“Kumusta araw mo?” bati ni Minda sa kanyang mister na si Caloy nang salubungin niya ito sa pintuan ng kanilang bahay. Nakakunot kaagad ang noo ni Caloy na halata rin namang puro stress at pagod ang naiuwi sa bahay galing sa trabaho.
Hindi niya pinansin ang kanyang misis at deretsong pumunta sa kusina para uminom ng tubig.
“Ano ba naman ito, wala bang malamig na tubig?” galit na tanong ni Caloy.
“Naku, pasensya ka na mahal. Kasi, halos kakalagay ko lang niyan sa ref e-”
“Ayun nga yung punto ko, bakit kasi kakalagay mo lang?! ‘Di ka na naman nag-isip? Alam mong pauwi ako ‘di ba?!”
Hindi nakasagot si Minda dahil agad na dumeretso ang kanyang mister sa pintuan at lumayas noong gabing iyon.
Agad siyang dumeretso sa sasakyan at hinarurot ito paalis. Iniwan ni Caloy sa Minda na nakaupo sa harap ng kanilang bahay, umiiyak habang hinihintay na umuwi ang kanyang asawa.
Ilang text na ang iniwan ni Minda sa telepono ng kanyang asawa. At hindi niya tinigilan ang kakatawag sa kanyang mister, ngunit ni isang beses ay hindi siya sinagot nito.
Madalas ng ganito ang nangyayari sa kanila. Palagi na lamang away at sigawan ang kanilang nagiging hapunan. Napansin ni Minda na mabilis nang magalit si Caloy sa kanya, hindi tulad noong dati na malambing pa siya at mahaba-haba pa ang pasensiya.
Labis na ang pag-aalala ni Minda kung nasaan na ang kanyang mister. Ilang kaibigan na rin nila ang kanyang sinubukang tawagan para tanungin kung alam ba nila kung nasaan si Caloy, ngunit wala sa kanila ang nakakaalam.
Samantalang, si Caloy ay dumeretso sa bahay ng kanyang tatay. Naisip niyang kausapin ang kanyang ama at humingi ng payo tungkol sa kanyang buhay may-asawa.
“Kumusta na kayo ni Minda, anak?” tanong ni Lito, ang tatay ni Caloy.
“Ayun nga pa ang pinunta ko rito. Naiinis na kasi ako.”
“Bakit naman, anak?”
“Eh kasi tuwing uuwi ako sa bahay, hindi na ako natutuwa tuwing nakikita ko siya.”
Dagdag pa niya, “Para akong umuuwi sa katulong, hindi sa misis ko. Yung itsura niya pa, parang hindi na siya yung maganda at sexy na Minda na pinakasalan ko noon! Ni hindi ko na siya masabihang maganda dahil hindi man lang siya nag-aayos. Mabuti pa yung asawa ng mga kaibigan ko sa opisina, ang gaganda! Parang mga bata pa!”
Napailing na lamang si Lito sa sinasabi ng kanyang anak, at ang pagkunot ng kanyang noo ay para bang gusto niya na ring batukan si Caloy dahil sa mga lumabas sa kanyang bibig.
Pero hindi rin inaasahan ni Caloy ang sagot ng kanyang tatay.
“Ganito ang gawin mo, anak. Unang-una e umuwi ka na sa inyo, humingi ka ng tawad sa misis mo, kahit wala pa ito sa puso mo, samahan mo na rin ng bulaklak. Pangalawa, sabihin mo sa kanya na ‘wag na siyang magluto muna ng hapunan, at kumain kayo sa labas. Dalhin mo siya sa maayos na restawran kahit hindi mahal. At panghuli, bilhan mo siya ng magandang damit na isusuot niya kapag kumain na kayo sa labas.”
“Napakarami ko namang gagawin ‘tay! At ang gastos din naman ng pinapagawa niyo!”
“Kung gusto mong makakita ng isang magandang dilag sa harapan mo ulit, magandang iyan ang gawin mo,” nakangiting sabi ng kanyang ama.
Kinabukasan, pagkagaling ni Caloy sa trabaho, tahimik siyang pumasok sa kanilang bahay at dumeretso sa kanilang kusina kung nasaan ang kanyang misis na naghahanda ng hapunan.
“Minda…” mahinang boses niyang tinawag ang kanyang misis.
“Oh, may kailangan ka ba? Saglit lang at iluluto ko na itong hapunan natin…”
Humingi ng tawad si Caloy sa kanyang misis at kitang kita na nagulat si Minda sa sinabi ng mister. Pero kahit siya’y nagulat, ‘di niya rin napigilang mapangiti sa sinabi nito.
“Oo nga pala, ito oh, binili ko para sa iyo,” at kanyang inabot ang nakabalot na damit para sa misis. “Isuot mo iyan ngayong gabi at kakain tayo sa labas.”
Mas lalo pang nagulat si Minda sa kinikilos ng kanyang asawa, pero sumunod parin siya sa pakiusap nito.
“Sige, aakyat lamang ako at mag-aayos ha…” paalam niya.
Matapos ang kalahating oras ng pag-aantay ay bumaba na ang kanyang misis.
Tulalang-tulala si Caloy nang makita ang kanyang napaka-sexy na misis na suot ang damit na kanyang binili. Ngayon niya lang ulit nakitang nag-ayos at naglagay ng lipstick ang kanyang misis.
At hindi niya namalayan na unti-unti na pala siyang lumuluha. Napansin ito ni Minda at agad na tinanong kung may problema ba.
“Patawarin mo ako mahal, ako ang may dahilan kung bakit lagi tayong nag-aaway. Sinisisi ko sayo lahat pero ang totoo pala ay ako ‘di marunong magpahalaga. Napapabayaan na pala kita rito sa bahay at di ko man lang naiisip na ilabas ka ulit tulad ng dati.”
Ngumiti na lamang si Minda at niyakap ang mister. Sapat na sa kanya na marinig na humingi ng tawad ang kanyang asawa.
Mula noon, palagi na ulit nag-aayos si Minda, may lakad man sila o wala. At si Caloy naman, tinupad ang kanyang pangako na babawi sa kanyang misis.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!