Inday TrendingInday Trending
Utang ni Mama, Bayad Ko

Utang ni Mama, Bayad Ko

Nang makatapos si Jean sa kolehiyo ay agad siyang naghanap ng trabaho. Galing siya sa pamilya kung saan lima silang magkakapatid at hiwalay ang kanilang mga magulang.

Pangalawa siya sa pinaka-bunso at ang iba niyang kapatid ay may kanya-kanya nang pamilya.

Tanging siya at ang pinaka-bunso na lamang ang walang pamilya.

Kaya’t bilang tulong na rin sa kanyang nanay na kumayod para siya ay makapag-aral ay nais niyang maghanap agad ng trabaho upang may maiambag na siya sa kanilang mga bayarin.

Tatlong taon siyang nagtrabaho sa isang kilalang pampublikong ospital bilang isang nars.

Sa totoo lang, napakaliit lang ng kinikita niya roon. Halos wala siyang naipon para sa kanyang sarili dahil agad niyang binibigay ang buong sweldo niya sa kanyang nanay, at hihingi na lamang siya ng pera para sa baon niyang pang-pamasahe at kaunting pang-meryenda.

Kaya’t noong nangako siya sa kanyang sarili na magtatrabaho siya sa ibang bansa para kumita ng malaki, ay tinupad niya iyon.

Ang tatlong taon niyang pagtatrabaho ang nagbigay sa kanya ng pribilehiyong makapangibang-bansa.

“Oh, anak mag-ingat ka doon. Iyon ang pinaka importante sa akin. At araw-araw mo sana akong babalitaan kung ayos ka lang ba doon ha?” bilin ng kanyang nanay.

“Oo naman ma. Syempre mag-iingat po ako doon at babalitaan kita araw-araw. Kayo rin po dito ha, mag-iingat kayo ni bunso,” sagot naman ni Jean.

“At ikaw bunso, huwag kang magpapasaway kay mama ha!” dagdag pa niya.

Mahigpit silang nagyakapan sa airport na para bang di na sila magkikitang muli. Walang tigil rin ang pag-iyak ng kanyang nanay lalo na at siya ang kaisa-isa niyang anak na mangingibang bansa. Tatlong taon silang hindi magkakasama dahil sa kanyang kontrata.

Naging mahirap man ang adjustment ni Jean nang makapunta siya sa London, ay nanatili naman siyang porsigidong magtrabaho ng maayos.

Palagi niya na lamang iniisip ang kanyang mga kapatid, lalo na ang kanyang nanay tuwing siya’y nalulungkot, para maalala niya ulit kung bakit nga ba niya pinilit mangibang bansa.

Gayon din ang kanyang nanay, malungkot man na wala si Jean, ay unti-unti rin siyang nasanay.

Ngunit napansin ng dalaga na parang may nagbabago sa kanyang nanay – lalo na tuwing napaguusapan ang pagpapadala ng pera.

“Oh anak, kailan ka ulit magpapadala pala?” tanong minsan ng kanyang nanay habang sila’y magkausap sa video call.

“Ma, baka pagkatapos pa ho ng katapusan eh. Kasi tinitipid ko pa yung pera ko rito. May kailangan ho ba ulit kayo dyan?” tanong ni Jean.

“Ah kasi anak, nanghiram muna ako ng pera sa tiyahin mo kasi hindi nagkasya yung naipadala mo nung nakaraan. Babayaran ko kasi sana siya eh…” sagot naman ng nanay.

“Ay! Ganun ho ba nay? Sige po. Pakisabi nalang sa tiya na magpapadala rin ho ako agad-agad,” sagot naman ni Jean.

“Sige anak. Salamat ha, pasensya ka na.”

Napapadalas na dito napupunta ang kanilang usapan tuwing sila’y nagkakamustahan. Na manghihingi ulit ng padala ang kanyang nanay dahil may bago siyang pinagkautangan.

Wala namang kaso ito kay Jean, pero habang tumatagal kasi ay lumalaki na ang halaga ng utang ng kanyang nanay. Kung noon ay paisa-isang libo lang, ngayon ay umaabot na sa lima hanggang sampung libo.

At nagugulat na lamang ang dalaga dahil hindi manlang sinasabi sa kanya, pero naiutang na kaagad ng mama niya.

Isang araw, nagulat ang dalaga nang makatanggap siya ng mga mensahe galing sa kanyang bunsong kapatid.

“Ate, please wag na wag mo itong sasabihin kay mama ha kasi sigurado magagalit yun sa akin. Pero kasi yung mga sinasabi niyang inuutang niya sa iyo ay pinangsusugal niya lang naman!”

“Wag mong sasabihin kay mama ate ha, please please!”

Nakaramdam ng inis si Jean sa kanyang ina pero hinintay pa rin niya ang tamang pagkakataon para makapag-usap sila.

Iyon ding araw na yun ay nakipagusap sa kanya ang kanyang nanay at nanghihingi nanamang muli ng pambayad sa kanyang utang.

Panibagong dahilan nanaman ang kanyang binigay ngunit hindi na kayang maniwala pa ni Jean.

Kaya’t tinapat na ng dalaga ang kanyang ina.

“Ma, may umabot sa akin na balita na lagi ka raw nakikitang nagsusugal…Totoo ba iyon?”

“Ha?! Saan naman galing yang balitang ‘yan?!” sagot ng nanay niyang halatang gulat na gulat.

“Ma… maraming nakakakita sa iyo. Huwag mo nang itanggi sa akin. Dahil nasasaktan ako pag nagsisinungaling ka pa…”

“E-eh.. anak. Kasi eh…”

“So tama nga ma?”

Napayuko na lamang ang kanyang nanay at ‘di na nakasagot.

Nagkausap sila ng masinsinan, at nagkasundo na magpapakaayos na ang kanyang nanay at ‘di na mangungutang pa. Nangako rin itong titigil na sa pagsusugal upang hindi na magkabaon-baon sa utang.

Ilang buwang tumino ang kanyang nanay. Ikinatuwa ito ni Jean dahil syempre hindi na niya kinakailangang tipirin ang sarili para makapagpadala ng sobra.

Ngunit, ‘di nagtagal ay bumalik ang kanyang nanay sa pangungutang. Dahil siya ang ay pinakaamaayos na trabaho sa kanilang magkakapatid, pakiramdam niya rin ay siya na ang obligadong mag bayad ng utang ng kanyang nanay.

Matapos ang kanyang kontrata sa London ay umuwi na muli siya ng Pilipinas para sa isang buwang bakasyon bago bumalik sa panibagong trabaho. Isang engrandeng pagsalubong at handaan ang inihanda ng kanyang nanay.

Nanlumo siya ng malamang… utang ang lahat ng ito at siya pala ang magbabayad… ulit.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement