Inday TrendingInday Trending
Responsibilidad Ko Rin ang Kuya Kong Batugan

Responsibilidad Ko Rin ang Kuya Kong Batugan

Sinuwerte ang mag-asawang si Jho at Caloy. Kasalukuyan ay pitong taon na silang kasal at nagkaroon ng oportunidad si Caloy para magtrabaho sa ibang bansa.

Nang sinubukan ng kanyang misis na maghanap ng trabaho sa ibang bansa ay nakakuha rin siya agad. Maging ang kanilang mga kaibigan ay naiinggit na dahil parang swerte pa ang humahabol sa kanila.

Sagot naman ng mag-asawa ay talagang nadaan lang lahat iyon sa sipag, tiyaga at maraming dasal.

Dahil sa pagtutulungan ng mag-asawa ay naging madali sa kanila ang pakikibagay sa Amerika.

Ngunit mula nang sila’y makapangibang bansa, doon din nagsimula ang paghingi ng tulong ng pamilya ni Jho sakanila. Hiwalay kasi sa asawa ang kanyang mas matandang kapatid na si Jong. Wala rin siyang matinong trabaho kaya’t hindi niya kayang buhayin mag-isa ang kanyang nag-iisang anak. Gusto na rin ipaampon ni Jong sa kanyang kapatid ang anak niya.

Pero nagkasundo ang magkapatid na tutulong na lamang siya sa mga gastusin ng bata. Mula sa pang-araw araw na pagkain, hanggang sa pagpapaaral ng bata ay sagot na ni Jho.

Naging malapit ang bata sa mag-asawang si Jho at Caloy, na “mama” at “papa” na ang tawag niya sa kanila.

Mula nang sila’y makalipat sa ibang bansa, mangungumusta lamang ang kanyang kapatid tuwing wala ng pera.

“Ne, Jho, kumusta?”

“Wala nang pangkain si bunso dito. Baka pwede ka na ulit makapagpadala… Salamat” aniya.

Problema rin ni Jho ang bisyo ng kanyang kapatid – naninigarilyo siya at halos gabi-gabing naglalasing.

Bukod pa riyan, diabetic ang kanyang kapatid kaya’t maging ang kanyang buwan-buwang gamot ay siya ang nagpapadala.

Isang araw, nakita ni Caloy na walang tigil ang pagluha ng kanyang asawa kaya’t labis siyang nag-alala para sakanya.

“Mahal, anong problema?” tanong niya.

“Pasensya ka na, mahal, nahihiya ako sa’yo…”

“Oh, bakit naman? Sabihin mo sa akin ang problema para mapag-usapan natin.”

“Nahihiya ako dahil pati ikaw nahihirapan na sa pagpapadala sa pamilya ko. Napapagod na rin ako magtrabaho para sagutin ang lahat ng gastusin nila doon. Gusto ko naman na mag-focus sa atin. Sa pamilya natin…”

Matagal na natahimik si Caloy bago niya tanunging.. “Anong desisyon mo, mahal? Kung ano ang gusto mo, susuportahan kita…”

Noong sumunod na buwan, dalawang beses na nagpadala si Jho sa kanyang kuya. Agad siyang nagpadala ng mensahe kung bakit niya ito ginawa.

“Kuya, yung pangalawang pinadala ko, ipanghanap mo sana ng tricycle. Para kahit papaano ay kumikita ka rin. Para mayroon ka ng sariling pera.”

Sumagot naman agad ang kuya niya.. “Ha? Ayoko ng tricycle. Kung magmamaneho ako, mas gusto ko ang van.”

Hindi na sumagot pa si Jho sa sobrang sama ng loob niya sa kanyang kapatid. Siya na nga ang tumulong, inayawan pa ito.

Kaya naman ni Jho magpadala para sa isang van, pero sobra-sobra na rin kasi ang kanyang binigay. Dahil panigurado, ultimo maintenance ng sasakyan ay sila pa rin ang sasagot.

Isang linggo matapos ang pag-uusap nila ng kanyang kapatid, tumawag ang kanyang tatay.

“Oh, Jho! Bakit hindi ka na nagpapadala? Hindi ka ba tutulong sa amin ng kuya mo?”

“Eh tay-”

“Maraming kailangang bayaran na utang ang kuya mo sa tindahan, pag hindi iyon nabayaran, mapapa-barangay siya.”

“Ha? Paano ho nagkautang eh buwan buwan naman po akong nagpapadala..”

“Hindi sapat ang pinapadala mo. At saka kailangan din magpagamot ng kapatid mo dahil nagkaron siya ng bukol sa batok, baka komplikasyon iyon ng diabetes niya.”

“Eh, tay, bakit naman ho ganon? Bakit ako lahat? Hindi ko naman pinupulot ang pera dito. Binigyan ko na ng pandagdag na pera si kuya para sana makapaghanap buhay siya. Hindi ba siya naaawa sa anak niya at puro bisyo pa siya. Hindi ko na ho alam kung anong klaseng tulong pa ang maibibigay ko sa kanya.. dahil sobra-sobra na ang nabigay ko.”

Minasama ng kanyang tatay ang lahat ng kanyang sinabi. “Walang hiya ka. Napaka-walang kwenta mong kapatid. Wag na wag kang mag-aabuloy pag napano ang kuya mo. Nag-abroad ka lang, ang yabang mo na!”

At binabaan siya ng telepono ng kanyang ama.

Mula noon, kahit napakabigat sa kalooban ni Jho ay hindi na siya nagpadala pa sa kanyang kuya.

Ilang linggo lang din ay nalaman niyang wala naman talang bukol ang kanyang kapatid. Nabalitaan rin niyang totoo na malapit na mapabarangay ang kanyang kapatid dahil lamang sa ututang.

Buwan-buwan ay nakakatanggap ng masasakit na mensahe si Jho galing sa kanyang kuya at tatay. Pero tiniis niya itong lahat dahil gusto niyang matuto ang kanyang tatay at kapatid na harapin nila ang kanilang pagkakamali at huwag ng umasa sa kanya pag dating sa pera lalo na at may sarili naman siyang pamilya.

Hanggang isang araw, makalipas ang maraming buwan, ay nakatanggap siya ng mensahe sa kanyang kuya na talaga namang ikinabigla niya…

“Jho, ne, pasensya ka na kung naging pabigat ako sa iyo. Pasensya ka na dahil lahat inasa ko sa iyo. Huwag kang mag-alala, gusto ko na rin magbago dahil naaawa na ako sa anak ko. Nawa’y patuloy mo akong isama sa mga panalangin mo dahil mula bukas ay makakapagtrabaho na ako – bumili ako ng tricycle gaya ng sabi mo. Maraming salamat, Jho, ha. Sana isang araw ay ako naman ay makabawi sa’yo…”

Mula noon ay bumalik sa maayos ang kanilang relasyong magkapatid. Humingi rin ng tawad sa kanya ang kanyang tatay.

Kung minsan ay nagpapadala pa rin si Jho sa kanyang tatay at kapatid, hindi dahil sila’y nanghihingi, pero dahil sa sarili niyang kagustuhan at dahil mahal niya ang dalawang ito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement