Kapalit ng Isang Lata ng Sardinas
Natanggap si Upeng bilang kasambahay sa bahay nina Mrs. Santiago. Ipinasok siya roon ng kanyang kaibigang si Sol na labandera ng mag-asawang negosyante. Nang malaman ng babae na nangangailangan ang mga ito ng kasambahay na kailangan na doon tumira ay siya ang inirekomenda.
“Maraming salamat, Sol sa pagrekomenda sa akin ha. Huwag kang mag-alala sa unang sahod ko ay ililibre kita,” sabi ni Upeng.
“Naku, huwag mong intindihin iyon. Ang mahalaga ay may mapapasukan ka ng trabaho. Sa hirap maghanap ng trabaho ngayon ay huwag na tayong mapili di ba?” anito.
“Sinabi mo pa! Buti na lang at ako ang naisip mong ipasok kina Mrs. Santiago. Bakit nga pala pagiging labandera lang ang pinasukan mo sa kanila at hindi ka nag-full time na kasambahay?”
“Hindi kasi ako pinayagan nina tatay na doon makituloy, e. Mas gusto pa rin nila na umuuwi ako sa bahay kaya nag-part time ladandera lang ako kina Madam,” paliwanag ng kaibigan.
Kinaumagahan ay nagsimula nang magtrabaho si Upeng sa kanyang mga amo. Dinala na rin niya doon ang kanyang mga gamit. Anim na araw siyang magtatrabaho sa isang linggo at mayroon siyang isang araw na pahinga. Sa unang araw niya sa trabaho ay tambak agad ang gawain niya. Ipinalinis sa kanya ni Mrs. Santiago ang buong kabahayan. Kapag natapos siyang maglinis ay mamamalantsa pa siya ng tambak na mga damit at magluluto para sa pananghalian.
“Kailangan mong matapos lahat ng pinagagawa ko naiintindihan mo? Ayoko sa taong tatamad-tamad at mabagal kumilos!” singhal ni Mrs. Santiago.
“Opo, Madam!” sagot niya sa amo.
“Kapag natapos mo lahat ng pinagagawa ko ay magpapakain ka pa ng mga alaga kong aso. Ayoko ring ginugutom ang mga alaga ko!” anito sa malakas pa rin boses.
“Masusunod po!” aniya.
Halos isang linggo na ganoon ang ginagawa ng dalaga. Minsan nga ay hindi na siya nakakakain sa tamang oras matapos lang ang mga pinagagawa ng amo. Isang araw ay lampas alas-dos na ng hapon ay hindi pa nakakakain ng pananghalian si Upeng, kailangan pa niya kasing pakainin at paliguan ang mga alagang aso ni Mrs. Santiago kaya nakaramdam siya ng pagkahilo dahil sa sobrang gutom, di niya namalayan na nakatulog na pala siya.
Nagulat na lamang si Upeng nang buhusan siya ng mainit na tubig ng kanyang among babae.
“Aray! Madam, bakit po? Aray ko!” sigaw niya habang namimilipit sa hapdi.
“Put*ang i*a ka, muntik nang makalabas ng bahay ang mga aso ko dahil sa kapabayaan mong gaga ka!” galit na sabi ni Mrs. Santiago.
“Pasensya na po, nakatulog po kasi ako dahil nahilo po ako sa sobrang gutom,” paliwanag niya.
“Wala akong pakialam kung magutom ka, mas mahalaga ang buhay ng mga alaga ko! Naku, buwisit ka talaga, pagbibigyan kita ngayon pero kapag naulit pa ito ay hindi lang iyan ang aabutin mo sa akin!” singhal pa ng babae.
Hindi pa doon natapos ang pagmamalupit ng kanyang amo, minsan habang naglilinis siya ng banyo ay sinugod na naman siya nito.
“Hoy, di ba sinabi ko sa iyo na kailangan malinis ang buong bahay? Bakit punum-puno ng putik ang sala?” nakamulagat na sabi ni Mrs. Santiago.
