Isang buwan matapos ang graduation ni Cecil sa kolehiyo ay nagpropose sa kaniya ang nobyong si Andrew. Kaharap ang kanilang mga pamilya ay lumuhod ang binata at inalok si Cecil ng kasal.
“Yes! Oo, pakakasalan kita!” naluluhang sagot ng dalaga at saka na siya sinuotan ni Andrew ng singsing. Masayang-masaya ang lahat sa desisyon ng mag-nobyo, at napag desisyunan na makalipas ang isang taon ay ikakasal na ang mga ito.
Wala pang isang linggo ang nakalilipas matapos magpropose si Andrew ay may isa na naman itong balitang sinabi kay Cecil.
“Mahal, kailangan kong umalis sa susunod na linggo. May misyon kasi kami at pinapatawag ako sa kampo,” ani Andrew na siyang ikinabagsak ng mga balikat ng dalaga. Batid niyang ito palagi ang magiging problema simula pa lamang nang pumasok sa military school ang nobyo.
Dahil sa pangarap ito ni Andrew simula pagkabata ay sinusuportahan na lamang ni Cecil ang lahat ng mga aktibidad nito, at palagi na lamang niya pinagdarasal sa Maykapal na sana ay palagi lamang nasa maayos na kalalagayan ang mapapangasawa.
“Wala naman akong magagawa riyan sa trabaho mo, mahal. Basta ang palagi ko lang sinasabi sa’yo ay mag-iingat ka at tatandaan mong marami kaming nagmamahal sa’yo na palaging maghihintay sa pagbabalik mo,” sambit ng dalaga at saka nito niyakapang nobyo. Tinulungan niya pa itong mag empake ng mga gamit at siya pa nitong inulut-ulit kay Andrew na palaging mag-iingat.
Makalipas ang isang linggo ay inihatid na ng pamilya ni Andrew ang binata sa kampo kasama si Cecil. Pinabaunan ng dalaga ang mapapangasawa ng mahigpit na yakap at matamis na halik bago ito tuluyang magpaalam at pumasok sa kampo.
Puno man ng pangamba at pag-aalala ang kaniyang puso ay sinikap ni Cecil na maging matatag. Palagi itong nagdarasal ukol sa kaligtasan ni Andrew, at ni minsan ay hindi nawaglit sa isipan ng babae ang kaniyang mapapangasawa.
Mahigit dalawang buwan nang naghihintay si Cecil ng kahit isang tawag mula sa nobyo. Batid niyang sa trabahong pinasok ng kaniyang asawa ay hindi talaga ito makaka-kontak ng basta-basta. Laking tuwa ng dalaga nang magring ang kaniyang telepono – sa wakas ay tumawag na rin si Andrew.
“Mahal! Kamusta ka d’yan? Maayos ka ba? Ano na bang nangyayari r’yan? Kalian ka ba uuwi?” sunod sunod ang tanong ng dalaga habang maluha-luha sa kasiyahan dulot ng pagtawag ng nobyo.
“Namimiss na kita, mahal…” panimulang tugon ni Andrew sa nobya. “Maayos ako rito, huwag kang mag-alala at inaalagaan ko namang mabuti ang sarili ko katulad ng palaging bilin mo. Kayo ba, kamusta d’yan?”
“Maayos kami rito, mahal. Nag-aalala lang kami sa iyo dahil ngayon ka lang ulit nakatawag…” ani Cecil na puno ng pag aalala.
“Huwag kang mag alala ha? Malapit-lapit na rin akong umuwi. Oh siya, kailangan ko nang bumalik sa duty. Mag-iingat ka palagi d’yan. Babalik ako at pakakasalan pa kita. Mahal na mahal kita,” sambit ni Andrew at saka narinig ni Cecil ang mga putok ng baril at mga pagsabog.
“Mahal na mahal kita, Andrew. Maghihintay ako,” matapos sabihin iyon ni Cecil ay siya nang ibinaba ng binata ang tawag.
