Kunin Mo Na ang Lahat sa Akin, Huwag Lang Siya
High school pa lang ay magkasintahan na sina Eddie at Maxine, aminado ang lalaki na naging napakababaero niya at paulit-ulit na sinasaktan ang nobya.
“Hindi ko na kaya Eddie, maghiwalay na tayo,” wika ng babae.
“Sorry na, nagkamali lang naman ako pero sayo pa rin ako babalik. Ikaw at ikaw pa rin ang pipiliin ko Maxine,” lambing ng binata sa kaniyang nobya.
“Hindi ka na nagbago, ako na lang lagi ang nagpapatawad, ako ang umiintindi pero anong kapalit ang nakukuha ko sayo? Wala, dahil palagi mo pa rin akong sinasaktan, mahal na mahal kita at ang sakit sakit na,” umiiyak na pahayag ng babae.
“Ang arte mo naman, nagsorry na nga ako tapos may paganyan-ganyan ka pa. E di maghiwalay tayo, parang akala mo naman hindi ka hahabol sa akin kapag wala na tayo. Sus Maxine, kabisado na kita at alam kong hindi mo kayang mawala ako sayo, so stop acting like you can,” wika ni Eddie sa babae at binitiwan ito mula sa pagkakayakap.
Mabilis na nakaharap si Maxine sa nobyo at sinampal ito ng malakas, “Kulang pa iyan para sa lahat ng sakit na ibinigay mo sa akin. Sa lahat ng oras na sinayang ko sayo at sa lahat ng panloloko mo,” baling niya sabay talikod.
Naglakad na umiiyak ang babae sabay buhos ng malakas na ulan, “Talagang sasabay ka sa akin ngayon? Ngayon pa talaga ha ulan?” wika ng dalaga sabay tingin sa langit at pilit tinitiis ang patak ng malakas na ulan. Iyon na ang huling pagkikita ng dalawa.
Nagpunta si Maxine sa ibang bansa at doon nagtrabaho, kakatapos lang kasi nila ng kolehiyo. Alam niyang hindi siya makakalimot kung mananatili pa rin siya sa Pilipinas dahil halos lahat ng lugar ay si Eddie lamang ang kaniyang maaalala. Maski sa dumi ng kuko o kulangot niya’y ang lalaki pa rin ang sumasagi sa kaniyang isipan, wala kasing ibang nagging nobyo si Maxine bukod kay Eddie kaya hindi rin talaga siya masisi ng lahat.
Lumipas ang halos dalawang taon at bumalik ng Pilipinas ang babae na agad namang hinanap ni Eddie.
“Alam kong mahabang panahon na ang lumipas, alam ko rin nakalimutan mo na ako pero gusto kong sabihin na pinagsisisihan ko ang lahat. Mahal na mahal kita Maxine at sana bigyan mo pa ako ng pagkakataon,” pahayag ni Eddie sa babae.
“Pwede mo akong sapakin, sigawan o ipahiya ng ilang beses pero hindi ako susuko na makuha kang muli. Araw-araw kitang susuyuin at araw-araw ko ring ipapakita sayo na nagbago na ako,” dagdag pa ng lalaki.
“Hindi na pwede Eddie, hindi na pwede,” tanggi ni Maxine sa lalaki.
“Bakit? Wala ka namang nobyo at alam ko rin na hindi ka nagkaroon ulit ng ka-relasyon simula nang umalis ka. Alam ko na dyan sa puso mo ako pa rin ang mahal mo Maxine,” baling ni Eddie.
“Huli na ang lahat, hindi na natin maibabalik pa ang oras, huli ka na Eddie. Humanap ka na lang ng iba, tigilan mo na ako,” sagot ni Maxine saka siya umalis.
Hindi na muling nagkaroon ng pagkakataon pa si Eddie na makausap ang babae. Hanggang sa nabalitaan niya ang isang malungkot na balita.
“Hindi mo ba alam? Kaya siya umuwi dito sa Pilipinas para magpagamot, kaso sabi ng doktor ay wala daw kasiguraduhan na magiging matagumpay ang operasyon niya,” pahayag ni Bea, ang matalik na kaibigan ni Maxine.
“Hindi, wala akong alam na ganyan. Basta na lang niyang iniwasan lahat ng tawag ko, social media at maging ang pamilya niya,” sabi naman ni Eddie.
“Ganun ba? Kung ako sayo ay pupuntahan ko na siya ngayon sa ospital, mamayang gabi ang operasyon niya,” saad pang muli ng babae.
Wala nang sinayang na oras pa si Eddie at agad na sumugod sa ospital. Naabutan niyang nagdarasal ang lahat habang nakahiga naman si Maxine.
“Paano mo nalaman? Bakit ka nandito?” tanong ni Maxine sa lalaki. Agad naman na lumabas ang ibang tao sa kwarto upang magbigay daan sa dalawa.
“Bakit hindi mo sinasabi sa akin? Kailan ka pa nagkaroon ng sakit sa puso?” tanong ni Eddie sa babae.
“Simula bata pa Eddie, kaya nga laging galit sila mama kapag umiiyak ako sa tuwing mag-aaway tayo dahil lalong lumalala ang sakit ko. Akala ko yung pag-alis ko ay makakatulong para gumaling ako, para makalimutan ka pero wala. Mas lalo akong nalungkot at mas lalong lumala ang kalagayan ng puso ko, kaya ito kailangan ko na talagang operahan,” paliwanag ni Maxine sa lalaki.
“Patawarin mo ako Maxine, kasalanan ko lahat ng ito. Sinaktan kita noon kaya ka nagkaganyan,” umiiyak na sabi ni Eddie. Wala na silang ginawa kundi ang magdasal, 30% lang daw kasi ang tsansa na mabubuhay pa si Maxine.
Dumating na ang oras ng operasyon at sa unang pagkakataon ay nagdasal ang binata.
“Panginoon, alam kong napakasama kong lalaki para kay Maxine pero isa lang ang hiling ko sa inyo ngayon, kunin niyo na ang lahat sa akin wag lang ang mga mahal ko sa buhay. Wala lang siya o Diyos ko.” dalangin ng binata.
Lumipas ang halos sampung oras na operasyon, awa ng Diyos ay nabuhay naman si Maxine.
“Alam kong bago na ang puso mo kaya bibigyan na rin kita ng bagong buhay. Hindi ko na ipipilit pa ang sarili ko sayo Maxine, masaya na akong nabuhay ka,” pahayag ni Eddie.
Umaasa siyang pipigilan siya ng dalaga ngunit wala siyang ibang narinig kung hindi ang salitang salamat. Ito na rin siguro ang mas makakabuti sa kanilang dalawa. Hindi na nagkabalikan pa sina Eddie at Maxine ngunit naging mabuting magkaibigan naman sila. Pinagsisisihan man ng binata ang lahat ng kaniyang kasalanan ngunit hindi pa rin pala iyon sapat upang mapasakanyang muli ang babae.