“A, e si Sir po kasi pumasok po siya kanina na putikan po ang suot niyang tsinelas. Pero kalilinis ko lang po kanina sa sala bago po siya dumating. Hindi ko lang po nagawang linisan ulit kasi sabi po niya mas mahalaga raw po na linisin ko muna itong banyo dahil maliligo daw po siya,” maayos na wika niya sa amo.
“At sinisi mo pa ang asawa ko sa katamaran mo! Puny*ta ka talagang babae ka! Heto ang dapat sa iyo para magtanda ka!”
Nagulat si Upeng nang biglang hablutin ng amo ang kanyang buhok at pakaladkad siyang hinila sa tapat ng inidoro. Walang nagawa ang dalaga nang isinubsob siya nito sa loob ng inidoro na may dumi at ihi.
“Huwag po, maawa po kayo, Madam!” pagmamakaawa ng dalaga.
Halos mawala ang pagkatao ni Upeng sa ginawang iyon sa kanya ni Mrs. Santiago ngunit hindi niya nakayanang manlaban dahil sino nga ba siya? Isa lamang siyang hamak na kasambahay. Walang siyang ibang naramdaman kundi ang matinding pagkaawa sa sarili habang umiiyak.
“Siguro naman ay magtatanda ka na ‘no?” tatawa-tawa pang sabi ng amo.
Buong magdamag niyang iniiyak ang matinding sama ng loob sa ginawa sa kanya ni Mrs. Santiago. Gusto na niyang umalis sa trabaho ngunit naisip niya, paano ang kanyang pamilya na umaasa sa kanya kapag nawalan siya ng pagkakakitaan? Nagdesisyon si Upeng na tiisin na lamang ang pagmamalupit ng amo para sa perang kikitain niya sa pagtatrabaho rito.
Nang sumunod na araw ay nagpaalam ang kanyang mga amo na magbabakasyon ang mga ito at tatlong araw na mawawala. Sinabihan siya ni Mrs. Santiago na hindi siya maaaring lumabas ng bahay habang wala ang mga ito kaya bago umalis ang mga amo ay ikinandado ang pinto ng bahay para hindi siya makalabas. Binilinan din siya na pakainin at huwag hahayaang magutom ang mga alagang aso ngunit kinagabihan ay nakaramdam ng gutom si Upeng kaya naghanap siya ng maaaring makain. Nang buksan niya ang refrigerator ay walang laman na anumang pagkain. Sa isip niya ay tiniyak ng mag-asawa na sadyang alisin ang laman ng refrigerator para hindi siya makakain. Nang buksan niya ang kabinet ay nakakita siya ng isang lata ng sardinas. Dahil nakakaramdam na naman siya ng pagkahilo dahil sa sobrang gutom ay minabuti niyang iluto ang sardinas at iyon ang kanyang pinagkasyang kainin sa loob ng tatlong araw.
“Naku, siguradong magagalit sa akin si Madam kapag nalaman niya na pinakialaman ko ang laman ng kabinet niya. Sasabihin ko na lang na ibawas sa sasahurin ko ang kinain kong sardinas,” wika niya sa isip.
Nang dumating ang mga amo ay nagmamadaling tiningnan ni Mrs. Santiago ang kabinet na pinagkunan ni Upeng ng sardinas. Malakas kasi ang kutob ng babae na ginalaw niya ang isang lata ng sardinas na naiwan nito nang itago ang mga pagkain sa loob ng kuwarto. Nang makitang nawawala ang pakay ay agad niyang binuntunan ng galit ang kasambahay.
“Bakit mo pinakialaman ang lata ng sardinas na nasa loob ng kabinet? Hindi ba’t kabilin-bilinan ko na wala kang maaaring galawin doon?” galit nitong sabi.
“Pasensya na po, Madam pero wala po kasi kayong iniwan na pagkain. Gutom na gutom na po kasi ako kaya iniluto ko po ang nakita kong sardinas sa loob ng kabinet. Huwag po kayong mag-alala at babayaran ko po ang kinain ko. Ibawas niyo na lang sa sahod ko,” paliwanag niya sa amo.
