ng mga ito dahil sa ginawa ng kanilang mga anak. Hindi kinibo ng mga ito sina Micah at Hans hanggang sa makauwi.
“M-Ma, sorry po,” ani Micah nang makababa sa tricycle.
Napagtanto niyang tama ang lahat ng sinabi ng kanilang guidance councilor. Hindi pa naman kasi dapat pagbo-boyfriend ang inaatupag nila. Mas marami pang bagay na mas dapat pagtuunan ng pansin bukod sa pagnonobyo!
“Ayos lang, anak. Pero sana, huwag mo nang uulitin. Pagbibigyan kita ngayon, pero hindi ko palalampasin kapag may sumunod pang ganito.”
Niyakap ni Micah nang mahigpit ang kaniyang ina at nang araw na iyon ay nangako siyang hindi na uulit.
Natutunan niyang hindi nakabase kung gaano kahaba ang mensahe sa iyo ng isang tao upang masabing mahal ka nito. Dahil mahal sila ng kanilang mga ina, hindi man nila madalas iyong sabihin.