Saktong ala sais ng umaga ay gising na ang batang si Jose at kumaripas ito ng takbo sa kaniyang lolo’t lola.
“Birthday ko po ngayon! Gising na lolo, lola, birthday ko po ngayon,” masiglang pahayag ng bata.
“Ay sus, oo apo. Alam naming kaarawan mo ngayon kaya tama na sa pagtalon,” sagot ni Lola Carmen.
“Pwede na po ba akong pumili ng cake ko ngayon?” tanong ni Jose.
“Naku apo, hindi pa nagpapadala ang mama mo kaya wala pa tayong pangbili ng cake. Hayaan mo, may kaunting pera pa naman ako kaya makakabili pa tayo ng pansit kay Aling Vicky,” wika naman ni Lolo Baste.
“Pansit na naman, pitong taong gulang na ako pero hindi pa rin ako nakakapagblow ng candle lolo. Yung kaklase ko ho noong nakaraan ay nagbirthday sa school, pinakain kami ng jollibee tapos may cake siya na may kandilang pumuputok. Naiinggit ako,” wika na ni Jose saka siya bumaba sa higaan ng dalawang matanda at sumiksik sa isang sulok.
“Apo, hindi ba’t turo ko sayo na masama ang mainggit sa kapwa? Hindi mabuting asal ang hindi makuntento sa kung anong biyayang bigay ng Diyos sa atin,” baling ni Lola Carmen.
“Tumayo ka na diyan apo,bibili na lang tayo ng pansit dali na,” suyo naman ng kaniyang lolo. Hindi na lang nagsalita si Jose dahil baka mapalo pa siya ng kaniyang lola.
Simula nang maipanganak sa mundong ibabaw ang batang si Jose ay lumaki na ito sa poder ng dalawang matanda. Sa Maynila kasi nagtatrabaho ang kaniya nanay bilang factory worker, samantalang iniwan naman sila ng kaniyang ama para sa ibang babae.
Nag-almusal na ang tatlo at nakaligo na rin si Jose, sasama siya sa kanyang lola para bumili ng sikat na pansit sa kanilang kanto. Maiiwan naman ang kanyang lolo sa bahay dahil hirap na ito sa paglalakad.
“Apo, maliit lang ang perang iyan pero itago mo sa lola mo ha. Bumili ka ng kasya lang diyan, pwedeng pagkain o di kaya naman laruan. Happy birthday, Jose!” wika ni Lolo Baste sa bata sabay abot ng 100 piso dito. Talagang itinabi iyon ng matanda para sa kaniyang apo.
“Maraming salamat lolo, the best ka talaga!” saad naman ni Jose sabay yakap dito.
Napailing na lang si Lola Carmen, alam naman niya ang ginagawa ng asawa ngunit pinapabayaan na lamang niya ito dahil kaarawan naman ng bata.
“Jose, bawal magturo. Dadaan tayo saglit sa may bayan maniningil lang ako, ” pahayag ni Lola Carmen. Tumango naman ang bata at saka siya kumapit sa bestida ng matanda habang naglalakad.
Pagkarating nila sa bayan ay pumasok si Lola Carmen sa isang parlor, nagpapa-order kasi ang matanda ng leche flan na siyang ikinabubuhay nilang tatlo. Malaking tulong din ito lalo na kapag walang naipapadala ang kanyang nanay.
Samantalang nag-ikot naman si Jose sa katabing tindahan ng mga cake. Idinikit niya ang kaniyang mukha at tila iniisip niyang umiihip din siya ng kandila sa bawat piraso ng mga iyon.
“Bata, huwag ka nga diyan. Tingnan mo, bakat na yung mukha mo sa salamin, nakakainis naman” naiiritang saad ng tindera.
“Ate may pera naman ako e, baka pwede ko pong maibili ng cake ito,” sabi ni Jose sa babae sakay niya inabot ang isang daang piso na ibinigay sa kaniya ng lolo.
