Inday TrendingInday Trending
Pagbukod ng Mag-Asawa

Pagbukod ng Mag-Asawa

Matapos ang mahigit limang taon ng pag-iipon, sa wakas ay nabili na ni Rene at Rosa ang unang bahay nila.

Sa unang araw nila sa kanilang bagong bahay, puro saya ang kanilang nararamdaman dahil maipagmamalaki talagang sila ay may bahay na sarili nilang kanila.

Naalala nila kung paano sila nagsimula. Isang binatang lalaki lamang noon si Rene na galing sa isang mahirap na pamilya. 15 taong gulang siya noong lumipat siya sa syudad para maghanap ng maayos na trabaho.

Noong mga panahon na iyon, walang masyadong magandang trabaho sa kanilang probinsya kaya’t sa syudad niya nakita ang sagot sa kanilang kahirapan.

Awa naman ng Diyos at nakakuha kaagad siya ng trabaho.

Matapos ang sampung taong pagtatrabaho, mas maayos na ang kanyang buhay at may mas maganda siyang trabaho.

Ilang buwan pa ang nakalipas at nakilala niya si Rosa na ‘di kalaunan ay naging asawa niya.

Maganda siya, sopistikada, mahinhin, malayong-malayo sa ibang babaeng nakilala niya sa syudad.

Bumisita sila sa magulang ni Rene na nasa probinsya at doon pinakilala niya si Rosa sa kanyang pamilya.

Gustong-gusto si Rosa ng magulang ni Rene at nakakuha sila agad ng basbas para sa kanilang kasal.

Pero, napansin ni Rene na napakahirap na ng buhay ng kanyang mga magulang sa probinsya. Lumang-luma na ang bahay nila doon. May mga butas ang pader at tumutunog na ang kahoy nilang papag.

Panigurado ay mas malala ang kanilang sitwasyon lalo na kapag tag-ulan at malakas ang hangin.

Doon niya naisip na sa sobrang tutok niya sa pagtatrabaho, nagkulang na siya sa pagtulong sa kanyang magulang. Kaya’t hiniling niya sa mga ito na tumira kasama silang mag-asawa sa syudad. Nang sa gayon, mas maaalagaan niya ang kanyang mga magulang.

Pero, kahit paulit ulit niyang ayain ang kanyang mga magulang, paulit-ulit lang din silang tumatanggi.

Nang sila’y bumalik na sa syudad, hindi niya maialis ang kanyang isip sa kanyang mga tumatandang magulang.

“Mas magiging maayos sila rito. Saka may mga kwarto naman para sa kanila dito,” aniya.

Naisip niya na baka kung ang kanyang misis ang kakausap sa magulang niya ay baka pumayag rin sila.

“Hindi, Rene!” ‘yan agad ang mabilis na sagot ni Rosa sa kanya.

“Huh? Anong hindi?!” gulat na gulat na tanong ni Rene.

“Bahay natin ‘to Rosa at mga magulang ko iyon, kung ‘di ka papayag, umalis ka na lamang dito!”

Sa sobrang sama ng kanyang loob, tinawagan niya ang kanyang tatay para sabihin ang inis sa kanyang misis.

Laking gulat siya sa sagot ng kanyang ama.

“Anak, tama naman ang misis mo. Bagong kasal na kayo. At dapat siya na ang pamilya mo. Kami naman ng mama mo ay maayos pa rito. Dadalaw-dalaw na lang kami dyan.”

“Pero tay-”

“Hindi na, hijo. Ngayong nag-asawa ka na, mas makakabuti sa inyo kung kayong dalawa lang. Makinig ka sa akin.”

“Pero-“

“Rene. Makinig ka sa asawa mo. Alam kong inaalala mo lamang kami ng mama mo, pero maniwala ka, maayos kami rito. Ang intindihin mo na lang ay ang asawa mo at ang magiging pamilya niyo.”

“Sigurado ba kayo dyan, tay?”

“Oo naman, anak. Kaya puntahan mo na ang misis mo at humingi ka ng tawad sa kanya.”

Matapos makapag-isip-isip ni Rene, agad niyang tinawagan si Rosa at humingi ng tawad.

Napatawad din naman siya ng kanyang misis, at nag pasalamat siya dahil naintindihan niya na ang kanyang punto.

Ilang buwan ang lumipas at nakita nga ni Rene na totoo ang sinasabi ng kanyang tatay – na maganda ang epekto kung nakabukod sila sa mga magulang.

Paminsan-minsan ay dumadalaw sila Rene sa kanilang mga magulang. Kumg minsan naman ay ang mga magulang nila ang bumibisita sa kanilang bahay.

Mabuti na lamang at tumanggi si Rosa sa kanyang mister noon. Naging payapa tuloy ang kanilang buhay ngayon.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement