Matalino si Haidee at napakasipag mag-aral kaya naman palagi siyang nangunguna sa kanilang klase kaya kapag sumasapit ang bigayan ng mga parangal sa eskwelahan ay siya ang humahakot lahat kaya tuwang-tuwa ang kanyang mga magulang, mga kaibigan, at mga guro.
“Wow, congratulations, Haidee! Ikaw na naman ang pinakamagaling na estudyante ngayong taon, ang galing-galing mo talaga!” masayang bati ng kaklase at kaibigan niyang si Paulene.
“Puwede ba sa susunod magbigay ka naman sa iba, Haidee. Puro ikaw na lang palagi ang umaakyat sa entablado at tumatanggap ng medalya, e,” sabad naman ng kaibigang si Evelyn.
“Kung may susunod pa? Di ba ngayon na ang huling recognition day dahil dalawang linggo na lang at ga-gradweyt na tayo? Wala na silang habol, si Haidee na talaga ang pinakamahusay sa batch natin at siguradong siya na ang class valedictorian,” natatawa namang sabi ni Iris.
Dahil gustong iselebra ng magkakaibigan ang natamong tagumpay ni Haidee ay napagpasyahan nilang magpunta sa beach. Dahil weekend naman ay agad silang pinayagan ng kanilang mga magulang basta mag-iingat lang daw sila.
Sama-samang sumakay sa bus papuntang Batangas ang magbabarkada. Masayang-masaya naman si Haidee dahil kasama sa lakad nila ang kanyang nobyo na si Stephen.
“O, Haidee, Stephen! Sulitin niyo ang pagkakataong magkasama kayo dahil minsan lang ito mangyari. Buti nga at pumayag ang mga magulang mo Haidee na mag-beach tayo, kasi sinabi ko kina Tito at Tita na puro babae lang tayo at walang kasamang lalaki. Ang pagsama ng dyowa mo ay lihim natin kaya huwag kang madudulas ha, Haidee at baka ako ang makagalitan,” sabi ni Paulene sa dalawa.
Makalipas ang ilang linggo ay nakatanggap ng sulat si Aling Cecil mula sa nangungunang unibersidad sa bansa. Nakasaad sa sulat na wala nang babayarang matrikula o anuman ang anak na si Haidee at makakapag-aral na ito ng Abogasya. Nakasulat din na makakatanggap ang dalaga ng buwanang allowance dahil isa itong iskolar. Agad niyang pinuntahan ang anak sa kwarto nito at ginising upang sabihin ang magandang balita.
“Haidee, anak gumising ka na at may sulat na dumating. Basahin mo!” utos niya sa anak.
“Ma, di ko po kayang bumangon. Para po akong nanghihina at nasusuka,” sabi ng dalaga.
“Bakit, anak masama ba ang pakiramdam mo? Bumangon ka at sasamahan kita sa doktor,” nag-aaalang wika ng ina.
Sinubukan ni Haidee na bumangon at maupo sa kama ngunit hindi niya napigilan na maduwal.
Sa kalagayang iyon ng anak ay biglang kinutuban si Aling Cecil.
“Anak, mayroon ka bang hindi sinasabi sa amin ng Papa mo?” seryosong tanong nito.
Mayamaya ay napahagulgol na ang dalaga at hindi na kayang itago ang dahilan ng kanyang pagkahilo at pagsusuka. Ipinagtapat na niya sa mga magulang ang totoo kaharap ang ina at ang ama.
“Ma, Pa, buntis Po ako at si Stephen ang ama. Matagal ko na po siyang kasintahan. Sorry po, nadala lang kami ng aming damdamin.” pag-amin ni Haidee.
“Diyos ko, anak malaking responsibilidad iyan pinasok niyo! Bata pa kayo at wala pang alam sa pagpapamilya,” himutok ng ina.
“Kailangan kong makausap ang lalaking iyon. Gusto kong malaman kung bakit niya ginawa iyan sa iyo!” pasigaw na sabi naman ng kanyang ama na si Mang Dante.
Sinugod ng ama ang bahay ng nobyo at kinausap ang lalaki.