“Naku mga modus ngayon ganito e, baka peke itong pera mo tapos bibigyan kita ng cake? Utot, bumili ka sa mga bakery ng cake na tig-isang daan huwag dito, pulubi!” baling ng babae.
“Napakalupit mo naman sa bata, bakit hindi mo siya bigyan ng slice cake. Malaki na nga ang perang iyan para laitin mo pa,” wika ng isang binata na nasa likuran ni Jose.
“Bibilhin ko lahat ng cake, ibalot mo,” dagdag pa nito. Hindi nakapagsalita ang babae at mabilis na kumilos para ibalot ang mga tinda.
Binigay naman niya ito ngayon sa batang si Jose.
“Kuya ayaw ko, pagagalitan kasi ako ni lola kapag tinanggap ko po iyan. Hindi naman raw kami pulubi para manglimos sa iba,” tanggi ni Jose dito.
“Hindi naman ito limos, isipin mo na lang na regalo ko sayo ito,” sagot ng lalaki.
“Regalo, alam niyo rin po bang birthday ko ngayon?” tanong ng bata.
“Talaga ba? Kaarawan mo ngayon?” saad ng lalaki.
“Opo, pero wala pa kasi kaming pera para bumili ng cake. Gusto ko lang naman na umihip ng kandila sa ibabaw ng cake kasi yung mga kaklase ko ganun. Kaya salamat po dito ha,” wika ni Jose at ibinalik niya ang ibang tinapay at kinuha lamang niya ang cake doon.
“Kuhanin mo na ang lahat ng ito, regalo ko,” pilit muli ng lalaki.
“Magagalit nga po ang lola ko, pero pwede ko naman pong sabihin na binili ko nitong pera na bigay sa akin ni lolo, ayan sa inyo na po iyan,” saad naman ni Jose sabay abot ng isang daang piso sa lalaki.
“Ganito na lang, may ipapagawa ako sayo kapalit ng mga ito, okay lang ba?” pahayag ng lalaki at binulong ito kay Jose. Tumango naman ang bata ay masayang umuwi sa kanilang bahay bitbit ang maraming tinapay at ang kaniyang cake.
“O, Baste itong apo mo ay nanlimos ng cake sa bayan, ” galit na wika ni Lola Carmen nang makauwi sila.
“Apo, saan galing iyan?” tanong ni Lolo Baste.
“May lalaki pong nagregalo sa akin nito doon sa bayan,” sagot ni Kose.
“Regalo, bakit kakilala mo ba iyon apo? Bakit ka tumatanggap ng regalo sa ibang tao na hindi mo kakilala, mamaya niya’y hingan tayo ng kapalit,” sabi ni Lolo Baste.
“May kapalit naman talaga ito lolo,” sagot naman ni Jose.
“Ayan na nga ba ang sinasabi ko diyan sa apo mo, magkaka-utang pa tuloy tayo!” baling ni Lola Carmen.
“Sabi niya sa akin bilang kapalit daw ng lahat ng ito ay kailangan kong tumulong sa iba. Kapag daw dumating yung araw na may sobra akong pera ay huwag daw akong magdalawang isip na tumulong sa iba. Masyadong malalim, pero yun po ang sinabi niya. Basta ang alam ko na sabi niya ay huwag daw po akong magiging maramot,” sagot ni Jose.
“Ano bang pangalan nung lalaki para ipapahanap ko sa bayan nang makapagpasalamat naman ako,” pahayag ni Lola Carmen.
“Tawagin ko na lang daw po siyang Gabriel, yun ang sabi niya lola,” sagot naman ni Jose saka niya kinuha ang cake at inihanda ito.
Sinindihan ang kandila at nagtinginan na lang ang dalawang matanda habang kumakanta ang kanilang apo ng happy birthday sa kaniyang sarili. Sinabayan na lang rin nila ito at nagpasalamat sa kung sino mang lalaki ang tumulong kay Jose. Ipinagdarasal din nilang matupad sana ang lahat ng kahilang ng kanilang apo at lumaki itong matulungin sa kapwa.