Mas lalong nagdilim ang paningin ni Mrs. Santiago sa sinabi ni Upeng dahil nga ayaw na ayaw nitong pinakikialaman ang mga pagmamay-ari niya kaya nang malaman nitong kinain ng dalaga ang isang lata ng sardinas ay nag-umapaw ang galit ng babae.
“Puny*ta kang babae ka! Ang tigas talaga ng ulo mo ha! Wala kang karapatang galawin ang pagkain sa kusina kapag wala kami!” singhal ni Mrs. Santiago. Sa sobrang galit ay nadampot nito ang gunting at sinasak sa mata si Upeng.
“Madam!!!” palahaw ng dalaga.
Nahimasmasan na lamang si Mrs. Santiago nang makitang duguan ang kaliwang mata ni Upeng. Nagmamadali nitong tinawag ang asawa sa ikalawang palapag ng bahay. Nang makakita ng pagkakataon ay tumakas si Upeng sa mga amo at humingi ng tulong sa mga kapitbahay.
“Tulong, tulungan niyo po ako, pakiusap!” namimilipit niyang sigaw habang pasuray-suray na naglalakad sa kalsada.
Mayamaya ay may dumating na tatlong lalaki na naglalakad sa daan at nang makita siya na duguan at hindi na makalakad ay agad siyang dinala ng mga ito sa malapit na ospital. Matapos siyang gamutin ng doktor ay sinabi sa kanya nito na hindi na makakakita ang kaliwa niyang mata dahil malala ang natamo nitong sugat sa ginawang pagbulag sa kanya ni Mrs. Santiago. Inireklamo niya ang amo sa pulisya sa tangkang pananakit at pagmamaltrato sa kanya nito.
Nang magkaharap sila ng kanyang amo sa istasyon ng pulis ay bumalik sa kanyang alaala ang lahat ng sakit at kahihiyan na idinulot nito sa kanya.
“Parang-awa mo na, Upeng. Patawarin mo na ako. Hindi ko sinasadya ang nangyari,” pagsusumamo ni Mrs. Santiago.
“Ako na ang humihingi ng paumanhin sa ginawa ng asawa ko, hija. Pag-usapan natin ito, iurong mo ang kaso,” sabad naman ng mister ng among babae.
“Pasensya na po pero buo na po ang desisyon ko. Kung noon ay tiniis ko ang lahat ng pagmamaltrato ng asawa niyo sa akin, ngayon ay hindi na. Hindi matatawaran ang ginawa niyang pagsira sa aking paningin dahil lamang sa isang lata ng sardinas. Kailangan niyang pagbayaran ang ginawa niya sa akin,” mangiyak-ngiyak niyang sabi.
Napatunayan na nagkasala si Mrs. Santiago. Hindi naisip ng mag-asawa na nakunan pala ng CCTV sa loob ng kanilang bahay ang ginawang pananakit ng among babae kay Upeng kaya iyon ang nagpatibay ng ebidensiya na naging dahilan para tuluyang makulong ang amo. Tinangka pa ng mga itong aregluhin ang kaso ngunit hindi hinayaan ni Upeng na hindi manaig ang katotohanan. Walang nagawa ang pera at impluwensiya ng mag-asawang amo para makamit niya ang hustisya dahil siya pa rin ang pinanigan ng batas.
Matapos makapagpagaling ay unti-unti nang natanggap ni Upeng ang nangyari sa kanya. Ipinagpasalamat pa rin niya na buhay siya at hindi tuluyang nasawi sa kamay ng kanyang amo. Kahit nabulag ang kaliwang mata ay hindi iyon naging hadlang para makahanap siyang muli ng trabaho dahil may nagmagandang loob na kinuha ang kanyang serbisyo bilang kasambahay. Sa wakas ay nakahanap siya ng mabait na amo na ang turing sa kanya ay hindi ibang tao kundi kapamilya ng mga ito.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!