“Hoy, walang hiya ka! Kay bata pa ng anak ko binuntis mo na? Hindi mo ba alam na nag-aaral pa siya, panira ka sa mga pangarap ng anak namin!” galit na angil ng ama.
“Sorry po, Tito pero hindi po namin sinasadya ang nangyari pero hindi po ako nagsisisi sa ginawa namin dahil mahal na mahal po namin isat isa. Alam ko pong walang kapatawaran ang ginawa ko sa inyong anak kaya nakahanda ko po siyang pakasalan. Pakakasalan ko po si Haidee kahit anong mangyari. Kahit masayang pa ang oportunidad na makapag-aral ako sa ibang bansa ay tatalikuran ko para sa anak ninyo. Ganoon ko po siya kamahal.
Sa sinabi ni Stephen ay nahimasmasan si Mang Dante. Kahit ano namang gawin niya ay nangyari na ang nangyari at hindi na maibabalik pa ngunit hindi siya pabor sa planong pakasalan ng lalaki ang kanyang anak.
“Pasensya na, alam ko namang hindi ko mapipigilang tumibok ang puso ng anak namin sa iyo at hindi ko rin hinahadlangan ang kagustuhan mong panagutan siya ngunit di biro ang pagpapakasal. Hindi kasal ang solusyon. Gusto kong makapagtapos muna kayo ng pag-aaral bago niyo gawin ang bagay na iyan, para rin sa kinabukasan niyong dalawa at para sa magiging anak niyo. Huwag kayong mag-alala habang hindi pa kayo nakakapagtapos ay pagtutulungan munan namin at ng mga magulang mo hijo ang pagpapalaki sa aming apo,” hayag ni Mang Dante.
Matapos ang araw na iyon ay napapayag din ang magkasintahan na magtapos muna sila ng pag-aaral. Kapag may maayos na silang trabaho at may sarili ng kita ay saka sila magpapakasal. Itinuloy ni Haidee ang pag-aaral sa nangungunang unibersidad sa bansa at si Stephen naman ay nag-aral sa Amerika. Nakaaangat sa buhay ang pamilya ng lalaki kaya sa ibang bansa siya gustong pag-aralin ng mga magulang.
Habang nasa Amerika ay patuloy na naging tapat ang lalaki sa pagmamahal niya sa kanyang nobya. Todo rin sa pagtulong at pagbibigay ng suporta ang mga magulang ni Stephen kay Haidee at sa kanilang anak.
Nang matapos ang ilang buwan ay isinilang ni Haidee ang anak nila ni Stephen. Isa iyong baby boy at kamukhang-kamukha ng nobyo.
Nang nakapagtapos ang dalawa at nagkaroon ng kanya-kanyang trabaho ay bumalik sa bansa si Stephen para hingin ang kamay ni Haidee sa mga magulang nito. Sapat na ang kinikita ni Stephen bilang Civil Engineer para mabigyan niya ng magandang buhay ang kanyang mag-ina. Isa na ring ganap na Abogado si Haidee at may maipagmamalaki na sa kanyang pamilya at magiging asawa.
“Tama si Papa, mas maigi nga na nagtapos muna tayo ng pag-aaral at nagkaroon ng magandang trabaho bago tayo magpakasal. Hindi sana ganito ang kinahantungan natin kung nagpadalus-dalos tayo noon. Ngayon ay puwede na kitang pakasalan sa lahat ng simbahan, kahit saan at kahit kailan mo gusto, mahal ko!” malambing na wika ni Stephen sa nobya.
“Sang-ayon ako sa iyo, mahal ko. Ngayon, kahit hindi mo na ako tanungin ng “Will you Merry Me?” ay buo na ang desisyon ko…
“Yes, Stephen. Handa na akong maging asawa mo,” maluha-luhang tugon ni Heidee.
Ilang linggo lang ang preparasyon at natuloy rin ang kasal ng magkasintahan. Buo na ang kanilang pamilya at may nag-aantay nang magandang bukas para sa kanilang anak at sa mga susunod pang anak dahil napaghandaan na nila ang buhay mag-asawa.