Napabuntong hininga ang dalaga at nagsimula na itong umiyak at magdasal na sana ay makabalik pa nang buhay ang kaniyang mapapangasawa. Dahil walang kasiguraduhan ang kaligtasan ni Andrew ay hindi maiwasang mag-isip ni Cecil na baka isang araw ay iuwi na lamang ito sa kaniya na wala nang buhay.
Anim na buwan na ang nakalipas mula noong huling makarinig ng balita sina Cecil ukol sa kalagayan ni Andrew. Hindi ito tumatawag, at alam ng dalaga na dapat ay nakauwi na ito ilang araw mula ngayon. Ngunit walang dumarating na Andrew sa kanilang bahay at wala ring kamag anak nito ang tumatawag kung sakaling napahamak man ito sa kanilang misyon. Para maibsan ang nararamdamang pagkabalisa at kalungkutan ay nagpatuloy na lamang si Cecil na mag asikaso upang pumasok sa trabaho.
Laging tinitingnan ng dalaga ang kaniyang singsing – ito lamang ang alaalang naiwan ng kaniyang nobyo simula nang umalis ito.
Paglabas ni Cecil at papasakay na sana ng bus nang makatanggap ito nang tawag mula sa isang hindi kilalang numero – hindi sanay sa pagsagot ng mga tawag mula sa mga hindi naka save na number ang babae kung kaya’t ipinagkibit-balikat na lamang niya ito at saka na sumakay ng bus at dumiretso sa trabaho.
Nang matapos ang isang araw ng pagod at hirap sa opisina ay matamlay na umuwi si Cecil – madalas na nilalaro nito ang kaniyang singsing at para bang sobrang lugmok ng kaniyang pakiramdam. Nakatanggap muli ang babae ng tawag mula sa kaparehong numerong tumawag bago siya pumasok sa trabaho ngunit katulad kanina ay hindi niya rin ito sinagot.
Nang makarating ang babae sa kanilang bahay ay agad itong nagmano sa kaniyang mga magulang at saka dumiretso sa kaniyang kuwarto. Nag asikaso ito ng sarili at saka na humiga sa kaniyang kama. Wala pang ilang minuto ay pinuntahan si Cecil ng kaniyang ina sa kwarto nito – inabisuhan siya nitong bumaba muli sa sala dahil mayroon silang dapat pag usapan. Bagsak ang balikat ng dalagang lumabas ng kuwarto – nang pababa ito ay tila may ingay na nanggagaling mula sa sala. Nang tulyan siyang makababa ng hagdan ay halos hindi makapaniwala ang babae sa kaniyang nakita. Naroon si Andrew, ang lalaking kaniyang mapapangasawa – nakangiti at may dala dalang bulaklak.
“Hi mahal, kamusta ka?” sambit nito habang tumatakbo si Cecil papunta sa kaniyang direksyon. Niyakap siya nito at umiiyak ang babae sa sobrang saya. “Sinabi ko naman sa’yo antayin mo lang ako eh…” dagdag pa nito na may malawak na ngiti sa kaniyang mga labi.
“Pasensya ka na at hindi ako nakakatawag nang madalas, nasa isla kami at mahirap ang signal doon. Pero heto na ako ngayon, ligtas ako… at pakakasalan kita,” sambit pa ni Andrew na siyang lalong nakapagpasaya sa kaniyang nobya.
“Hindi ka na ba aalis, mahal?” may luha sa mga mata ni Cecil.
“Hindi na ako aalis, para sa’yo at sa magiging pamilya natin,” tugon ni Andrew at saka nito binigyan ng mahigpit na yakap ang nobya.
Ilang buwan pa ay nagpakasal na sina Andrew at Cecil – nakapagpundar ang dalawa ng sariling bahay mula sa ipong pera, at saka nagtayo ng sariling negosyo.
Siya pa ring paminsan-minsang umaalis si Andrew papunta ng kampo ngunit nagrereport na lamang ito – nagrequest ito na hindi na sumama sa mga misyon, at ilang taon ay magbibitiw na rin ito bilang sundalo para sa kaniyang magiging pamilya sa hinaharap.